Revised Common Lectionary (Complementary)
65 Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita.
66 Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos.
67 Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita.
68 Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan.
69 Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko.
70 Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan.
71 Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo.
72 Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak.
16 At sinalita ng Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, noong nagsilapit sa harap ng Panginoon, at namatay;
2 At sinabi ng Panginoon kay Moises, Salitain mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag pumasok tuwina sa dakong banal, sa loob ng tabing, sa harap ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban; upang siya'y huwag mamatay: sapagka't ako'y pakikitang nasa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.
3 Ganito papasok nga si Aaron sa loob ng dakong banal, may dalang isang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at isang tupang lalake na handog na susunugin.
4 Siya'y magsusuot ng kasuutang banal, na lino at ng salawal na lino sa kaniyang laman, at magbibigkis siya ng pamigkis na lino, at ang mitra na lino ay kaniyang isusuot: ito ang mga bihisang banal; at paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig at pawang isusuot niya.
5 At siya'y kukuha sa kapisanan ng mga anak ni Israel, ng dalawang kambing na lalake na pinakahandog dahil sa kasalanan, at ng isang tupang lalake na pinakahandog na susunugin.
20 At pagkatapos matubos niya ang dakong banal, at ang tabernakulo ng kapisanan, at ang dambana, ay ihahandog ang kambing na buhay:
21 At ipapatong ni Aaron ang kaniyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at isasaysay sa ibabaw niyaon ang lahat ng mga kasamaan ng mga anak ni Israel, at lahat ng kanilang mga pagsalangsang, lahat nga ng kanilang mga kasalanan; at ilalagay niya sa ulo ng kambing, at ipadadala sa ilang sa pamamagitan ng kamay ng isang taong handa:
22 At dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila, sa lupaing hindi tinatahanan: at pawawalan niya ang kambing sa ilang.
23 At papasok si Aaron sa tabernakulo ng kapisanan, at maghuhubad ng mga suot na lino, na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal, at iiwan niya roon:
24 At paliliguan niya ang kaniyang laman sa tubig, sa isang dakong banal, at magsusuot ng kaniyang mga suot, at lalabas, at ihahandog ang kaniyang handog na susunugin at ang handog na susunugin ng bayan, at itutubos sa kaniyang sarili at sa bayan.
25 At susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog dahil sa kasalanan.
26 At yaong nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel, ay maglalaba ng kaniyang mga suot at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento.
27 At ang toro na handog dahil sa kasalanan at ang kambing na handog dahil sa kasalanan, na ang dugo ay dinala sa loob ng dakong banal upang itubos, ay ilalabas, sa kampamento; at susunugin nila sa apoy ang mga balat ng mga yaon, at ang laman at ang dumi.
28 At ang magsusunog ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at maliligo ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos, ay papasok siya sa kampamento.
18 Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya.
19 At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos.
20 At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos?
21 At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari.
22 At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.
Public Domain