Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Tunay na Pagsamba
50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3 Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4 Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5 Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
6 Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Tinuligsa ang Pakunwaring Pag-aayuno
7 May sinabi ang Panginoon kay Zacarias noong ikaapat na araw ng buwan ng Kislev (ikasiyam na buwan), nang ikaapat na taon ng paghahari ni Darius. 2-3 Nangyari ito matapos ipadala ng mga mamamayan ng Betel si Sharezer at si Regem Melec, kasama ang kanilang mga tauhan, upang hilingin sa mga pari sa templo at sa mga propeta na tanungin ang Panginoon kung talagang kailangan pa nilang magluksa at mag-ayuno sa ikalimang buwan upang alalahanin ang pagkagiba ng templo, gaya ng maraming taon na nilang ginagawa. 4 At ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias: 5 “Sabihin mo sa lahat ng mga mamamayan ng Israel pati sa mga pari, na ang kanilang pag-aayuno at pagluluksa sa bawat ikalima at ikapitong buwan sa loob ng 70 taon ay hindi nila ginagawa para sa akin. 6 At kung silaʼy kumakain at umiinom, ginagawa nila iyan para lamang sa sarili nilang kaligayahan. 7 Ito rin ang mensahe na ipinasabi ko sa mga propeta noon, nang masagana pa ang Jerusalem at marami pa itong tao pati ang mga bayang nasa paligid nito, at pati na ang Negev[a] at ang kaburulan sa kanluran.”[b]
8-9 Sinabi muli ng Panginoong Makapangyarihan kay Zacarias, “Ito ang sinabi ko sa aking mga mamamayan: ‘Humatol kayo nang makatarungan. Ipakita ninyo ang inyong kabutihan at habag sa isaʼt isa. 10 Huwag ninyong gigipitin ang mga biyuda, mga ulila, mga dayuhan, at ang mga mahihirap. Huwag kayong magbalak ng masama laban sa isaʼt isa.’
11 “Ngunit hindi nila pinansin ang aking sinabi. Tinanggihan nila ito at hindi sila nakinig. 12 Pinatigas nilang parang bato ang kanilang mga puso, at hindi sila nakinig sa Kautusan at mga salitang ipinasasabi ng aking Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta noon. Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay talagang galit na galit. 13 At dahil hindi sila nakinig sa mga sinabi ko, hindi rin ako makikinig kapag tumawag sila sa akin. 14 Para akong buhawing nagpangalat sa kanila sa ibaʼt ibang lugar na hindi pa nila napupuntahan. Iniwanan nila ang kanilang magandang lupain na hindi na mapapakinabangan at hindi na rin matitirhan.”
5 Kahit alam nʼyo na, gusto ko pa ring ipaalala sa inyo na kahit iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Egipto, sa bandang huli ay pinatay niya ang ilan sa kanila dahil hindi sila sumampalataya sa kanya. 6 Alalahanin nʼyo rin ang mga anghel na hindi nanatili sa dati nilang kalagayan kundi iniwan ang kanilang lugar. Ginapos ng Dios ang mga iyon ng mga kadenang hindi mapuputol, at ikinulong sa napakadilim na lugar hanggang sa araw na hahatulan sila. 7 At alalahanin nʼyo rin ang nangyari sa Sodom at Gomora at sa mga kalapit na bayan nila. Katulad ng mga anghel na iyon, gumawa sila ng lahat ng uri ng kalaswaan, pati na ng kahalayan sa hindi nila kauri. Pinarusahan sila sa walang hanggang apoy bilang babala sa lahat.
8 Ganyan din ang mga taong nakapasok sa inyo nang hindi ninyo namalayan. May mga pangitain sila na nag-uudyok sa kanila na gumawa ng kahalayan sa sarili nilang katawan. At dahil din sa mga pangitaing iyon, ayaw nilang magpasakop sa kapangyarihan ng Panginoon, at nilalait nila ang mga makapangyarihang nilalang. 9 Kahit na si Micael na pinuno ng mga anghel ay hindi nanlait ng ganoon. Sapagkat nang makipagtalo siya sa diyablo kung sino sa kanila ang kukuha ng bangkay ni Moises, hindi siya nangahas umakusa nang may panlalait. Sa halip, sinabi lang niya, “Sawayin ka ng Panginoon!” 10 Pero ang mga taong itoʼy nanlalait sa mga bagay na hindi nila naiintindihan. Tulad ng mga hayop na hindi iniisip ang kanilang ginagawa, wala silang ibang sinusunod kundi ang likas na damdamin nila na siyang nagdadala sa kanila sa kapahamakan. 11 Nakakaawa ang sasapitin ng mga taong ito dahil sinunod nila ang ginawa ni Cain. Tinularan din nila si Balaam, dahil kahit alam nilang mali ang ginagawa nila, patuloy pa rin nila itong ginagawa dahil nasilaw sila sa salapi. At tulad din ni Kora, naghihimagsik sila laban sa Dios, kaya sila ay parurusahan ding tulad niya. 12 Ang mga taong itoʼy nakakasira[a] sa pagsasalo-salo ninyo bilang magkakapatid sa Panginoon. Ang tanging habol nila ay kumain at uminom, at hindi sila nahihiya sa ginagawa nila. Wala silang iniisip kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin pero wala namang dalang ulan. Para rin silang mga punongkahoy na walang bunga sa kapanahunan nito, binunot pati ang ugat at talagang patay na. 13 At kung paanong nakikita ang bula ng malalakas na alon sa dagat, nakikita rin ang mga gawa nilang kahiya-hiya. Para rin silang mga ligaw na bituin. Itinakda sila ng Dios para sa napakadilim na lugar, at mananatili sila roon magpakailanman.
14 Si Enoc, na kabilang sa ikapitong henerasyon mula kay Adan ay may propesiya tungkol sa kanila. Sinabi niya, “Makinig kayo, darating ang Panginoon na kasama ang libu-libo niyang mga anghel 15 para hatulan ang lahat at parusahan ang mga hindi kumikilala sa Dios dahil sa masasama nilang gawa at masasakit na pananalita laban sa kanya.” 16 Ang mga taong ito na sumasalungat sa katotohanan ay mareklamo, mapagpuna, at ang tanging sinusunod ay ang masasamang hangarin nila. Mayabang sila sa kanilang pananalita, at nililinlang nila ang mga tao para makuha ang gusto nila.
Mga Payo at Babala
17 Ngunit lagi ninyong tandaan, mga minamahal, ang sinabi ng mga apostol ni Jesu-Cristo na ating Panginoon. 18 Sinabi nila, “Sa mga huling araw, darating ang mga taong mapanlait na ang tanging sinusunod ay ang masasama nilang hangarin.” 19 Sila ang mga taong gumagawa ng paraan upang masira ang pagkakaisa ninyo. Makamundo sila, at wala sa kanila ang Banal na Espiritu. 20 Ngunit mga minamahal, magpakatatag kayo sa inyong banal na pananampalataya. Lagi kayong manalangin sa tulong ng Banal na Espiritu. 21 Manatili kayo sa pag-ibig ng Dios, habang hinihintay ninyo ang buhay na walang hanggan na ibibigay ng ating Panginoong Jesu-Cristo dahil sa awa niya sa atin.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®