Revised Common Lectionary (Complementary)
15 At nang makita ng mga kapatid ni Jose, na ang kanilang ama'y namatay, ay kanilang sinabi, Marahil si Jose ay mapopoot sa atin, at lubos na gagantihin sa atin ang buong kasamaan na ating ginawa sa kaniya.
16 At ipinasabi nila kay Jose, Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi,
17 Ganito sasabihin ninyo kay Jose. Ipatawad mo, isinasamo ko sa iyo ngayon, ang pagsalangsang ng iyong mga kapatid, at ang kanilang kasalanan; at ngayon, ay aming isinasamo sa iyo, na ipatawad mo ang mga pagsalangsang ng mga lingkod ng Dios ng iyong ama. At si Jose ay umiyak ng kanilang salitain sa kaniya.
18 At naparoon ang kaniyang mga kapatid naman at nagpatirapa sa harap niya; at kanilang sinabi, Narito, kaming iyong mga lingkod.
19 At sinabi ni Jose sa kanila, Huwag kayong matakot, sapagka't nasa kalagayan ba ako ng Dios?
20 At tungkol sa inyo ay inyong ipinalagay na kasamaan laban sa akin; nguni't ipinalagay ng Dios na kabutihan upang mangyari ang gaya sa araw na ito, na iligtas ang buhay ng maraming tao.
21 Kaya nga huwag kayong matakot: aking pakakanin kayo at ang inyong mga bata. At kaniyang inaliw sila at kaniyang pinagsalitaan sila na may kagandahang loob.
103 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan.
2 Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa.
3 Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit;
4 Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan:
5 Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila.
6 Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi.
7 Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel.
8 Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob.
9 Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man.
10 Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan.
11 Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya.
12 Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin.
13 Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya.
14 Datapuwa't ang mahina sa pananampalataya ay tanggapin ninyo, hindi upang pagtalunan ang kaniyang pagaalinlangan.
2 May tao na may pananampalataya na makakain ang lahat ng mga bagay: nguni't ang mahina'y kumakain ng mga gulay.
3 Ang kumakain ay huwag magwalang halaga sa hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain: sapagka't siya'y tinanggap ng Dios.
4 Sino kang humahatol sa alila ng iba? Sa kaniyang sariling panginoon ay natatayo siya o nabubuwal. Oo, patatayuin siya; sapagka't makapangyarihan ang Panginoon na siya'y maitayo.
5 May nagmamahal sa isang araw ng higit kay sa iba: may ibang nagmamahal sa bawa't araw. Bawa't isa'y magtibay sa kaniyang sariling pagiisip.
6 Ang nagmamahal sa araw, ay minamahal ito sa Panginoon; at ang kumakain, ay kumakain sa Panginoon, sapagka't siya'y nagpapasalamat sa Dios; at ang hindi kumakain, ay hindi kumakain sa Panginoon, at nagpapasalamat sa Dios.
7 Sapagka't ang sinoman sa atin ay hindi nabubuhay sa kaniyang sarili, at sinoman ay hindi namamatay sa kaniyang sarili.
8 Sapagka't kung nangabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nangabubuhay; o kung nangamamatay tayo, sa Panginoon tayo'y nangamamatay: kaya't sa mabuhay tayo, o sa mamatay man, tayo'y sa Panginoon.
9 Sapagka't dahil dito ay namatay si Cristo at nabuhay na maguli, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayon din ng mga buhay.
10 Datapuwa't ikaw, bakit humahatol ka sa iyong kapatid? at ikaw naman, bakit pinawalaang halaga mo ang iyong kapatid? sapagka't tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Dios.
11 Sapagka't nasusulat, Buhay ako, sabi ng Panginoon, sa akin ang bawa't tuhod ay luluhod, At ang bawa't dila ay magpapahayag sa Dios.
12 Kaya nga ang bawa't isa sa atin ay magbibigay sulit sa Dios ng kaniyang sarili.
21 Nang magkagayo'y lumapit si Pedro at sinabi sa kaniya, Panginoon, makailang magkakasala ang aking kapatid laban sa akin na siya'y aking patatawarin? hanggang sa makapito?
22 Sinabi sa kaniya ni Jesus, Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito; kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.
23 Kaya't ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari, na nagibig na makipagusap sa kaniyang mga alipin.
24 At nang siya'y magpasimulang makipaghusay, ay iniharap sa kaniya ang isa sa kaniya'y may utang na sangpung libong talento.
25 Datapuwa't palibhasa'y wala siyang sukat ibayad, ipinagutos ng kaniyang panginoon na siya'y ipagbili, at ang kaniyang asawa't mga anak, at ang lahat niyang tinatangkilik, at nang makabayad.
26 Dahil dito ang alipin ay nagpatirapa at sumamba sa kaniya, na nagsasabi, Panginoon, pagtiisan mo ako, at pagbabayaran ko sa iyong lahat.
27 At sa habag ng panginoon sa aliping yaon, ay pinawalan siya, at ipinatawad sa kaniya ang utang.
28 Datapuwa't lumabas ang aliping yaon, at nasumpungan ang isa sa mga kapuwa niya alipin, na sa kaniya'y may utang na isang daang denario: at kaniyang hinawakan siya, at sinakal niya, na sinasabi, Bayaran mo ang utang mo.
29 Kaya't nagpatirapa ang kaniyang kapuwa alipin at namanhik sa kaniya, na nagsasabi, Pagtiisan mo ako, at ikaw ay pagbabayaran ko.
30 At siya'y ayaw: at yumaon at siya'y ipinabilanggo hanggang sa magbayad siya ng utang.
31 Nang makita nga ng kaniyang mga kapuwa alipin ang nangyari, ay nangamanglaw silang lubha, at nagsiparoon at isinaysay sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari.
32 Nang magkagayo'y pinalapit siya ng kaniyang panginoon, at sa kaniya'y sinabi, Ikaw na aliping masama, ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na yaon, sapagka't ipinamanhik mo sa akin:
33 Hindi baga dapat na ikaw naman ay mahabag sa iyong kapuwa alipin, na gaya ko namang nahabag sa iyo?
34 At nagalit ang kaniyang panginoon, at ibinigay siya sa mga tagapagpahirap, hanggang sa siya'y magbayad ng lahat ng utang.
35 Gayon din naman ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa kalangitan, kung hindi ninyo patatawarin sa inyong mga puso, ng bawa't isa ang kaniyang kapatid.
Public Domain