Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 98

Purihin ang Dios na Hukom

98 Umawit tayo ng bagong awit sa Panginoon,
    dahil gumawa siya ng mga kahanga-hangang bagay!
    Sa kanyang kapangyarihan at kalakasaʼy tinalo niya ang ating mga kaaway.
Ipinakita ng Panginoon sa mga bansa ang kanyang pagliligtas at pagiging makatuwiran.
Hindi niya kinalimutan ang kanyang pag-ibig at katapatan sa atin na taga-Israel.
    Nakita ng lahat ng tao sa buong mundo ang pagliligtas ng ating Dios.
Kayong lahat ng tao sa buong mundo,
    sumigaw kayo sa tuwa sa Panginoon!
    Buong galak kayong umawit ng papuri sa kanya.
5-6 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon habang tinutugtog ang mga alpa at mga trumpeta at tambuli.
    Sumigaw kayo sa galak sa presensya ng Panginoon na ating Hari.
Magalak ang buong mundo at ang lahat ng naninirahan dito,
    pati ang mga dagat at ang lahat ng narito.
Magpalakpakan ang mga ilog at sabay-sabay na magsiawit sa tuwa ang mga kabundukan
Natutuwa sila sa presensya ng Panginoon
    dahil darating siya upang hatulan ang lahat ng tao sa buong mundo.
    Hahatulan niya sila nang matuwid at walang kinikilingan.

1 Samuel 28:3-19

Patay na noon si Samuel. Nang mamatay siya nalungkot at nagluksa ang buong Israel sa kanya, at inilibing siya sa kanyang bayan sa Rama. At pinaalis na ni Saul ang mga espiritista sa Israel.

Nagkampo ang mga Filisteo sa Shunem, at si Saul naman at ang buong hukbo ng Israel ay sa Gilboa. Nang makita ni Saul ang mga sundalo ng mga Filisteo, pinagharian siya ng matinding takot. Nagtanong siya sa Panginoon kung ano ang nararapat niyang gawin. Pero hindi siya sinagot ng Panginoon kahit sa pamamagitan ng panaginip, o sa mga propeta, o kahit sa anumang paraan. Pagkatapos, sinabi ni Saul sa kanyang alipin, “Ihanap mo ako ng babaeng espiritista na maaari kong pagtanungan.” Sumagot ang kanyang alipin, “Mayroon po sa Endor.”

Kaya nagpanggap si Saul sa pamamagitan ng pagsusuot ng ordinaryong damit sa halip na ang magara niyang damit. Kinagabihan, pinuntahan niya ang babae kasama ang dalawa niyang tauhan. Pagdating nila, sinabi ni Saul sa babae, “Gusto kong makipag-usap sa kaluluwa ng isang tao.” Sinabi ng babae sa kanya, “Ano, gusto mo bang mamatay ako? Alam mo naman siguro kung ano ang ginawa ni Saul. Pinaalis niya sa Israel ang lahat ng espiritista at ang mga manghuhula. Huwag mo nang ilagay sa panganib ang buhay ko.” 10 Sumumpa si Saul sa kanya sa pangalan ng buhay na Panginoon na hindi siya mapaparusahan sa gagawin niya. 11 Nang bandang huli, sinabi ng babae, “Sino ang kaluluwang gusto mong kausapin?” Sinabi ni Saul, “Tawagin mo si Samuel.”

12 Kaya tinawag ng babae si Samuel, at nang makita ng babae si Samuel, sumigaw siya nang malakas at sinabi niya kay Saul, “Niloko nʼyo po ako! Kayo po si Saul!” 13 Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” Sumagot ang babae, “Nakita ko po ang isang kaluluwa[a] na lumalabas galing sa lupa.” 14 Nagtanong si Saul, “Ano ba ang itsura niya?” Sumagot siya, “Isa pong matandang lalaki na nakabalabal.” Natiyak ni Saul na si Samuel iyon kaya nagpatirapa siya bilang paggalang sa kanya. 15 Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginagambala sa pamamagitan ng pagtawag sa akin?” Sumagot si Saul, “Mayroon akong malaking problema. Sinasalakay kami ng mga Filisteo at tinalikuran na ako ng Dios. Hindi na siya sumasagot sa pamamagitan man ng panaginip o ng mga propeta. Ipinatawag kita para sabihin mo sa akin kung ano ang dapat kong gawin.” 16 Sinabi ni Samuel, “Bakit ako ang tinatanong mo? Hindi baʼt tinalikuran ka na ng Panginoon at naging kaaway mo siya? 17 Tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ko. Kinuha niya sa iyo ang kaharian ng Israel at ibinigay sa kapwa mo Israelita na si David. 18 Ginawa ito ng Panginoon sa iyo ngayon dahil hindi mo sinunod ang utos niyang iparanas ang kanyang galit sa lahat ng Amalekita. 19 Bukas, ikaw at ang mga Israelita ay ibibigay ng Panginoon sa mga Filisteo, at makakasama kita at ang iyong mga anak na lalaki sa lugar ng mga patay.”

Roma 1:18-25

Ang Galit ng Dios sa Lahat ng Kasamaan

18 Ipinapahayag ng Dios mula sa langit ang kanyang poot sa lahat ng kasamaan at kalapastanganang ginagawa ng mga tao, na siyang pumipigil sa kanila para malaman ang katotohanan tungkol sa Dios. 19 Sapagkat ang katotohanan tungkol sa Dios ay malinaw sa kanila dahil inihayag ito sa kanila ng Dios. 20 Totoong hindi nakikita ang Dios, pero mula pa nang likhain niya ang mundo, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa niya; kaya wala silang maidadahilan. 21 At kahit alam nilang may Dios, hindi nila siya pinarangalan o pinasalamatan man lang. Sa halip, ibinaling nila ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na walang kabuluhan, kaya napuno ng kadiliman ang mga hangal nilang pag-iisip. 22 Nagmamarunong sila, pero lumilitaw na silaʼy mga mangmang. 23 Sapagkat ipinagpalit nila ang dakila at walang kamatayang Dios sa mga dios-diosang anyong tao na may kamatayan, mga ibon, mga hayop na may apat na paa, at mga hayop na nagsisigapang.

24 Kaya hinayaan na lang sila ng Dios sa maruruming hangarin ng kanilang puso, hanggang sa gumawa sila ng kahalayan at kahiya-hiyang mga bagay sa isaʼt isa. 25 Ipinagpalit nila sa kasinungalingan ang katotohanan tungkol sa Dios. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha sa halip na ang Manlilikha na siyang dapat papurihan magpakailanman. Amen!

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®