Revised Common Lectionary (Complementary)
9 At kung dumulog kayo sa akin para humingi ng tulong, kayoʼy aking sasagutin.
“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama, 10 at kung gagawin ninyo ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga dukha, darating sa inyo ang kaligtasan na magbibigay-liwanag sa madilim ninyong kalagayan na parang tanghaling-tapat. 11 Palagi ko kayong papatnubayan at bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan[a] ninyo. Palalakasin ko kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig. 12 Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga taong tagaayos ng kanilang mga gibang pader at mga bahay.
13 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan nʼyo ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan. 14 Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.
Ang Pag-ibig ng Dios
103 Pupurihin ko ang Panginoon!
Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
2 Pupurihin ko ang Panginoon,
at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
3 Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
4 Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
5 Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.
6 Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
7 Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
8 Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
18 Ang paglapit nʼyo sa Dios ay hindi katulad ng paglapit ng mga Israelita noon. Lumapit sila sa isang bundok na nakikita nila – ang Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, may kadiliman at malakas na hangin. 19 Nakarinig din sila ng tunog ng trumpeta at boses ng nagsasalita. At nang marinig nila ang boses na iyon, nagmakaawa silang huwag na itong magsalita pa sa kanila 20 dahil hindi nila makayanan ang utos na ito: “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.”[a] 21 Tunay na kakila-kilabot ang tanawing iyon, kaya maging si Moises ay nagsabi, “Nanginginig ako sa takot!”[b]
22 Ngunit hindi ganito ang paglapit nʼyo sa Panginoon. Dahil ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion, ang lungsod ng Dios na buhay, ang Jerusalem na nasa langit na may libu-libong anghel na nagtitipon nang may kagalakan. 23 Lumapit kayo sa pagtitipon[c] ng mga itinuturing na mga panganay ng Dios, na ang mga pangalan nila ay nakasulat sa langit. Lumapit kayo sa Dios na siyang hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong itinuring na matuwid ng Dios at ginawa na niyang ganap. 24 Lumapit kayo kay Jesus na siyang tagapamagitan natin sa Dios sa bagong kasunduan. Ang kasunduang itoʼy pinagtibay ng kanyang dugo na higit na mabuti kaysa sa dugo ni Abel na humihingi ng katarungan.
25 Kaya mag-ingat kayo at huwag tanggihan ang Dios na nagsasalita sa atin. Ang mga tao noon na hindi nakinig sa mga propeta rito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa. Paano kaya tayo makakaligtas kung hindi natin pakikinggan ang nagsasalita mula sa langit? 26 Yumanig noon ang lupa nang magsalita ang Dios. At ngayon ay nangako siya, “Minsan ko pang yayanigin ang mundo, pati na rin ang langit.”[d] 27 Ang katagang “minsan pa” ay nagpapahiwatig na aalisin ng Dios ang lahat ng nilikha niya na nayayanig, para manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. 28 Kaya magpasalamat tayo sa Dios dahil kabilang na tayo sa kaharian niya na hindi nayayanig. Sambahin natin siya sa paraang kalugod-lugod, na may takot at paggalang sa kanya, 29 dahil kapag nagparusa ang ating Dios, itoʼy parang apoy na nakakatupok.[e]
Pinagaling ni Jesus ang Babaeng Baluktot ang Katawan
10 Isang Araw ng Pamamahinga, nagtuturo si Jesus sa sambahan ng mga Judio. 11 May isang babae roon na 18 taon nang may karamdaman dahil sa ginawa sa kanya ng masamang espiritu. Baluktot ang katawan niya at hindi ito maituwid. 12 Nang makita siya ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Babae, magaling ka na sa sakit mo.” 13 Pagkatapos, ipinatong niya ang mga kamay niya sa babae, at noon din ay naituwid ng babae ang kanyang katawan at nagpuri siya sa Dios. 14 Pero nagalit ang namumuno sa sambahan ng mga Judio dahil nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Sinabi niya sa mga tao, “May anim na araw kayo para magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling, at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” 15 Sinagot siya ni Jesus, “Mga pakitang-tao! Hindi baʼt kinakalagan ninyo ang inyong mga baka o asno at dinadala sa painuman kahit Araw ng Pamamahinga? 16 Kung sa mga hayop nga ay naaawa kayo, bakit hindi sa babaeng ito na mula rin sa lahi ni Abraham? 18 taon na siyang ginapos ni Satanas, kaya nararapat lang na palayain siya kahit na Araw ng Pamamahinga.” 17 Napahiya ang mga kumakalaban kay Jesus sa sinabi niyang ito. Natuwa naman ang mga tao sa mga kahanga-hangang bagay na ginawa ni Jesus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®