Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Kasunduan ng Dios kay David
89 Panginoon, aawitin ko ang tungkol sa inyong tapat na pag-ibig magpakailanman.
Ihahayag ko sa lahat ng salinlahi ang inyong katapatan.
2 Ipapahayag ko na matatag ang inyong walang hanggang pag-ibig, at mananatili gaya ng kalangitan.
3 At inyong sinabi, “Gumawa ako ng kasunduan sa aking lingkod na si David na aking pinili upang maging hari.
Ito ang ipinangako ko sa kanya:
4 Ang bawat hari ng Israel ay manggagaling sa iyong lahi;
ang iyong kaharian ay magpapatuloy magpakailanman.”
5 Panginoon, pupurihin ng mga nilalang sa langit ang inyong katapatan at mga kahanga-hangang gawa.
6 Walang sinuman doon sa langit ang katulad nʼyo, Panginoon.
Sino sa mga naroon[a] ang katulad nʼyo, Panginoon?
7 Iginagalang kayo sa pagtitipon ng mga banal sa langit.
Higit kayong kahanga-hanga, at silang lahat na nakapalibot sa inyoʼy may malaking takot sa inyo.
8 O Panginoong Dios na Makapangyarihan, wala kayong katulad;
makapangyarihan kayo Panginoon at tapat sa lahat ng inyong ginagawa.
9 Nasa ilalim ng kapangyarihan nʼyo ang nagngangalit na dagat,
pinatatahimik nʼyo ang mga malalaking alon.
10 Dinurog nʼyo ang dragon na si Rahab, at namatay ito.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihaʼy ipinangalat nʼyo ang inyong mga kaaway.
11 Sa inyo ang langit at ang lupa, ang mundo at ang lahat ng naritoʼy kayo ang lumikha.
12 Nilikha nʼyo ang hilaga at ang timog.
Ang mga bundok ng Tabor at Hermon ay parang mga taong umaawit sa inyo nang may kagalakan.
13 Ang lakas nʼyo ay walang kapantay, at ang inyong kanang kamay ay nakataas at napakamakapangyarihan!
14 Katuwiran at katarungan ang pundasyon ng inyong paghahari
na pinangungunahan ng tapat na pag-ibig at katotohanan.
15 Panginoon, mapalad ang mga taong nakaranas na sumigaw dahil sa kagalakan para sa inyo.
Namumuhay sila sa liwanag na nagmumula sa inyo.
16 Dahil sa inyo palagi silang masaya.
At ang inyong pagiging makatuwiran ay pinupuri nila.
17 Pinupuri namin kayo dahil kayo ang aming dakilang kalakasan,
at dahil sa inyong kabutihan kami ay magtatagumpay.
18 Panginoon, Banal na Dios ng Israel,
ikaw ang naghirang sa hari na sa amin ay nagtatanggol.
Ang Paghahari ni Manase sa Juda(A)
33 Si Manase ay 12 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 55 taon. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita. 3 Muli niyang ipinatayo ang mga sambahan sa matataas na lugar[a] na ipinagiba ng ama niyang si Hezekia. Nagpatayo rin siya ng mga altar para kay Baal at nagpagawa ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba siya sa lahat ng bagay sa langit. 4 Nagpagawa pa siya ng mga altar sa templo ng Panginoon sa Jerusalem, na ayon sa Panginoon ay ang lugar na kung saan pararangalan siya magpakailanman. 5 Inilagay niya ang mga altar sa dalawang bakuran ng templo ng Panginoon para sambahin ang lahat ng bagay sa langit. 6 Inihandog niya sa pamamagitan ng apoy ang kanyang mga anak[b], sa Lambak ng Ben Hinom. Ginawa rin niya ang mga ginagawa ng mga manghuhula at mangkukulam, at nagtatanong siya sa mga espiritista na nakikipag-usap sa kaluluwa ng mga patay. Napakasama ng ginawa niya at nakapagpagalit ito sa Panginoon.
7 Inilagay niya sa templo ang imahen na kanyang ipinagawa, kung saan sinabi ng Panginoon kay David at sa anak niyang si Solomon, “Pararangalan ako magpakailanman sa templong ito at sa Jerusalem, ang lugar na aking pinili mula sa lahat ng lugar ng mga lahi ng Israel. 8 Kung tutuparin lang ng mga mamamayan ng Israel ang lahat ng kautusan at tuntunin ko na ibinigay sa kanila ni Moises, hindi ko papayagang paalisin sila rito sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” 9 Pero hinikayat ni Manase ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem sa paggawa ng masama, at ang ginawa nila ay mas malala pa sa ginawa ng mga bansang ipinalipol ng Panginoon sa harap ng mga Israelita.
10 Kahit binalaan ng Panginoon si Manase at ang kanyang mga mamamayan, hindi pa rin sila nakinig sa kanya. 11 Kaya ipinalusob sila ng Panginoon sa mga sundalo ng Asiria. Binihag nila si Manase, nilagyan ng kawit ang kanyang ilong, kinadenahan, at dinala sa Babilonia. 12 Sa kanyang paghihirap, nagpakumbaba siya at nagmakaawa sa Panginoon na kanyang Dios, na Dios din ng kanyang mga ninuno. 13 At nang nanalangin siya, pinakinggan siya ng Panginoon. Naawa ang Panginoon sa kanyang mga pagmamakaawa. Kaya pinabalik siya ng Panginoon sa Jerusalem at sa kaharian niya. At napagtanto ni Manase na ang Panginoon ang Dios.
14 Simula noon, ipinaayos ni Manase ang panlabas na pader ng Lungsod ni David mula sa kanluran ng Gihon, sa may lambak hanggang sa pintuan na tinatawag na Isda, paliko sa bulubundukin ng Ofel. Pinataasan din niya ito. Pagkatapos, naglagay siya ng mga pinuno sa lahat ng napapaderang lungsod ng Juda. 15 Ipinaalis niya ang mga dios-diosan ng taga-ibang bansa at ang imahen sa templo ng Panginoon. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinatayo niya sa burol na kinatatayuan ng templo at ang mga altar sa ibang bahagi ng Jerusalem, at ipinatapon niya ito sa labas ng lungsod. 16 Pagkatapos, ipinaayos niya ang altar ng Panginoon, at pinag-alayan ng mga handog para sa mabuting relasyon at mga handog ng pasasalamat. Sinabihan niya ang mga mamamayan ng Juda na maglingkod sa Panginoon, ang Dios ng Israel.
17 Ganoon pa man, naghahandog pa rin ang mga tao sa mga sambahan sa matataas na lugar, pero ang Panginoon lang na kanilang Dios ang hinahandugan nila.
Mga Dakilang Halimbawa ng Pananampalataya
11 Ang pananampalataya ay ang katiyakan na matatanggap natin ang mga bagay na inaasahan natin. At ito ay ang pagiging sigurado sa mga bagay na hindi natin nakikita. 2 Dahil sa pananampalataya ng mga ninuno natin, kinalugdan sila ng Dios. 3 Dahil sa pananampalataya, alam natin na ang sanlibutan ay ginawa ng Dios sa pamamagitan ng kanyang salita. Kaya ang mga bagay na nakikita natin ay galing sa mga hindi nakikita.
4 Dahil sa pananampalataya, nag-alay si Abel ng mas mabuting handog kaysa kay Cain. At dahil sa pananampalataya niya, itinuring siyang matuwid ng Dios, dahil tinanggap ng Dios ang handog niya. Kaya kahit patay na si Abel, may itinuturo pa rin siya sa atin sa pamamagitan ng pananampalataya niya.
5 Dahil sa pananampalataya, hindi namatay si Enoc kundi dinala siya sa langit,[a] “Hindi na siya nakita pa dahil dinala siya ng Dios.”[b] Ayon sa Kasulatan dinala siya dahil nalugod ang Dios sa buhay niya. 6 Hindi makapagbibigay-lugod sa Dios ang taong walang pananampalataya, dahil ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat maniwalang may Dios at nagbibigay siya ng gantimpala sa mga taong humahanap sa kanya.
7 Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Dios tungkol sa mga bagay na mangyayari kahit hindi pa niya nakikita. Kaya gumawa siya ng isang barko para mailigtas niya ang kanyang sarili at ang pamilya niya. At sa pananampalataya niya, hinatulan ang mga tao sa mundo, pero itinuring siyang matuwid ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®