Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Pakinggan mo ang aking mga salita, Oh Panginoon, pakundanganan mo ang aking pagbubulaybulay.
2 Dinggin mo ang tinig ng aking daing, Hari ko, at Dios ko; sapagka't sa iyo'y dumadalangin ako.
3 Oh Panginoon, sa kinaumagaha'y didinggin mo ang aking tinig; sa kinaumagahan ay aayusin ko ang aking dalangin sa iyo, at magbabantay ako.
4 Sapagka't ikaw ay di isang Dios na may kaluguran sa kasamaan: ang masama ay hindi tatahang kasama mo.
5 Ang hambog ay hindi tatayo sa iyong paningin: iyong kinapopootan ang lahat na mga manggagawa ng kalikuan.
6 Iyong lilipulin sila na nangagsasalita ng mga kabulaanan: kinayayamutan ng Panginoon ang taong mabangis at magdaraya,
7 Nguni't sa ganang akin, sa kasaganaan ng iyong kagandahang-loob ay papasok ako sa iyong bahay; sa takot sa iyo ay sasamba ako sa dako ng iyong banal na templo.
8 Patnubayan mo ako, Oh Panginoon, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; patagin mo ang iyong daan sa harapan ko.
9 Sapagka't walang pagtatapat sa kanilang bibig; ang kanilang kalooban ay tunay na kasamaan; ang kanilang lalamunan ay bukas na libingan; sila'y nanganunuya ng kanilang dila.
10 Bigyan mong sala sila, Oh Dios; ibuwal mo sila sa kanilang sariling mga payo: palayasin mo sila sa karamihan ng kanilang mga pagsalangsang; Sapagka't sila'y nanganghimagsik laban sa iyo,
11 Nguni't iyong pagalakin ang lahat na nagsisipagkanlong sa iyo, pahiyawin mo nawa sila sa kagalakan magpakailan man, sapagka't iyong ipinagsasanggalang sila: mangagalak nawa rin sa iyo ang nagsisiibig ng iyong pangalan.
12 Sapagka't iyong pagpapalain ang matuwid; Oh Panginoon, lilibirin mo siya ng paglingap na gaya ng isang kalasag.
18 Nguni't sa mga araw mang yaon, sabi ng Panginoon, hindi ako gagawa ng lubos na kawakasan sa inyo.
19 At mangyayari, pagka inyong sasabihin, Bakit ginawa ng Panginoon nating Dios ang lahat ng mga bagay na ito sa atin? kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Kung paanong inyong pinabayaan ako, at nangaglingkod kayo sa mga ibang dios sa inyong lupain, gayon kayo mangaglingkod sa mga taga ibang lupa sa isang lupain na hindi inyo.
20 Inyong ipahayag ito sa sangbahayan ni Jacob, at inyong ibalita sa Juda na inyong sabihin,
21 Inyong dinggin ngayon ito, Oh hangal na bayan, at walang unawa; na may mga mata, at hindi nakakakita; na may mga pakinig, at hindi nakakarinig:
22 Hindi kayo nangatatakot sa akin? sabi ng Panginoon: hindi baga kayo manginginig sa aking harapan, na naglagay ng buhangin na pinakahangganan ng dagat, sa pamamagitan ng pinakawalang hanggang pasiya, upang huwag makalampas? at bagaman maginalon ang kaniyang mga alon, hindi rin mananaig; bagaman ang mga ito'y nagsisihugong, hindi rin ang mga ito'y makaraan.
23 Nguni't ang bayang ito ay may magulo at mapanghimagsik na puso; sila'y nanghimagsik at nagsiyaon.
24 Hindi man nila sinasabi sa sarili, Mangatakot tayo ngayon sa Panginoon nating Dios, na naglalagpak ng ulan, ng maaga at gayon din ng huli, sa kaniyang kapanahunan; na itinataan sa atin ang mga takdang sanglinggo ng mga pagaani.
25 Ang inyong mga kasamaan ang nangaghiwalay ng mga bagay na ito, at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil sa inyo ng kabutihan.
26 Sapagka't sa gitna ng aking bayan ay nakakasumpong ng mga masamang tao: sila'y nagbabantay, gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag; sila'y nangaglalagay ng silo, sila'y nanghuhuli ng mga tao.
27 Kung paanong ang kulungan ay puno ng mga ibon, gayon ang kanilang mga bahay ay puno ng karayaan: kaya't sila'y naging dakila, at nagsisiyaman.
28 Sila'y nagsisitaba, sila'y makintab: oo, sila'y nagsisihigit sa mga paggawa ng kasamaan; hindi nila ipinakikipaglaban ang usap, ang usap ng ulila, upang sila'y guminhawa; at ang matuwid ng mapagkailangan ay hindi hinahatulan.
29 Hindi baga dadalaw ako dahil sa mga bagay na ito? sabi ng Panginoon; hindi baga manghihiganti ang aking kalooban sa ganiyang bansa na gaya nito?
30 Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ay nangyayari sa lupain:
31 Ang mga propeta ay nanganghuhula ng kasinungalingan, at ang mga saserdote ay nangagpupuno sa pamamagitan ng kanilang mga kamay; at iniibig ng aking bayan na magkagayon: at ano ang inyong gagawin sa wakas niyaon?
13 At dahil naman dito kami ay nangagpapasalamat na walang patid sa Dios, na nang inyong tanggapin sa amin ang salita na ipinangaral, sa makatuwid baga'y ang salita ng Dios, ay inyong tinanggap na hindi gaya ng salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, na salita ng Dios, na gumagawa naman sa inyo na nagsisisampalataya.
14 Sapagka't kayo, mga kapatid, ay nagsitulad sa mga iglesia ng Dios na nasa Judea kay Cristo Jesus: sapagka't nagsipagbata naman kayo sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio;
15 Na nagsipatay sa Panginoong Jesus, at gayon din sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas, at di nangagbibigay lugod sa Dios, at laban sa lahat ng mga tao;
16 Na pinagbabawalan kaming makipagusap sa mga Gentil upang mangaligtas ang mga ito; upang kanilang paramihing lagi ang kanilang mga kasalanan: nguni't dumating sa kanila ang kagalitan, hanggang sa katapusan.
17 Nguni't kami, mga kapatid, na nangahiwalay sa inyong sangdaling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay nangagsisikap na lubha, upang makita ang inyong mukha na may dakilang pagnanais:
18 Sapagka't nangagnasa kaming pumariyan sa inyo, akong si Pablo, na minsan at muli; at hinadlangan kami ni Satanas.
19 Sapagka't ano ang aming pagasa, o katuwaan, o putong, na ipinagmamapuri? Hindi baga kayo rin sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagparito?
20 Sapagka't kayo ang aming kaluwalhatian at aming katuwaan.
Public Domain