Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 103:1-8

Ang Pag-ibig ng Dios

103 Pupurihin ko ang Panginoon!
    Buong buhay kong pupurihin ang kanyang kabanalan.
Pupurihin ko ang Panginoon,
    at hindi kalilimutan ang kanyang kabutihan.
Pinatatawad niya ang lahat kong kasalanan,
    at pinagagaling ang lahat kong karamdaman.
Inililigtas niya ako sa kapahamakan,
    at pinagpapala ng kanyang pag-ibig at habag.
Pinagkakalooban niya ako ng mga mabubuting bagay habang akoʼy nabubuhay,
    kaya akoʼy parang nasa aking kabataan at malakas tulad ng agila.

Ang Panginoon ay matuwid ang paghatol;
    binibigyang katarungan ang lahat ng inaapi.
Ipinahayag niya kay Moises ang kanyang pamamaraan,
    at inihayag niya sa mamamayan ng Israel ang kanyang mga gawang makapangyarihan.
Ang Panginoon ay mahabagin at matulungin,
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.

Bilang 15:32-41

Ang Parusa sa Hindi Pagsunod sa Araw ng Pamamahinga

32 Habang naroon sa ilang ang mga Israelita, may nakita silang tao na nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Dinala siya ng mga tao na nakakita sa kanya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong nila siya, dahil hindi sila nakasisiguro kung ano ang dapat gawin sa kanya. 35 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangang patayin ang taong iyan, babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.” 36 Kaya dinala siya ng mga tao sa labas ng kampo at pinagbabato hanggang sa mamatay, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 38 na sabihin ito sa mga Israelita: “Gumawa kayo ng mga palawit sa laylayan ng inyong mga damit at lagyan ninyo ito ng taling kulay asul. Kailangang sundin ninyo ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 39 Ang mga palawit na ito ang magpapaalala sa inyo ng lahat kong mga utos para sundin ninyo ito at hindi ang inyong kagustuhan lang ang inyong gawin. 40 Sa pamamagitan ng mga palawit na ito, maaalala ninyo ang pagtupad sa aking kasunduan, at magiging akin kayo. 41 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maging inyong Dios. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

Hebreo 12:3-17

Isipin nʼyo ang mga tiniis ni Jesus na paghihirap sa kamay ng mga makasalanang tao, para hindi kayo panghinaan ng loob. Kung tutuusin, wala pa namang pinatay sa inyo dahil sa pakikipaglaban sa kasalanan. Baka nakalimutan nʼyo na ang pangaral ng Dios sa inyo bilang mga anak niya:

    “Anak, huwag mong balewalain ang pagdidisiplina ng Panginoon,
    at huwag kang panghinaan ng loob kung sinasaway ka niya.
Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya,
    at pinapalo niya ang itinuturing niyang mga anak.”[a]

Tiisin nʼyo ang lahat ng paghihirap bilang pagdidisiplina ng Dios sa inyo dahil itinuturing niya kayong mga anak. Sino bang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Kung hindi kayo dinidisiplina ng Dios gaya ng pagdidisiplina niya sa lahat ng anak niya, hindi kayo mga tunay na anak kundi mga anak sa labas. Kahit ang mga ama natin dito sa lupa ay dinidisiplina tayo, at sa kabila nito, iginagalang natin sila. Kaya lalong dapat tayong magpasakop sa pagdidisiplina ng ating Ama na nasa langit, para maging mabuti ang pamumuhay natin. 10 Sa maikling panahon, dinidisiplina tayo ng mga ama natin dito sa lupa ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit ang pagdidisiplina ng Dios ay laging para sa ikabubuti natin upang maging banal tayong gaya niya. 11 Habang dinidisiplina tayo, hindi tayo natutuwa kundi nasasaktan. Ngunit ang ibubunga naman nito sa bandang huli ay ang mapayapa at matuwid na pamumuhay.

Mga Babala at Bilin

12 Kaya palakasin ninyo ang sarili nʼyo at patibayin ang inyong loob. 13 Lumakad kayo sa matuwid na daan upang ang mga kapatid na sumusunod sa inyo, na mahihina ang pananampalataya, ay hindi matisod at mapilayan kundi lumakas. 14 Pagsikapan ninyong mamuhay nang may mabuting relasyon sa lahat ng tao, at magpakabanal kayo. Sapagkat kung hindi banal ang pamumuhay nʼyo, hindi nʼyo makikita ang Panginoon. 15 Ingatan nʼyo na walang sinuman sa inyo ang tatalikod sa biyaya ng Dios. At huwag ninyong hayaang umiral ang samaan ng loob sa inyo at marami ang madamay. 16 Ingatan din ninyo na walang sinuman sa inyo ang gagawa ng sekswal na imoralidad o mamumuhay nang gaya ni Esau, na hindi pinahalagahan ang mga espiritwal na bagay, dahil ipinagpalit niya ang karapatan niya bilang panganay sa isang kainan.[b] 17 At alam nʼyo na rin na pagkatapos ay hiningi ni Esau sa kanyang ama ang pagpapalang nauukol sa panganay, pero tinanggihan siya. Sapagkat hindi na mababago ang ginawa niya anumang pagsisikap at pag-iyak ang gawin niya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®