Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 18:1-19

18 Iniibig kita, Oh Panginoon, na aking kalakasan.

Ang Panginoon ay aking malaking bato, at aking kuta, at aking tagapagligtas; aking Dios, aking malaking bato na sa kaniya'y manganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, aking matayog na moog.

Ako'y tatawag sa Panginoon, na marapat na purihin: sa gayo'y maliligtas ako sa aking mga kaaway.

Pinamuluputan ako ng mga tali ng kamatayan, at tinakot ako ng mga baha ng kasamaan.

Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko: ang mga silo ng kamatayan ay dumating sa akin.

Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa Panginoon, at dumaing ako sa aking Dios: dininig niya ang aking tinig mula sa kaniyang templo, at ang aking daing sa harap niya ay dumating sa loob ng kaniyang mga pakinig.

Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa, ang mga patibayan naman ng mga bundok ay nakilos, at nauga, sapagka't siya'y napoot.

Napailanglang ang usok mula sa kaniyang mga butas ng ilong, at apoy na mula sa kaniyang bibig ay sumupok: mga baga ay nangagalab sa pamamagitan niyaon.

Kaniya namang iniyuko ang mga langit, at ibinaba; at salimuot na kadiliman ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa.

10 At siya'y sumakay sa isang querubin, at lumipad: Oo, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin.

11 Ginawa niya ang kadiliman na kaniyang kublihang dako, ang kaniyang kulandong sa buong palibot niya; mga kadiliman ng tubig, masinsing mga alapaap sa langit.

12 Sa kakinangan sa harap niya ay dumaan ang kaniyang mga masinsing alapaap, mga granizo at mga bagang apoy.

13 Ang Panginoon naman ay kumulog sa mga langit, at pinatunog ng Kataastaasan ang kaniyang tinig; mga granizo, at mga bagang apoy.

14 At kaniyang inihilagpos ang kaniyang mga pana, at pinapangalat sila; Oo, mga kidlat na di masayod at ginulo sila.

15 Nang magkagayo'y nagsilitaw ang mga lagusan ng tubig, at ang mga patibayan ng sanglibutan ay nangahubdan, sa iyong pagsaway, Oh Panginoon, sa hihip ng hinga ng iyong mga butas ng ilong.

16 Siya'y nagsugo mula sa itaas, kinuha niya ako; sinagip niya ako sa maraming tubig.

17 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, At sa mga nangagtatanim sa akin, sapagka't sila'y totoong makapangyarihan sa ganang akin.

18 Sila'y nagsidating sa akin sa kaarawan ng aking kasakunaan, nguni't ang Panginoon ay siyang aking gabay.

19 Inilabas naman niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagka't siya'y nalulugod sa akin.

Genesis 7:11-8:5

11 Sa ikaanim na raang taon ng buhay ni Noe, nang ikalawang buwan, sa ikalabing pitong araw ng buwan, nang araw ding yaon, ay nangasira ang lahat ng bukal ng lubhang kalaliman, at ang mga durungawan ng langit ay nabuksan.

12 At umulan sa ibabaw ng lupa ng apat na pung araw at apat na pung gabi.

13 Nang araw ding yaon, ay lumulan sa sasakyan si Noe, at si Sem, at si Cham, at si Japhet, na mga anak ni Noe, at ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kaniyang mga anak na kasama nila;

14 Sila, at ang bawa't hayop gubat ayon sa kanikanilang uri, at lahat ng hayop na maamo ayon sa kanikanilang uri, at bawa't umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kanikanilang uri, at bawa't ibon ayon sa kanikanilang uri, lahat ng sarisaring ibon.

15 At nagsidating kay Noe sa sasakyan na dalawa't dalawa, ang lahat ng hayop na may hinga ng buhay.

16 At ang mga nagsilulan, ay lumulang lalake at babae, ng lahat na laman, gaya ng iniutos sa kaniya ng Dios: at kinulong siya ng Panginoon.

17 At tumagal ang baha ng apat na pung araw sa ibabaw ng lupa; at lumaki ang tubig at lumutang ang sasakyan, at nataas sa ibabaw ng lupa.

18 At dumagsa ang tubig at lumaking mainam sa ibabaw ng lupa; at lumutang ang sasakyan sa ibabaw ng tubig.

19 At dumagsang lubha ang tubig sa ibabaw ng lupa: at inapawan ang lahat na mataas na bundok na nasa silong ng buong langit.

20 Labing limang siko ang lalim na idinagsa ng tubig; at inapawan ang mga bundok.

21 At namatay ang lahat ng lamang gumagalaw sa ibabaw ng lupa, ang mga ibon at gayon din ang hayop, at ang hayop gubat, at ang bawa't nagsisiusad na umuusad sa ibabaw ng lupa, at ang bawa't tao.

22 Ang bawa't may hinga ng diwa ng buhay sa kanilang ilong, lahat na nasa lupang tuyo ay namatay.

23 At nilipol ang bawa't may buhay na nasa ibabaw ng lupa, ang tao at gayon din ang hayop, at ang mga umuusad at ang mga ibon sa himpapawid; at sila'y nalipol sa lupa: at ang natira lamang, ay si Noe at ang mga kasama niya sa sasakyan.

24 At tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa, ng isang daan at limang pung araw.

At naalaala ng Dios si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan: at nagpahihip ang Dios ng isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig;

Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga dungawan ng langit, at napigil ang ulan sa langit;

At humupang patuloy ang tubig sa lupa; at kumati ang tubig pagkaraan ng isang daan at limang pung araw.

At sumadsad ang sasakyan nang ikapitong buwan, nang ikalabing pitong araw ng buwan, sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat.

At ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasangpung buwan: nang ikasangpung buwan, nang unang araw ng buwan, ay nakita ang mga taluktok ng mga bundok.

2 Pedro 2:4-10

Sapagka't kung ang Dios ay hindi nagpatawad sa mga anghel nang mangagkasala ang mga yaon, kundi sila'y ibinulid sa impierno, at kinulong sa mga hukay ng kadiliman, upang ilaan sa paghuhukom;

At ang dating sanglibutan ay hindi pinatawad, datapuwa't iningatan si Noe na tagapangaral ng katuwiran na kasama ng ibang pito pa, noong dalhin ang pagkagunaw sa sanglibutan ng masasama;

At pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga bayan ng Sodoma at Gomorra na pinapaging abo, nang maging halimbawa sa mga magsisipamuhay na masama:

At iniligtas ang matuwid na si Lot, na lubhang nahahapis sa mahahalay na pamumuhay ng masasama:

(Sapagka't ang matuwid na ito na namamayang kasama nila, ay lubhang nahapis araw-araw ang kaniyang matuwid na kaluluwa sa pagkakita at pagkarinig niya, ng mga gawa nilang laban sa kautusan):

Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal, sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;

10 Datapuwa't lalong-lalo na ng mga nagsisilakad ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila'y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo:

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain