Revised Common Lectionary (Complementary)
6 Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong galit, ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob.
2 Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; sapagka't ako'y naluluoy, Oh Panginoon, pagalingin mo ako; sapagka't ang aking mga buto ay nagsisipangalog.
3 Ang akin ding kaluluwa ay nababagabag na mainam: at ikaw, Oh Panginoon, hanggang kailan?
4 Bumalik ka, Oh Panginoon, palayain mo ang aking kaluluwa: iligtas mo ako alangalang sa iyong kagandahang-loob.
5 Sapagka't sa kamatayan ay walang alaala sa iyo; sa Sheol ay sinong mangagpapasalamat sa iyo?
6 Ako'y pagal ng aking pagdaing; gabigabi ay aking pinalalangoy ang aking higaan; Aking dinidilig ang aking hiligan ng aking mga luha.
7 Ang aking mga mata ay nangamumugto dahil sa kapanglawan; tumatanda ako dahil sa aking lahat na kaaway.
8 Magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kasamaan: sapagka't narinig ng Panginoon ang tinig ng aking pagtangis.
9 Narinig ng Panginoon ang aking pananaing; tatanggapin ng Panginoon ang aking dalangin.
10 Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya, at mababagabag na mainam: sila'y magsisibalik, sila'y mangapapahiyang kagyat.
38 At narinig ni Sephatias na anak ni Mathan, at ni Gedalias na anak ni Pashur, at ni Jucal na anak ni Selemias, at ni Pasur na anak ni Melchias, ang mga salita na sinalita ni Jeremias sa buong bayan, na nagsasabi,
2 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ang tumatahan sa bayang ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng kagutom, at sa pamamagitan ng salot; nguni't ang lumalabas sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kaniyang buhay ay magiging sa kaniya'y pinakasamsam, at siya'y mabubuhay.
3 Ganito ang sabi ng Panginoon, Tunay na ang bayang ito ay mabibigay sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, at sasakupin niya.
4 Nang magkagayo'y sinabi ng mga prinsipe sa hari, Isinasamo namin sa iyo na ipapatay ang lalaking ito; yamang kaniyang pinahina ang mga kamay ng mga lalaking mangdidigma na nalalabi sa bayang ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng kaniyang mga salita sa kanila: sapagka't hindi hinahanap ng lalaking ito ang ikabubuti ng bayang ito, kundi ang ikapapahamak.
5 At sinabi ni Sedechias na hari, Narito, siya'y nasa inyong kamay; sapagka't hindi ang hari ang makagagawa ng anoman laban sa inyo.
6 Nang magkagayo'y sinunggaban nila si Jeremias, at inihagis siya sa hukay ni Malchias na anak ng hari, na nasa looban ng bantay: at kanilang inihugos si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. At sa hukay ay walang tubig, kundi burak; at lumubog si Jeremias sa burak.
7 Nang marinig nga ni Ebed-melec na taga Etiopia, na bating na nasa bahay ng hari, na kanilang isinilid si Jeremias sa hukay; (na ang hari noo'y nakaupo sa pintuang-bayan ng Benjamin),
8 Si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na nagsasabi,
9 Panginoon ko na hari, ang mga lalaking ito ay nagsigawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta, na kanilang isinilid sa hukay; at siya'y mamamatay sa dakong kaniyang kinaroonan dahil sa kagutom; sapagka't wala nang tinapay sa bayan.
10 Nang magkagayo'y nagutos ang hari kay Ebed-melec na taga Etiopia, na nagsasabi, Magsama ka mula rito ng tatlong pung lalake, at isampa mo si Jeremias na propeta mula sa hukay, bago siya mamatay.
11 Sa gayo'y nagsama ng mga lalake si Ebed-melec, at pumasok sa bahay ng hari, sa ilalim ng silid ng kayamanan, at kumuha mula roon ng mga basahan, at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa pamamagitan ng mga lubid sa hukay kay Jeremias.
12 At sinabi ni Ebed-melec na taga Etiopia kay Jeremias, Ilagay mo ngayon ang mga basahang ito at mga lumang damit sa iyong mga kilikili sa ibabaw ng mga lubid. At ginawang gayon ni Jeremias.
13 Sa gayo'y isinampa nila si Jeremias ng mga lubid, at itinaas siya mula sa hukay: at si Jeremias ay naiwan sa looban ng bantay.
5 Ang labingdalawang ito'y sinugo ni Jesus, at sila'y pinagbilinan, na sinasabi, Huwag kayong magsitungo sa alin mang daan ng mga Gentil, at huwag kayong magsipasok sa alin mang bayan ng mga taga Samaria:
6 Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga tupang nangawaglit sa bahay ni Israel.
7 At samantalang kayo'y nangaglalakad, ay magsipangaral kayo, na mangagsabi, Ang kaharian ng langit ay malapit na.
8 Mangagpagaling kayo ng mga may sakit, mangagpabangon kayo ng mga patay, mangaglinis kayo ng mga ketong, mangagpalabas kayo ng mga demonio: tinanggap ninyong walang bayad, ay ibigay ninyong walang bayad.
9 Huwag kayong mangagbaon ng ginto, kahit pilak, kahit tanso sa inyong mga supot:
10 Kahit supot ng pagkain sa paglalakad, kahit dalawang tunika, kahit mga pangyapak, o tungkod: sapagka't ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang pagkain.
11 At sa alin mang bayan o nayon na inyong pasukin, siyasatin ninyo kung sino roon ang karapatdapat; at magsitahan kayo roon hanggang sa kayo'y magsialis.
12 At pagpasok ninyo sa bahay, ay batiin ninyo ito.
13 At kung karapatdapat ang bahay, ay dumoon ang inyong kapayapaan: datapuwa't kung hindi karapatdapat, ay mabalik sa inyo ang kapayapaan ninyo.
14 At sinomang hindi tumanggap sa inyo, ni duminig sa inyong mga pananalita, pagalis ninyo sa bahay o bayang yaon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa.
15 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon.
16 Narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga tupa sa gitna ng mga lobo: mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati.
17 Datapuwa't mangagpakaingat kayo sa mga tao: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin at kayo'y hahampasin sa kanilang mga sinagoga;
18 Oo at kayo'y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga Gentil.
19 Datapuwa't pagka kayo'y ibinigay nila, huwag ninyong ikabalisa kung paano o kung ano ang inyong sasabihin: sapagka't sa oras na yaon ay ipagkakaloob sa inyo ang inyong sasabihin.
20 Sapagka't hindi kayo ang mangagsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang sa inyo'y magsasalita.
21 At ibibigay ng kapatid ang kapatid sa kamatayan, at ng ama ang kaniyang anak: at mangaghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at sila'y ipapapatay.
22 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.
23 Datapuwa't pagka kayo'y pinagusig nila sa isang bayang ito, ay magsitakas kayo tungo sa kasunod na bayan: sapagka't sa katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo matatapos libutin ang mga bayan ng Israel, hanggang sa pumarito ang Anak ng tao.
Public Domain