Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 103:1-8

Ang Pag-ibig ng Dios

103 Pupurihin ko ang Panginoon!
    Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
Pupurihin ko ang Panginoon,
    at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
    at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
    at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
    kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
    binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
    at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

2 Cronica 8:12-15

12 Pagkatapos, naghandog si Solomon ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon sa altar na kanyang ipinatayo sa harapan ng balkonahe ng templo. 13 Tinupad niya ang utos ni Moises na maghandog ayon sa nararapat na ihandog araw-araw at sa panahon ng Araw ng Pamamahinga, Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[a] at ng tatlong pista na ipinagdiriwang taun-taon: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng Pag-aani, at Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol. 14 At ayon sa tuntunin ng ama niyang si David, pinagbukod-bukod niya ang mga pari at mga Levita para sa kanilang mga gawain. Ang mga Levita ang nangunguna sa mga tao sa pagpupuri sa Dios at sila ang tumutulong sa mga pari sa kanilang gawain sa templo araw-araw. Ibinukod din niya ang mga guwardya ng bawat pintuan sa templo, dahil ito ang utos ni David na lingkod ng Dios. 15 Sinunod ni Solomon ang lahat ng utos ni Haring David tungkol sa mga pari at mga Levita at sa mga bodega.

Gawa 17:1-9

Nangaral si Pablo sa Tesalonica

17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.

Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®