Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 57

Dalangin para Tulungan ng Dios

57 O Dios, maawa kayo sa akin, dahil sa inyo ako nanganganlong.
    Katulad ng sisiw na sumisilong sa ilalim ng pakpak ng inahing manok, sisilong ako sa inyo hanggang sa wala ng kapahamakan.
Tumatawag ako sa inyo, Kataas-taasang Dios,
    sa inyo na nagsasagawa ng layunin sa aking buhay.
Mula sa langit ay magpapadala kayo ng tulong upang akoʼy iligtas.
    Ilalagay nʼyo sa kahihiyan ang mga kaaway ko.
    Ipapakita nʼyo ang inyong pag-ibig at katapatan sa akin.
Napapaligiran ako ng mga kaaway,
    parang mga leong handang lumapa ng tao.
    Ang mga ngipin nilaʼy parang sibat at pana,
    mga dilaʼy kasintalim ng espada.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Nabagabag ako dahil naglagay ng bitag ang aking mga kaaway.
    Naghukay rin sila sa aking dadaanan, ngunit sila rin ang nahulog dito.
O Dios, lubos akong nagtitiwala sa inyo.
    Aawit ako ng mga papuri para sa inyo.
Gigising ako ng maaga at ihahanda ko ang aking sarili at ang aking instrumentong may mga kwerdas para magpuri sa inyo.
Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan.
    At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan.
10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan.
11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.

1 Samuel 25:36-42

36 Nang dumating si Abigail sa bahay nila, nagdiriwang sila Nabal na parang pista sa kaharian. Sobrang saya ni Nabal at lasing na lasing, kaya hindi na niya sinabi rito hanggang umaga ang pakikipagkita niya kay David. 37 Kinaumagahan, nang wala na ang pagkalasing nito, sinabi sa kanya ni Abigail ang nangyari. Inatake siya sa puso at hindi na nakagalaw. 38 Pagkaraan ng sampung araw, pinalala ng Panginoon ang kalagayan niya at siyaʼy namatay.

39 Nang mabalitaan ni David na patay na si Nabal, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon! Siya ang gumanti kay Nabal dahil sa pang-iinsulto niya sa akin. Hindi na niya hinayaang ako pa ang gumawa noon. Pinarusahan niya si Nabal sa masama niyang ginawa sa akin.”

Pagkatapos, nagpadala ng mensahe si David kay Abigail na hinihiling niya na maging asawa niya ito. 40 Pagdating ng mga mensahero sa Carmel, sinabi nila kay Abigail, “Pinapunta kami ni David sa iyo upang sunduin ka at gawing asawa niya.” 41 Lumuhod si Abigail at sinabi, “Pumapayag ako. Handa akong paglingkuran siya pati na ang kanyang mga alipin.[a] 42 Dali-daling sumakay si Abigail sa asno at sumama sa mga mensahero ni David. Kasama niya ang lima niyang aliping babae at naging asawa siya ni David.

Lucas 22:39-46

Nanalangin si Jesus sa Bundok ng mga Olibo(A)

39 Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. 40 Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” 41 Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti.[a] Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, 42 “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating.[b] Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” 43 [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. 44 Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.]

45 Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. 46 Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®