Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 1

Mapalad ang tao na hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni nauupo man sa upuan ng mga manglilibak.

Kundi ang kaniyang kasayahan ay nasa kautusan ng Panginoon; at sa kautusan niya nagbubulaybulay siya araw at gabi.

At siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa siping ng mga agos ng tubig, na nagbubunga sa kaniyang kapanahunan, ang kaniyang dahon nama'y hindi malalanta; at anumang kaniyang gawin ay giginhawa.

Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipa na itinataboy ng hangin.

Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa paghatol, ni ang mga makasalanan man sa kapisanan ng mga matuwid.

Sapagka't nalalaman ng Panginoon ang lakad ng mga matuwid: nguni't ang lakad ng masama ay mapapahamak.

Deuteronomio 9:25-10:5

25 Sa gayo'y nagpatirapa ako sa harap ng Panginoon na apat na pung araw at apat na pung gabi na ako'y nagpatirapa, sapagka't sinabi ng Panginoon, na kaniyang lilipulin kayo.

26 At aking ipinanalangin sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, huwag mong lipulin ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan na iyong inilabas sa Egipto ng makapangyarihang kamay.

27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, si Abraham, si Isaac, at si Jacob; huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila:

28 Baka sabihin ng mga taga lupaing pinaglabasan mo sa amin: Sapagka't hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sa kapootan niya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.

29 Gayon man sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.

10 Nang panahong yaon ay sinabi ng Panginoon sa akin, Humugis ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya ng una, at sampahin mo ako sa bundok, at gumawa ka ng isang kaban na kahoy;

At aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.

Sa gayo'y gumawa ako ng isang kaban na kahoy na akasia, at ako'y humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at ako'y sumampa sa bundok na aking dala sa aking kamay ang dalawang tapyas.

At kaniyang isinulat sa mga tapyas, ang ayon sa unang sulat, ang sangpung utos na sinalita ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang kaarawan ng kapulungan: at ang mga yaon ay ibinigay sa akin ng Panginoon.

At ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at nangandoon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.

Tito 2:7-8

Sa lahat ng mga bagay ay magpakilala kang ikaw ay isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong aral ay ipakilala mo ang walang kamalian ang kahusayan,

Pangungusap na magaling, na di mahahatulan; upang sila na nasa kabilang panig ay mahiya, nang walang anomang masamang masabi tungkol sa atin.

Tito 2:11-15

11 Sapagka't napakita ang biyaya ng Dios, na may dalang kaligtasan sa lahat ng mga tao,

12 Na nagtuturo sa atin, upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito;

13 Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

14 Na siyang nagbigay ng kaniyang sarili dahil sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at malinis niya sa kaniyang sarili ang bayang masikap sa mabubuting gawa, upang maging kaniyang sariling pag-aari.

15 Ang mga bagay na ito ay iyong salitain at iaral at isaway ng buong kapangyarihan. Sinoman ay huwag humamak sa iyo.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain