Revised Common Lectionary (Complementary)
Papuri sa Kabutihan ng Dios
127 Kung wala ang tulong ng Panginoon sa pagtayo ng bahay, walang kabuluhan ang pagtatayo nito.
Kung wala ang pag-iingat ng Panginoon sa bayan, walang kabuluhan ang pagbabantay dito.
2 Walang kabuluhan ang paggising nang maaga at pagtulog nang gabing-gabi na sa pagtatrabaho upang may makain,
dahil ang Panginoon ang nagbibigay ng mga pangangailangan ng kanyang mga minamahal, kahit silaʼy natutulog.
3 Ang mga anak ay pagpapala at gantimpalang mula sa Panginoon.
4 Ang anak na isinilang sa panahon ng kabataan ng kanyang ama ay parang pana sa kamay ng sundalo.
5 Mapalad ang taong may maraming anak,
dahil may tutulong sa kanya kapag humarap siya sa kanyang mga kaaway sa hukuman.
12 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo habang bata ka pa at bago dumating ang panahon ng kahirapan at masabi mong, “Hindi ako masaya sa buhay ko.” 2 Alalahanin mo siya bago dumilim ang araw, ang buwan at ang mga bituin na parang natatakpan ng makakapal na ulap. 3 Darating ang araw na manginginig ang iyong mga bisig[a] at manghihina ang iyong mga tuhod.[b] Hindi ka na makakanguyang mabuti dahil iilan na lang ang iyong ngipin.[c] At lalabo na ang iyong paningin.[d] 4 Ang tainga[e] moʼy hindi na halos makarinig, kahit ang ingay ng gilingan o huni ng mga ibon o mga awitin ay hindi na marinig. 5 Matatakot ka ng umakyat sa matataas na lugar o lumakad sa lansangan ng nag-iisa. Puputi na ang iyong buhok, hindi ka na halos makakalakad at mawawala na ang lahat ng iyong pagnanasa. Sa bandang huli, pupunta ka sa iyong tahanang walang hanggan at marami ang magluluksa para sa iyo sa mga lansangan. 6 Kaya alalahanin mo ang Dios habang nabubuhay ka, habang hindi pa nalalagot ang kadenang pilak at hindi pa nababasag ang gintong lalagyan, o hindi pa nalalagot ang tali ng timba sa balon, at nasisira ang kalo nito. 7 Kung magkagayon, babalik ka sa lupa kung saan ka nagmula at ang espiritu[f] moʼy babalik sa Dios na siyang nagbigay nito.
8 Sabi ng mangangaral,[g] “Walang kabuluhan! Tunay na walang kabuluhan ang lahat!”
13 Ngayong nabasa[a] mo na ang lahat ng ito, ito ang aking huling payo: Matakot ka sa Dios at sundin mo ang kanyang mga utos, dahil ito ang tungkulin ng bawat tao. 14 Sapagkat hahatulan tayo ng Dios ayon sa lahat ng ating ginagawa, mabuti man o masama, hayag man o lihim.
Manalig sa Dios(A)
22 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Kaya huwag kayong mag-alala tungkol inyong buhay – kung ano ang inyong kakainin, o susuotin. 23 Dahil kung binigyan kayo ng Dios ng buhay, siguradong bibigyan din niya kayo ng pagkain at isusuot. 24 Tingnan ninyo ang mga uwak. Hindi sila nagtatanim, o nag-aani, o nag-iipon sa mga bodega, pero pinakakain sila ng Dios. Higit kayong mahalaga kaysa sa mga ibon! 25 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit kaunti sa pamamagitan ng pag-aalala? 26 Kaya kung hindi ninyo kayang gawin ang ganyang kaliit na bagay, bakit kayo mag-aalala tungkol sa iba pang bagay? 27 Tingnan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang. Hindi sila nagtatrabaho o gumagawa ng maisusuot nila. Ngunit sasabihin ko sa inyo, kahit si Solomon ay hindi nakapagsuot ng kasingganda ng mga bulaklak na iyon sa kabila ng kanyang karangyaan. 28 Kung dinadamitan ng Dios nang ganito ang mga damo sa parang, na buhay ngayon pero kinabukasan ay malalanta at susunugin, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mag-alala kung ano ang kakainin o iinumin ninyo. 30 Ang mga bagay na ito ang pinapahalagahan ng mga tao sa mundo na hindi kumikilala sa Dios. Ngunit alam ng inyong Amang nasa langit na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Sa halip, unahin ninyo ang mapabilang sa kaharian ng Dios at pati ang mga pangangailangan ninyo ay ibibigay niya.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®