Revised Common Lectionary (Complementary)
Mapalad ang Taong may Takot sa Panginoon
112 Purihin ang Panginoon!
Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos.
2 Ang mga anak niya ay magiging matagumpay,
dahil ang angkan ng mga namumuhay nang matuwid ay pagpapalain.
3 Yayaman ang kanyang sambahayan,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
4 Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid,
at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
5 Pagpapalain ang taong mapagbigay at nagpapahiram,
at hindi nandaraya sa kanyang hanapbuhay.
6 Tiyak na magiging matatag ang kanyang kalagayan
at hindi siya makakalimutan magpakailanman.
7 Hindi siya matatakot sa masamang balita,
dahil matatag siya at buong pusong nagtitiwala sa Panginoon.
8 Hindi siya matatakot o maguguluhan,
dahil alam niyang sa bandang huliʼy makikita niyang matatalo ang kanyang mga kalaban.
9 Nagbibigay siya sa mga dukha,
at ang kanyang kabutihan ay maaalala magpakailanman.
Ang kanyang kakayahan ay lalo pang dadagdagan ng Dios upang siyaʼy maparangalan.
10 Makikita ito ng mga taong masama at magngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit, at parang matutunaw sila dahil sa kahihiyan.
Hindi magtatagumpay ang naisin ng taong masama.
13 Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot.
14 Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan.
15 Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya.
16 Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan.
17 Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan.
Magmahalan Kayong Lahat
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®