Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin para Kahabagan
123 Panginoon, dumadalangin ako sa inyo,
sa inyo na nakaupo sa inyong trono sa langit.
2 Kung paanong ang alipin ay naghihintay sa ibibigay ng kanyang amo,
naghihintay din kami Panginoon naming Dios, na tulungan nʼyo at kahabagan.
3 Maawa kayo sa amin Panginoon, dahil labis na ang panghahamak sa amin.
4 Sobra na ang pangungutya sa amin ng mga taong hambog at walang magawa.
Nagsalita si Zofar
20 Pagkatapos, sumagot si Zofar na taga-Naama, 2 “Kailangang magsalita na ako dahil hindi ako mapakali. 3 Sinaway mo ako ng may halong pangungutya at may nag-uudyok sa isip kong ikaw ay sagutin.
4 “Tiyak na alam mo na mula pa noong unang panahon, simula nang likhain ang tao sa mundo, 5 ang ligaya ng taong masama ay sandali lang. Totoong hindi nagtatagal ang kasiyahan ng taong hindi naniniwala sa Dios. 6 Kahit na kasintaas ng langit at ulap ang tingin niya sa kanyang sarili, 7 mawawala rin siya magpakailanman katulad ng kanyang dumi. Ang mga kakilala niyaʼy magtataka kung nasaan na siya. 8 Mawawala siya na parang isang panaginip o pangitain sa gabi at hinding-hindi na matatagpuan. 9 Hindi na siya makikita ng mga nakakakilala sa kanya at mawawala siya sa dati niyang tirahan. 10 Ang mga anak niya ang magbabayad ng mga ninakaw niya sa mga dukha. 11 Malakas at bata pa siyang mamamatay at ililibing.
Naging Saksi Kami sa Kapangyarihan ni Cristo
16 Ang mga ipinangaral namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi kwentong gawa-gawa lang. Nasaksihan namin mismo ang kadakilaan niya. 17 Sapagkat nang parangalan at papurihan si Jesu-Cristo ng Dios Ama, narinig namin ang tinig ng Makapangyarihang Dios na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” 18 Narinig namin mismo ang tinig na nanggaling sa langit noong kasama namin si Jesus doon sa banal na bundok. 19 Dahil nga rito, lalong tumibay ang paniniwala namin sa mga ipinahayag ng mga propeta noon. Kaya nararapat lang na bigyan nʼyo ng pansin ang mga sinabi nila, dahil para itong ilaw na tumatanglaw sa madilim na lugar hanggang sa araw ng pagdating ng Panginoon. Tulad siya ng tala sa umaga na nagbibigay-liwanag sa isipan ninyo.[a] 20 Higit sa lahat, dapat ninyong tandaan na ang lahat ng isinulat ng mga propeta sa Kasulatan ay hindi ayon sa sarili nilang interpretasyon. 21 Sapagkat hindi galing sa sarili nilang kalooban ang mga ipinangaral nila kundi sa Banal na Espiritu na nag-udyok sa kanila upang sabihin ang salita ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®