Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 119:129-136

129 Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa.

130 Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang.

131 Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo.

132 Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan.

133 Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan.

134 Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo.

135 Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.

136 Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo.

1 Mga Hari 1:38-48

38 Sa gayo'y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo, at ang mga Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon.

39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. At sila'y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa't ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.

41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay?

42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka't ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita.

43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David:

44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari:

45 At siya'y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila'y nagsiahong galak mula roon, na anopa't ang bayan ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig.

46 At si Salomon naman ay nauupo sa luklukan ng kaharian.

47 At bukod dito'y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; at ang hari ay yumukod sa kaniyang higaan.

48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.

Mga Gawa 7:44-53

44 Sumaating mga magulang sa ilang ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kaniyang gawin yaon alinsunod sa anyong kaniyang nakita.

45 Na yao'y ipinasok din ng ating mga magulang sa kapanahunang ukol, na kasama ni Josue nang sila'y magsipasok sa inaari ng mga bansa, na pinalayas ng Dios sa harapan ng ating magulang, hanggang sa mga araw ni David;

46 Na nakasumpong ng biyaya sa paningin ng Dios, at huminging makasumpong ng isang tahanang ukol sa Dios ni Jacob.

47 Datapuwa't iginawa siya ni Salomon ng isang bahay.

48 Bagama't ang Kataastaasa'y hindi tumatahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta,

49 Ang langit ay ang aking luklukan, At ang lupa ang tungtungan ng aking mga paa: Anong anyo ng bahay ang itatayo ninyo sa akin? sabi ng Panginoon: O anong dako ang aking pahingahan?

50 Hindi baga ginawa ng aking kamay ang lahat ng mga bagay na ito?

51 Kayong matitigas ang ulo, at di tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging nagsisisalangsang sa Espiritu Santo: kung ano ang ginawa ng inyong mga magulang, ay gayon din naman ang ginagawa ninyo.

52 Alin sa mga propeta ang hindi pinagusig ng inyong mga magulang? at kanilang pinatay ang nangagpahayag ng una ng pagdating ng Matuwid na Ito; na sa kaniya'y kayo ngayon ay nangaging mga tagapagkanulo at mamamatay-tao;

53 Kayo na nagsitanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ginanap.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain