Revised Common Lectionary (Complementary)
90 Panginoon, ikaw ay naging tahanang dako namin sa lahat ng sali't saling lahi.
2 Bago nalabas ang mga bundok, O bago mo nilikha ang lupa at ang sanglibutan, mula nga ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan, ikaw ang Dios.
3 Iyong pinapagiging kapahamakan ang tao; at iyong sinasabi, Magsipanumbalik kayo, kayong mga anak ng mga tao.
4 Sapagka't isang libong taon sa iyong paningin ay parang kahapon lamang nang makaraan, at parang pagpupuyat sa gabi.
5 Iyong dinadala sila na parang baha; sila'y parang pagkakatulog: sa kinaumagahan ay parang damo sila na tumutubo.
6 Sa kinaumagahan ay namumulaklak at lumalago; sa kinahapunan ay pinuputol at natutuyo.
7 Sapagka't kami ay nangasupok sa iyong galit, at sa iyong poot ay nangabagabag kami.
8 Iyong inilagay ang aming kasamaan sa harap mo, ang aming lihim na mga kasalanan sa liwanag ng iyong mukha.
9 Sapagka't lahat naming kaarawan ay dumaan sa iyong poot: aming niwawakasan ang aming mga taon na parang isang buntong hininga.
10 Ang mga kaarawan ng aming mga taon ay pitong pung taon, o kung dahil sa kalakasan ay umaabot ng walong pung taon; gayon ma'y ang kanilang kapalaluan ay hirap at kapanglawan lamang; sapagka't madaling napapawi, at kami ay nagsisilipad.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng iyong galit, at ng iyong poot ayon sa katakutan na marapat sa iyo?
12 Kaya ituro mo sa amin ang pagbilang ng aming mga kaarawan, upang kami ay mangagtamo sa amin ng pusong may karunungan.
7 Bukod dito'y ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,
2 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios sa lupain ng Israel, May wakas: ang wakas ay dumating sa apat na sulok ng lupain.
3 Ngayon ang wakas ay sumasaiyo at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan ka ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
4 At hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita; kundi aking parurusahan ang iyong mga lakad, at ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa ay malilitaw; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.
5 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang kasamaan, ang tanging kasamaan; narito, dumarating.
6 Ang wakas ay dumating, ang wakas ay dumating; ito'y gumigising laban sa iyo; narito, dumarating.
7 Ang parusa sa iyo ay dumarating, Oh mananahan sa lupain: ang panahon ay dumarating, ang kaarawan ay malapit na, kaarawan ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may hiyawan, sa ibabaw ng mga bundok.
8 Bigla ko ngang ibubugso sa iyo ang aking kapusukan, at aking gaganapin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at ipadadanas ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
9 At ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako: padadatnin ko sa iyo ang ayon sa iyong mga lakad; at ang iyong mga kasuklamsuklam ay dadanasin mo; at inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.
8 At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao.
9 At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin.
10 At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap,
11 At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa.
12 At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw.
13 At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka:
14 Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat.
15 (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.)
16 At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na:
18 At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot.
19 At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan.
20 At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan.
21 At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki.
Public Domain