Revised Common Lectionary (Complementary)
Purihin ang Dios na Hukom
98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
2 Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
3 Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
4 Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
7 Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
8 Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
9 Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.
Umalis ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon sa Templo
10 Habang nakatingin ako, may nakita akong parang isang trono na yari sa batong safiro. Nasa itaas ito ng takip na kristal sa itaas ng ulo ng mga kerubin. 2 Sinabi ng Panginoon sa taong nakadamit ng telang linen, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin at punuin mo ang mga kamay mo ng baga at isabog mo sa buong lungsod.” At nakita kong pumunta siya.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa timog ng templo nang pumunta ang tao at may ulap na lumukob doon sa bakuran sa loob ng templo. 4 Pagkatapos, umalis ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa gitna ng mga kerubin at lumipat sa pintuan ng templo. Nilukuban ng ulap ang templo at lumiwanag ang bakuran dahil sa makapangyarihang presensya ng Panginoon. 5 Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.
6 Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong. 7 Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas. 8 Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.
9 May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito 10 at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong, 11 kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa. 12 Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong. 13 At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.” 14 Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.
15 Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. 16 Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong. 17 Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din. 18 Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin. 19 At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
Ang tungkol sa Paghahari ng Dios.(A)
20 Minsan, tinanong ng mga Pariseo si Jesus kung kailan magsisimula ang paghahari ng Dios. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan na nagsisimula na ang paghahari ng Dios. 21 Kaya walang makapagsasabing, ‘Dito maghahari ang Dios!’ o, ‘Doon siya maghahari!’ Dahil naghahari na ang Dios sa puso ninyo.”[a]
22 Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Darating ang panahon na gugustuhin ninyong makita ako na Anak ng Tao kahit isang araw lang, pero hindi pa iyon mangyayari. 23 May mga magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Nandito siya!’ Huwag kayong sasama sa kanila para hanapin ako. 24 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay babalik na tulad ng kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. 25 Ngunit kailangan muna akong dumanas ng maraming hirap, at itakwil ng henerasyong ito.
26 “Kung ano ang mga ginawa ng mga tao noong kapanahunan ni Noe ay ganoon din ang gagawin ng mga tao sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 27 Sa panahon nga ni Noe, wala silang inaatupag kundi ang magsaya. Nagkakainan sila, nag-iinuman at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Dumating ang baha at nalunod silang lahat. 28 Ganoon din noong kapanahunan ni Lot. Ang mga taoʼy nagkakainan, nag-iinuman, nagnenegosyo, nagsasaka at nagtatayo ng mga bahay, 29 hanggang sa araw na umalis si Lot sa Sodom. At pagkatapos, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at namatay silang lahat doon sa Sodom. 30 Ganyan din ang mangyayari sa araw ng pagbabalik ko na Anak ng Tao. 31 Sa araw na iyon, ang nasa labas ng bahay ay huwag nang pumasok para kumuha ng mga ari-arian niya. Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi. 32 Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. 33 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 34 Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, kapag may dalawang natutulog na magkatabi; maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa. 35 Sa dalawang babaeng magkasamang naggigiling, kukunin ang isa at iiwan ang isa. 36 [At kapag may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, maaaring kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” 37 Tinanong siya ng mga tagasunod niya, “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” Sumagot siya sa pamamagitan ng kasabihan, “Kung saan may bangkay, doon nag-uumpukan ang mga buwitre.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®