Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Tulungan ng Dios
12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
dahil wala nang makadios,
at wala na ring may paninindigan.
2 Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
Nambobola sila para makapandaya ng iba.
3 Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
4 Sinasabi nila,
“Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
at walang sinumang makakapigil sa amin.”
5 Sinabi ng Panginoon,
“Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
6 Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.
7 Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
8 Pinalibutan nila kami,
at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.
10 Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa.
11 Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino.
12 Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila.
13 Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap.
14 Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo.
15 Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama.
16 Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan.
Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(A)
45 Habang nakikinig kay Jesus ang mga tao, sinabi niya sa mga tagasunod niya, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan. Mahilig silang lumibot na nakasuot ng espesyal na damit.[a] At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa matataong lugar. Mahilig silang maupo sa mga upuang pandangal sa mga sambahan at mga handaan. 47 Dinadaya nila ang mga biyuda para makuha ang mga ari-arian ng mga ito, at pinagtatakpan nila ang mga ginagawa nila sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Ang mga taong itoʼy tatanggap ng mas mabigat na parusa.”
Ang Kaloob ng Biyuda(B)
21 Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang naghuhulog ng pera sa lalagyan ng mga kaloob sa templo. 2 Nakita rin niya ang isang mahirap na biyuda na naghulog ng dalawang pirasong barya. 3 Sinabi ni Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, mas malaki ang ibinigay ng biyudang iyon kaysa sa kanilang lahat. 4 Sapagkat silang lahat ay nagbigay galing sa sobra nilang pera, pero ang biyuda ay nagbigay sa kabila ng kanyang kahirapan. Ibinigay niya ang lahat ng ikabubuhay niya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®