Revised Common Lectionary (Complementary)
5 Sa Gabaon ay napakita ang Panginoon kay Salomon sa panaginip sa gabi: at sinabi ng Dios, Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.
6 At sinabi ni Salomon, Ikaw ay nagpakita sa iyong lingkod na aking amang kay David ng malaking kagandahang loob, ayon sa kaniyang inilakad sa harap mo sa katotohanan, at sa katuwiran, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan sa kaniya itong dakilang kagandahang loob, na iyong binigyan siya ng isang anak na makauupo sa kaniyang luklukan, gaya sa araw na ito.
7 At ngayon, Oh Panginoon kong Dios, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; at ako'y isang munting bata lamang; hindi ko nalalaman ang paglulumabas at pumasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9 Bigyan mo nga ang iyong lingkod ng isang matalinong puso upang humatol sa iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagka't sino ang makahahatol dito sa iyong malaking bayan?
10 At ang pangungusap ay nakalugod sa Panginoon, na hiningi ni Salomon ang bagay na ito.
11 At sinabi ng Dios sa kaniya, Sapagka't iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi hiningi mo sa iyo'y katalinuhan upang kumilala ng kahatulan;
12 Narito, aking ginawa ayon sa iyong salita: narito, aking binigyan ka ng isang pantas at matalinong puso; na anopa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinoman pagkamatay mo.
129 Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa.
130 Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.
131 Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo.
132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan.
133 Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan.
134 Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo.
135 Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
136 Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo.
26 At gayon din naman ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan: sapagka't hindi tayo marunong manalangin ng nararapat; nguni't ang Espiritu rin ang namamagitan dahil sa atin ng mga hibik na hindi maisasaysay sa pananalita;
27 At ang nakasisiyasat ng mga puso'y nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagka't siya ang namamagitan dahil sa mga banal alinsunod sa kalooban ng Dios.
28 At nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios, sa makatuwid baga'y niyaong mga tinawag alinsunod sa kaniyang nasa.
29 Sapagka't yaong mga nang una pa'y kaniyang nakilala, ay itinalaga naman niya na maging katulad ng larawan ng kaniyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid:
30 At yaong mga itinalaga niya, ay kaniyang tinawag naman: at ang mga tinawag ay inaring-ganap naman niya: at ang mga inaring-ganap ay niluwalhati din naman niya.
31 Ano ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Dios ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?
32 Siya, na hindi ipinagkait ang kaniyang sariling anak kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit hindi naman ibibigay sa atin ng walang bayad ang lahat ng mga bagay?
33 Sino ang magsasakdal ng anoman laban sa mga hirang ng Dios? Ang Dios ay ang umaaring-ganap;
34 Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, yaong nabuhay na maguli sa mga patay na siyang nasa kanan ng Dios, na siya namang namamagitan dahil sa atin.
35 Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak?
36 Gaya ng nasusulat, Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw; Kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
37 Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo'y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umibig.
38 Sapagka't ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating, kahit ang mga kapangyarihan,
39 Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.
31 Sinaysay niya sa kanila ang ibang talinghaga, na sinasabi, Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mostasa, na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kaniyang bukid:
32 Na siya ngang lalong maliit sa lahat ng mga binhi; datapuwa't nang tumubo, ay lalong malaki kay sa mga gulay, at nagiging punong kahoy, ano pa't nagsisiparoon ang mga ibon sa langit at sumisilong sa kaniyang mga sanga.
33 Sinalita niya sa kanila ang ibang talinghaga: Ang kaharian ng langit ay tulad sa lebadura, na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.
44 Tulad ang kaharian ng langit sa natatagong kayamanan sa bukid; na nasumpungan ng isang tao, at inilihim; at sa kaniyang kagalaka'y yumaon at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili ang bukid na yaon.
45 Gayon din naman, ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong nangangalakal na humahanap ng magagandang perlas:
46 At pagkasumpong ng isang mahalagang perlas, ay yumaon siya at ipinagbili ang lahat niyang tinatangkilik, at binili yaon.
47 Tulad din naman ang kaharian ng langit sa isang lambat, na inihulog sa dagat, na nakahuli ng sarisaring isda:
48 Na, nang mapuno, ay hinila nila sa pampang; at sila'y nagsiupo, at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, datapuwa't itinapon ang masasama.
49 Gayon din ang mangyayari sa katapusan ng sanglibutan: lalabas ang mga anghel, at ihihiwalay ang masasama sa matutuwid,
50 At sila'y igagatong sa kalan ng apoy: diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
51 Napagunawa baga ninyo ang lahat ng mga bagay na ito? Sinabi nila sa kaniya, Oo.
52 At sinabi niya sa kanila, Kaya't ang bawa't eskriba na ginagawang alagad sa kaharian ng langit ay tulad sa isang taong puno ng sangbahayan, na naglalabas sa kaniyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma.
Public Domain