Revised Common Lectionary (Complementary)
Pagpupuri sa Dios
111 Purihin ang Panginoon!
Buong puso kong pasasalamatan ang Panginoon sa pagtitipon ng mga matuwid.
2 Napakadakila ng mga gawa ng Panginoon;
iniisip ito ng lahat ng nagagalak sa kanyang mga gawa.
3 Ang lahat ng kanyang mga gawa ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan at karangalan.
At ang kanyang katuwiran ay nagpapatuloy magpakailanman.
4 Ipinaaalala niya ang kanyang mga kahanga-hangang gawa.
Siya ay mapagbiyaya at mahabagin.
5 Binibigyan niya ng pagkain ang mga may takot sa kanya,
at ang kanyang kasunduan sa kanila ay hindi niya kinakalimutan.
6 Ipinakita niya sa kanyang mga mamamayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga lupain ng ibang mga bansa.
7 Tapat at matuwid ang lahat niyang ginagawa,
at mapagkakatiwalaan ang lahat niyang mga utos.
8 Ang kanyang mga utos ay mananatili magpakailanman,
at itoʼy ibinigay niya nang buong katapatan at ayon sa katuwiran.
9 Tinubos niya ang kanyang mga mamamayan,
at gumawa siya ng kasunduan na pangwalang hanggan.
Banal siya at kahanga-hanga.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan.
Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa.
Purihin siya magpakailanman.
Ang mga Tuntunin Tungkol sa mga Amag na Kumakalat sa Bahay
33 Ito ang sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron 34 tungkol sa dapat gawin kung patutubuin ng Panginoon ang mga amag[a] sa kanilang mga bahay kapag silaʼy nasa Canaan na, ang lugar na ibibigay ng Panginoon sa kanila bilang pag-aari:
35 Kung mapuna ng may-ari ng bahay na nagkakaamag ang kanyang bahay, dapat niya itong sabihin sa pari. 36 At bago pumasok ang pari sa bahay na iyon, ipag-uutos niyang ilabas lahat ang kagamitan sa loob ng bahay, dahil baka pati iyon ay maibilang na marumi. Pagkatapos, papasok ang pari sa bahay 37 at titingnan niya ang amag. Kapag nakita niyang ang dingding ay parang kulay berde o namumula, at parang makapal ang tagos sa dingding,[b] 38 lalabas ang pari sa bahay na iyon at ipapasara niya ang bahay sa loob ng pitong araw. 39 Sa ikapitong araw, babalik ang pari at muling titingnan ang amag sa bahay. At kung iyon ay kumalat pa sa ibang bahagi ng dingding, 40 ipapatanggal niya ang mga dingding na may amag at ipapatapon sa labas ng bayan, doon sa pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 41 At ipababakbak niya ang lahat ng bahagi ng dingding sa loob ng bahay at ang lahat ng binakbak ay ipapatapon din niya sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi. 42 At ipag-uutos niya na palitan ang lahat ng bahagi ng dingding na tinanggal.
43 Pero kung pagkatapos nitoʼy muling magkaamag ang bahay, 44 pupuntahan niyang muli ang pari at muling ipapasuri ito. Kung ang amag ay kumakalat, ituturing na marumi na naman ang bahay na iyon dahil pabalik-balik ang amag sa bahay. 45 Kaya dapat nang gibain ang bahay at ang mga gamit nitoʼy ipatapon sa labas ng bayan, doon sa lugar na pinagtatapunan ng mga bagay na itinuturing na marumi.
46 Ang sinumang pumasok sa bahay na iyon na ipinasara ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. 47 At ang sinumang kumain o matulog sa bahay na iyon ay kinakailangang maglaba ng kanyang damit.[c]
48 Pero kung sa pagsusuri ng pari ay hindi na nagkaamag ang bahay pagkatapos palitan ang mga bahagi ng dingding na may amag, ipapahayag ng pari na malinis na ang bahay dahil wala nang amag. 49 At para maituring na malinis ang bahay, kinakailangan ng pari ang dalawang ibon, kahoy na sedro, pulang panali, at halamang isopo. 50 Papatayin niya ang isang ibon sa ibabaw ng palayok na may tubig mula sa bukal. 51 At kukunin niya ang kahoy na sedro, ang pulang panali, halamang isopo, at ang buhay na ibon. At ilulubog niyang lahat ito sa tubig sa palayok na may dugo ng ibong pinatay. At ang tubig na may dugo ay iwiwisik niya ng pitong beses sa bahay. 52 Kaya sa pamamagitan ng dugo ng ibon, tubig na galing sa bukal, buhay na ibon, kahoy na sedro, halamang isopo, at ng pulang panali, malilinis ng pari ang bahay. 53 Pagkatapos, pakakawalan niya ang buhay na ibon sa labas ng bayan. Ganito ang paraan na gagawin ng pari para maalis ang karumihan sa bahay at magiging malinis na ito.
13 Ituro mo ang tamang aral na natutunan mo sa akin, nang may pananampalataya at pag-ibig dahil ito ang karapat-dapat gawin ng mga nakay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Banal na Espiritu na nasa atin, ingatan mo ang tamang aral na ipinagkatiwala ko sa iyo.
15 Alam mong tinalikuran ako ng halos lahat ng mga kapatid sa probinsya ng Asia, pati na sina Figelus at Hermogenes. 16 Kaawaan sana ng Dios si Onesiforus at ang pamilya niya, dahil lagi niya akong tinutulungan,[a] at hindi niya ako ikinahiya kahit na akoʼy isang bilanggo. 17 Sa katunayan, nang dumating siya sa Roma, sinikap niya akong hanapin hanggang sa matagpuan niya ako. 18 At alam na alam mo kung paano niya ako tinulungan noong nasa Efeso ako. Kaawaan sana siya ng Panginoon sa Araw ng Paghuhukom.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®