Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kaniyang ubasan. Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa isang mainam na burol:
2 At kaniyang binangbangan ang palibot at inalis ang mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, at nagtayo ng isang moog sa gitna niyaon, at tinabasan din naman ng isang pisaan ng ubas: at kaniyang hinintay na magbunga ng ubas, at nagbunga ng ubas gubat.
3 At ngayon, Oh mga nananahan sa Jerusalem at mga tao sa Juda, hatulan ninyo, isinasamo ko sa inyo, ako at ang aking ubasan.
4 Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? ano't nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, nagbunga ng ubas gubat?
5 At ngayo'y aking sasaysayin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan: aking aalisin ang bakod na siit niyaon, at sasalantain; aking ibabagsak ang bakod niyaon at mayayapakan:
6 At aking pababayaang sira; hindi kakapunin o bubukirin man; kundi magsisitubo ay mga dawag at mga tinik: akin ding iuutos sa mga alapaap, na huwag nilang ulanan.
7 Sapagka't ang ubasan ng Panginoon ng mga hukbo ay ang sangbahayan ng Israel, at ang mga tao sa Juda ay ang kaniyang maligayang pananim: at siya'y naghihintay ng kahatulan, nguni't narito, kapighatian; ng katuwiran, nguni't narito, daing.
7 Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
8 Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
9 Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
11 Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
13 Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
14 Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
15 At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
4 Bagama't ako'y makapagkakatiwala sa laman: na kung ang iba ay nagaakala na may pagkakatiwala sa laman, ay lalo na ako:
5 Na tinuli ng ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa angkan ni Benjamin, Hebreo sa mga Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo;
6 Tungkol sa pagsisikap, ay manguusig sa iglesia; tungkol sa kabanalan na nasa kautusan, ay walang kapintasan.
7 Gayon man ang mga bagay na sa akin ay pakinabang, ay inari kong kalugihan, alangalang kay Cristo.
8 Oo nga, at lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa dakilang kagalingan ng pagkakilala kay Cristo Jesus na Panginoon ko: na alangalang sa kaniya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong sukal lamang, upang tamuhin ko si Cristo,
9 At ako'y masumpungan sa kaniya, na walang katuwirang aking sarili, sa makatuwid baga'y sa kautusan, kundi ang katuwirang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwiran ngang buhat sa Dios sa pamamagitan ng pananampalataya:
10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay;
11 Kung aking tamuhin sa anomang paraan ang pagkabuhay na maguli sa mga patay.
12 Hindi sa ako'y nagtamo na, o ako'y nalubos na: kundi nagpapatuloy ako, baka sakaling maabot ko yaong ikinaaabot naman sa akin ni Cristo Jesus.
13 Mga kapatid, hindi ko pa inaaring inabot: datapuwa't isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
14 Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.
33 Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao, na puno ng sangbahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ng mga buhay na punong kahoy sa palibot, at humukay roon ng isang pisaan ng ubas, at nagtayo ng isang bantayan, at ipinagkatiwala yaon sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain.
34 At nang malapit na ang panahon ng pamumunga, ay sinugo ang kaniyang mga alipin sa mga magsasaka, upang tanggapin ang kaniyang bunga.
35 At pinaghawakan ng mga magsasaka ang kaniyang mga alipin, at hinampas nila ang isa, at ang isa'y pinatay, at ang isa'y binato.
36 Muling sinugo niya ang ibang mga alipin, na mahigit pa sa nangauna; at ginawa rin sa kanila ang gayon ding paraan.
37 Datapuwa't pagkatapos ay sinugo niya sa kanila ang kaniyang anak na lalake, na nagsasabi, Igagalang nila ang aking anak.
38 Datapuwa't nang makita ng mga magsasaka ang anak, ay nangagusapan sila, Ito ang tagapagmana; halikayo, siya'y ating patayin, at kunin natin ang kaniyang mana.
39 At siya'y hinawakan nila, at itinaboy siya sa ubasan, at pinatay siya.
40 Pagdating nga ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin sa mga magsasakang yaon?
41 Sinabi nila sa kaniya, Pupuksaing walang awa ang mga tampalasang yaon, at ibibigay ang ubasan sa mga ibang magsasaka, na sa kaniya'y mangagbibigay ng mga bunga sa kanilang kapanahunan.
42 Sinabi sa kanila ni Jesus, Kailan man baga'y hindi ninyo nabasa sa mga kasulatan, Ang batong itinakuwil ng nangagtatayo ng gusali, Ang siya ring ginawang pangulo sa panulok; Ito'y mula sa Panginoon, At ito'y kagilagilalas sa harap ng ating mga mata?
43 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Aalisin sa inyo ang kaharian ng Dios, at ibibigay sa isang bansang nagkakabunga.
44 At ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog: datapuwa't sinomang kaniyang malagpakan, ay pangangalating gaya ng alabok.
45 At nang marinig ng mga pangulong saserdote at ng mga Fariseo ang kaniyang mga talinghaga, ay kanilang napaghalata na sila ang kaniyang pinagsasalitaan.
46 At nang sila'y nagsisihanap ng paraang siya'y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka't ipinalalagay nito na siya'y propeta.
Public Domain