Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dalangin ng Taong Matuwid
17 O Panginoon, pakinggan nʼyo ang taimtim kong dalangin.
Dinggin nʼyo po ang hiling kong katarungan.
2 Alam nʼyo kung sino ang gumagawa ng matuwid,
kaya sabihin nʼyo na wala akong kasalanan.
3 Siniyasat nʼyo ang puso ko, at kahit sa gabiʼy sinusubukan nʼyo ako,
ngunit wala kayong nakitang anumang kasalanan sa akin.
Napagpasyahan ko na hindi ako magsasalita ng masama
4 gaya ng ginagawa ng iba.
Dahil sa inyong mga salita,
iniiwasan ko ang paggawa ng masama at kalupitan.
5 Palagi kong sinusunod ang inyong kagustuhan,
at hindi ako bumabaling sa kaliwa o sa kanan man.
6 O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin,
dahil alam kong akoʼy inyong diringgin.
Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling.
7 Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa.
Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway.
8 Ingatan nʼyo ako katulad ng pag-iingat ng tao sa kanyang mga mata,
at kalingain nʼyo gaya ng pagtatakip ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak.
9 Ipagtanggol nʼyo po ako sa aking mga kaaway
na nakapaligid sa akin at pinagtatangkaan ang aking buhay.
13 Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”
14 Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin.[a] Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
15 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon,[b] ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang Panginoon magpakailanman.”
16 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Lumakad ka at tipunin ang mga tagapamahala ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Egipcio sa inyo. 17 Nangako ako na palalabasin ko kayo sa Egipto kung saan naghihirap kayo, at dadalhin sa maganda at masaganang lupain – ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.’
18 “Pakikinggan ka ng mga tagapamahala ng Israel. At pagkatapos, pumunta kayo ng mga tagapamahala ng Israel sa hari ng Egipto, at sabihin sa kanya, ‘Nagpakita sa amin ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan nʼyo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa disyerto para maghandog sa Panginoon naming Dios.’ 19 Pero alam kong hindi kayo papayagan ng hari ng Egipto maliban na lang kung mapipilitan siya. 20 Kaya parurusahan ko ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga himalang gagawin ko sa kanila. At pagkatapos noon, papayagan na niya kayong umalis.
Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)
20 Isang araw, habang nangangaral ng Magandang Balita si Jesus sa mga tao sa templo, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 2 Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa aminkung ano ang karapatan mo na gumawa ng mga bagay na ito. Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 3 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Sabihin ninyo sa akin, 4 kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[a] o sa tao?” 5 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 6 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao, dahil naniniwala silang si Juan ay propeta ng Dios.” 7 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” 8 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®