Revised Common Lectionary (Complementary)
63 Oh Dios, ikaw ay Dios ko; hahanapin kitang maaga: kinauuhawan ka ng aking kaluluwa, pinananabikan ka ng aking laman, sa isang tuyo at uhaw na lupa na walang tubig.
2 Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuario. Upang tanawin ang iyong kapangyarihan at ang iyong kaluwalhatian.
3 Sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mainam kay sa buhay: pupurihin ka ng aking mga labi.
4 Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay: igagawad ko ang aking mga kamay sa iyong pangalan.
5 Ang kaluluwa ko'y matutuwa na gaya sa utak at taba; at ang bibig ko'y pupuri sa iyo ng masayang mga labi;
6 Pagka naaalaala kita sa aking higaan, at ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi.
7 Sapagka't naging katulong kita, at sa lilim ng mga pakpak mo'y magagalak ako.
8 Ang kaluluwa ko'y nanununod na mainam sa iyo: inaalalayan ako ng iyong kanan.
9 Nguni't ang nagsisihanap ng kaluluwa ko, upang ipahamak, magsisilusong sa mga lalong mababang bahagi ng lupa.
10 Sila'y mangahuhulog sa kapangyarihan ng tabak: sila'y magiging pagkain sa mga zorra.
11 Nguni't ang hari ay magagalak sa Dios: bawa't sumusumpa sa pamamagitan niya ay luluwalhati; sapagka't ang bibig nila na nagsasalita ng mga kasinungalingan ay patitigilin.
9 Itanyag ninyo ito sa mga bansa: mangaghanda kayo ng digma; pasiglahin ninyo ang mga malakas na lalake; magsilapit ang lahat na lalaking mangdidigma, sila'y magsisampa.
10 Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit: magsabi ang mahina, Ako'y malakas.
11 Mangagmadali kayo, at magsiparito kayong lahat na bansa sa palibot, at magpipisan kayo: iyong pababain doon ang iyong mga makapangyarihan, Oh Panginoon.
12 Magpakasigla ang mga bansa, at magsisampa sa libis ni Josaphat; sapagka't doo'y uupo ako upang hatulan ang lahat na bansa sa palibot.
13 Gamitin ninyo ang karit; sapagka't ang aanihin ay hinog na: kayo'y magsiparito, at magsiyapak; sapagka't ang alilisan ng alak ay puno, ang kamalig ng alak ay inaapawan; sapagka't ang kanilang kasamaan ay malaki.
14 Mga karamihan, mga karamihan sa libis ng pasiya! sapagka't ang kaarawan ng Panginoon ay malapit na sa libis ng pasiya.
15 Ang araw at ang buwan ay nagdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang kislap.
16 At ang Panginoo'y aangal mula sa Sion, at palalakasin ang kaniyang tinig mula sa Jerusalem; at ang langit at ang lupa ay mangayayanig: nguni't ang Panginoon ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan, at katibayan sa mga anak ni Israel.
17 Sa gayo'y inyong malalaman na ako ang Panginoon ninyong Dios, na tumatahan sa Sion, na aking banal na bundok: kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem, at hindi na daraan pa sa kaniya ang mga taga ibang lupa.
18 At mangyayari sa araw na yaon, na ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay aagusan ng gatas, at ang lahat na batis ng Juda ay aagusan ng mga tubig; at isang bukal ay babalong sa bahay ng Panginoon, at didiligin ang libis ng Sittim.
19 Ang Egipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagka't sila'y nagbubo ng walang salang dugo sa kanilang lupain.
20 Nguni't ang Juda'y tatahan magpakailan man, at ang Jerusalem ay sa sali't saling lahi.
21 At aking lilinisin ang kanilang dugo na hindi ko nilinis: sapagka't ang Panginoon ay tumatahan sa Sion.
29 Datapuwa't karakarakang pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na yaon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kaniyang liwanag, at mangalalaglag ang mga bituin mula sa langit, at magsisipangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit:
30 At kung magkagayo'y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo'y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.
31 At susuguin ang kaniyang mga anghel na may matinding pakakak, at kanilang titipunin ang kaniyang mga hinirang mula sa apat na hangin ng sanglibutan, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila.
32 Sa puno ng igos nga ay pagaralan ninyo ang kaniyang talinghaga: pagka nananariwa ang kaniyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tagaraw;
33 Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya'y malapit na, nasa mga pintuan nga.
34 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa mangaganap ang lahat ng mga bagay na ito.
35 Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwa't ang aking mga salita ay hindi lilipas.
Public Domain