Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 18:1-3

18 Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking kalakasan.

Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.

Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin: sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.

Awit 18:20-32

20 Ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay ginanting-pala niya ako.

21 Sapagka't aking iningatan ang mga daan ng Panginoon, at hindi ako humiwalay ng masama sa aking Dios.

22 Sapagka't lahat niyang mga kahatulan ay nangasa harap ko, at hindi ko inihiwalay ang kaniyang mga palatuntunan sa akin.

23 Ako rin nama'y sakdal sa kaniya, at ako'y nagingat ng aking sarili sa aking kasamaan.

24 Kaya't ginanting-pala ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran, ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kaniyang paningin.

25 Sa mahabagin ay pakikilala kang mahabagin; sa sakdal na tao ay pakikilala kang sakdal;

26 Sa dalisay ay pakikilala kang dalisay; at sa matigas na loob ay pakikilala kang mapagmatigas.

27 Sapagka't iyong ililigtas ang napipighating bayan: nguni't ang mga mapagmataas na mata ay iyong ibababa.

28 Sapagka't iyong papagniningasin ang aking ilawan; liliwanagan ng Panginoon kong Dios ang aking kadiliman.

29 Sapagka't sa pamamagitan mo ay dadaluhungin ko ang isang hukbo; at sa pamamagitan ng aking Dios ay lulukso ako sa kuta.

30 Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal: ang salita ng Panginoon ay subok; siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kaniya,

31 Sapagka't sino ang Dios, liban sa Panginoon? At sino ang malaking bato maliban sa ating Dios?

32 Ang Dios na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at nagpapasakdal sa aking lakad.

Deuteronomio 32:18-20

18 Sa Batong nanganak sa iyo, ay nagwalang bahala ka, At iyong kinalimutan ang Dios na lumalang sa iyo.

19 At nakita ng Panginoon, at kinayamutan sila, Dahil sa pamumungkahi ng kaniyang mga anak na lalake at babae.

20 At kaniyang sinabi, Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, Aking titingnan kung anong mangyayari sa kanilang wakas; Sapagka't sila'y isang napakasamang lahi, Na mga anak na walang pagtatapat.

Deuteronomio 32:28-39

28 Sapagka't sila'y bansang salat sa payo, At walang kaalaman sa kanila.

29 Oh kung sila'y mga pantas, na kanilang tinalastas ito, Kung nababatid nila ang kanilang wakas!

30 Kung paanong hahabulin ng isa ang isang libo, At ang dalawa'y magpapatakas sa sangpung libo, Malibang ipagbili sila ng kanilang Bato, At ibigay sila ng Panginoon?

31 Sapagka't ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, Kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom.

32 Sapagka't ang kanilang puno ng ubas ay mga puno ng ubas sa Sodoma, At sa mga parang ng Gomorra: Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, Ang kanilang mga buwig ay mapait:

33 Ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, At mabagsik na kamandag ng mga ahas.

34 Di ba ito'y natatago sa akin, Na natatatakan sa aking mga kayamanan?

35 Ang panghihiganti ay akin, at gayon din ang gantingpala, Sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa: Sapagka't ang araw ng kanilang pagdadalita ay nalalapit, At ang mga bagay na darating sa kanila ay mangagmamadali.

36 Sapagka't hahatulan ng Panginoon ang kaniyang bayan, At magsisisi dahil sa kaniyang mga lingkod; Pagka kaniyang nakitang ang kanilang kapangyarihan ay nawala, At wala ng natitira na natatakpan o naiwan.

37 At kaniyang sasabihin, Saan nandoon ang kanilang mga dios, Ang bato na siya nilang pinanganlungan;

38 Yaong mga kumakain ng taba ng kanilang mga hain, At umiinom ng alak ng kanilang inuming handog? Bumangon sila at tumulong sa inyo, At sila'y maging pagkupkop sa inyo.

39 Tingnan ninyo ngayon, na ako, sa makatuwid baga'y ako nga, At walang dios sa akin: Ako'y pumapatay, at ako'y bumubuhay; Ako'y ang sumusugat, at ako'y ang nagpapagaling: At walang makaliligtas sa aking kamay.

Roma 11:33-36

33 Oh kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Dios! oh di matingkalang mga hatol niya, at hindi malirip na kaniyang mga daan!

34 Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni?

35 O sino ang nagbigay na una sa kaniya, at siya'y babayarang muli?

36 Sapagka't kaniya, at sa pamamagitan niya, at sa kaniya, ang lahat ng mga bagay. Sumakaniya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain