Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Tunay na Pagsamba
50 Ang Panginoong Dios na makapangyarihan ay nagsasalita at nananawagan sa lahat ng tao sa buong mundo.
2 Nagliliwanag siya mula sa Zion,
ang magandang lungsod na walang kapintasan.
3 Darating ang Dios at hindi lang siya basta mananahimik.
Sa unahan niyaʼy may apoy na nagngangalit,
at may bagyong ubod ng lakas sa kanyang paligid.
4 Tinawag niya ang buong langit at mundo para sumaksi
sa paghatol niya sa kanyang mga mamamayan.
5 Sinabi niya, “Tipunin sa aking harapan ang mga tapat kong pinili
na nakipagkasundo sa akin sa pamamagitan ng paghahandog.”
6 Inihahayag ng kalangitan na ang Dios ay matuwid,
dahil siya nga ang Dios na may karapatang mamuno at humatol.
7 Sinabi pa ng Dios, “Kayong mga mamamayan ko,
pakinggan ninyo ang aking sasabihin!
Ako ang Dios, na inyong Dios.
Sasaksi ako laban sa inyo, mga taga-Israel!
8 Hindi dahil sa inyong mga sinusunog na handog
na palagi ninyong iniaalay sa akin.
9 Hindi ko kailangan ang inyong mga baka[a] at mga kambing.
10 Sapagkat akin ang lahat ng hayop:
ang mga hayop sa gubat at ang mga baka sa libu-libong mga burol.
11 Kilala ko rin ang lahat ng ibon sa mga bundok,
at ang lahat ng hayop sa parang ay akin.
12 Kung magutom man ako, hindi ako hihingi sa inyo ng pagkain,
dahil ang daigdig at ang lahat ng nasa loob nito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng karne ng toro?
Hindi!
Umiinom ba ako ng dugo ng kambing?
Hindi!
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat
at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios.
15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan.
At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
16 Ngunit sinabi ng Dios sa mga masama,
“Wala kayong karapatang banggitin ang aking mga kautusan at kasunduan!
17 Namumuhi kayo sa aking pagdidisiplina.
Hindi ninyo pinapansin ang mga sinasabi ko.
18 Kapag nakakita kayo ng magnanakaw,
nakikipagkaibigan kayo sa kanya at nakikisama rin kayo sa mga nakikiapid.
19 Lagi kayong nagsasalita ng masama at kay dali para sa inyong magsinungaling.
20 Sinisiraan ninyo ang inyong mga kapatid.
21 Hindi ako kumibo nang gawin ninyo ang mga bagay na ito,
kaya inakala ninyong katulad din ninyo ako.
Ngunit sasawayin ko kayo at ipapakita ko sa inyo kung gaano kayo kasama.
22 Pakinggan ninyo ito, kayong mga nakalimot sa Dios,
dahil kung hindi ay lilipulin ko kayo at walang makapagliligtas sa inyo.
23 Ang naghahandog sa akin ng pasasalamat ay pinaparangalan ako
at ang nag-iingat sa kanyang pag-uugali ay ililigtas ko.”
Ang mga Pagbabago na Ginawa ni Nehemias
13 Nang araw na iyon binasa ang Kautusan ni Moises sa mga tao, nalaman nilang ipinagbabawal ang mga Ammonita at mga Moabita na makihalubilo sa mga mamamayan ng Dios. 2 Dahil hindi nila binigyan ng pagkain at inumin ang mga Israelita nang lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan nila si Balaam na isumpa ang mga Israelita. Ngunit sa halip na sumpa, ginawa ito ng Dios na pagpapala. 3 Nang marinig ng mga tao ang kautusang iyon, hindi na nila isinama ang mga hindi tunay na Israelita.
23 Nang mga panahon ding iyon, nakita ko na may mga taga-Juda na nakapag-asawa ng mga babaeng taga-Ashdod, taga-Ammon, at taga-Moab. 24 Kalahati sa mga anak nila ay nagsasalita ng wikang Ashdod o sa wika ng ibang tao, at hindi sila makapagsalita ng wika ng Juda. 25 Kaya sinaway ko at sinumpa ang mga taga-Juda. Pinalo ko ang iba sa kanila at hinila ang mga buhok nila. Ipinasumpa ko sila at ang mga anak nila sa pangalan ng Dios na hinding-hindi na sila mag-aasawa ng mga dayuhan. 26 At sinabi ko sa kanila, “Hindi ba ito ang dahilan ng pagkakasala ni Haring Solomon ng Israel? Walang haring katulad niya, saan mang bansa. Minamahal siya ng kanyang Dios, at ginawa siya ng Dios na hari sa buong Israel. Pero sa kabila ng lahat, nagkasala siya dahil sa udyok ng mga asawa niyang dayuhan. 27 At ano, pababayaan na lang ba namin ang kasamaang ito na ginawa nʼyo – ang pagiging di-tapat sa ating Dios sa pamamagitan ng pag-aasawa ng dayuhan?”
28 Si Joyada na anak ng punong pari na si Eliashib ay may anak na nakipag-asawa sa anak ni Sanbalat na taga-Horon, kaya pinaalis ko siya.
29 Pagkatapos ay nanalangin ako, “O aking Dios, huwag nʼyo pong kalilimutan na binalewala nila ang kanilang pagkapari at ang sinumpaan nila bilang mga pari at mga Levita.”
30 Kaya tiniyak ko na ang mga mamamayan ng Israel ay malaya na sa kahit anong impluwensya ng mga dayuhan. At binigyan ko ng trabaho ang mga pari at ang mga Levita ayon sa bawat gawain nila. 31 Tiniyak ko rin na ang mga panggatong na gagamitin sa paghahandog ay madadala sa tamang panahon, pati ang mga unang ani.
At nanalangin ako, “O aking Dios, alalahanin po ninyo ako at pagpalain.”
9 Sumulat ako sa inyo noon na huwag kayong makikisama sa mga imoral.[a] 10 Hindi ko tinutukoy dito ang mga taong hindi sumasampalataya sa Dios – ang mga imoral, sakim, magnanakaw, at sumasamba sa dios-diosan. Dahil kung iiwasan ninyo sila, kinakailangan nʼyo talagang umalis sa mundong ito. 11 Ang tinutukoy ko na huwag ninyong pakikisamahan ay ang mga nagsasabing silaʼy mga kapatid sa Panginoon pero mga imoral, sakim, sumasamba sa dios-diosan, mapanlait, lasenggo, at magnanakaw. Ni huwag kayong makisalo sa kanila sa pagkain. 12-13 Kung sabagay, ano ba ang karapatan nating husgahan ang mga hindi mananampalataya? Ang Dios na ang huhusga sa kanila. Ngunit tungkulin ninyo na husgahan ang mga kapatid kung tama o mali ang kanilang ginagawa, dahil sinasabi ng Kasulatan, “Paalisin ninyo sa inyong grupo ang taong masama.”[b]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®