Revised Common Lectionary (Complementary)
144 Purihin ang Panginoon na aking malaking bato, na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma, at ang mga daliri ko na magsilaban:
2 Aking kagandahang-loob, at aking katibayan, aking matayog na moog, at aking tagapagligtas; aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong; na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.
3 Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya? O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?
4 Ang tao ay parang walang kabuluhan: ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.
5 Ikiling mo ang iyong mga langit, Oh Panginoon, at bumaba ka: hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.
6 Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila; suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,
7 Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas; sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig, sa kamay ng mga taga ibang lupa;
8 Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
9 Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, Oh Dios: sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari: na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.
11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa. Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan; at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.
13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay; at ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;
14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti; pagka walang salot, at sakuna, at walang panaghoy sa aming mga lansangan;
15 Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan: maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.
5 Sino itong umaahong mula sa ilang, na humihilig sa kaniyang sinisinta? Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita: doon nagdamdam sa iyo ang iyong ina, doon nagdamdam yaong nanganak sa iyo.
6 Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig: sapagka't ang pagsinta ay malakas na parang kamatayan, panibugho ay mabagsik na parang Sheol: ang mga liyab niyaon ay parang mga liyab ng apoy, isang pinaka liyab ng Panginoon.
7 Ang maraming tubig ay hindi makapapatay sa pagsinta, ni mapauurong man ng mga baha; kung ibigay ng lalake ang lahat na laman ng kaniyang bahay dahil sa pagsinta, siya'y lubos na kukutyain.
8 Tayo'y may isang munting kapatid na babae, at siya'y walang mga suso: ano ang ating gagawin sa ating kapatid na babae sa araw na siya'y ipakikiusap?
9 Kung siya'y maging isang kuta, pagtatayuan natin siya ng moog na pilak: at kung siya'y maging isang pintuan, ating tatakpan ng mga tablang sedro.
10 Ako'y isang kuta, at ang aking mga suso ay parang mga moog niyaon: ako nga'y naging sa harap ng kaniyang mga mata ay parang nakakasumpong ng kapayapaan.
11 Si Salomon ay may ubasan sa Baal-hamon; kaniyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala; bawa't isa'y nagdadala dahil sa bunga niyaon ng isang libong putol na pilak.
12 Ang aking ubasan na akin ay nasa harap ko; ikaw, Oh Salomon, ay magkakaroon ng libo, at ang nangagiingat ng bunga niyaon ay dalawang daan.
13 Ikaw na tumatahan sa mga halamanan, ang mga kasama ay nangakikinig ng iyong tinig: iparinig mo sa akin.
14 Ikaw ay magmadali, sinisinta ko, at ikaw ay maging parang usa o batang usa sa mga bundok ng mga especia.
45 Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya.
46 Datapuwa't ang ilan sa kanila ay nagsiparoon sa mga Fariseo, at sinaysay sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus.
47 Ang mga pangulong saserdote nga at ang mga Fariseo ay nangagpulong, at nagsipagsabi, Ano ang ginagawa natin? sapagka't ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda.
48 Kung siya'y ating pabayaang gayon, ang lahat ng mga tao ay magsisisampalataya sa kaniya: at magsisiparito ang mga Romano at pagkukunin ang ating kinaroroonan at gayon din naman ang ating bansa.
49 Nguni't ang isa sa kanila na si Caifas, na dakilang saserdote nang taong yaon, ay nagsabi sa kanila, Kayo'y walang nalalamang anoman.
50 Ni inyong niwawari na sa inyo'y nararapat na ang isang tao ay mamatay dahil sa bayan, at hindi ang buong bansa ay mapahamak.
51 Ito nga'y sinabi niya na hindi sa kaniyang sarili: kundi palibhasa ay dakilang saserdote nang taong yaon, ay hinulaan niya na si Jesus ay dapat mamatay dahil sa bansa;
52 At hindi dahil sa bansa lamang, kundi upang matipon din naman niya sa isa ang mga anak ng Dios na nagsisipangalat.
53 Kaya't mula nang araw na yaon ay pinagsanggunianan nilang ipapatay siya.
54 Si Jesus ay hindi na naglalakad ng hayag sa gitna ng mga Judio, kundi naparoon doon sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim; at siya'y nanahanan doong kasama ng mga alagad.
55 Ang paskua nga ng mga Judio ay malapit na: at maraming nagsiahon sa Jerusalem mula sa lupaing yaon bago magpaskua, upang magsipaglinis.
56 Pinaghahanap nga nila si Jesus, at pinaguusapan ng isa't isa, samantalang nangakatayo sila sa templo, Anong akala ninyo? Na hindi na kaya siya paririto sa pista?
57 Ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo nga ay nangagutos, na, kung ang sinomang tao'y nakakaalam ng kung saan siya naroroon, ay dapat niyang ihayag, upang kanilang madakip siya.
Public Domain