Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Mangangaral 1:2

Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat!

Mangangaral 1:12-14

Ang Karunungan ng Tao ay Walang Kabuluhan

12 Ako na isang mangangaral ay naging hari ng Israel. Tumira ako sa Jerusalem. 13 Sa aking karunungan, pinag-aralan kong mabuti ang lahat ng nangyayari rito sa mundo. At nakita kong napakahirap ng gawaing ibinigay ng Dios sa mga tao. 14 Nakita kong walang kabuluhan ang lahat ng ginagawa ng tao rito sa mundo. Para kang humahabol sa hangin.

Mangangaral 2:18-23

18 Kinaiinisan ko ang lahat ng pinaghirapan ko dito sa mundo, dahil maiiwan ko lang ang mga ito sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakaalam kung marunong siya o mangmang? Maging ano man siya, siya pa rin ang magmamay-ari ng lahat ng pinaghirapan ko ng buong lakas at karunungan. Wala rin itong kabuluhan! 20 Kaya nanghinayang ako sa lahat ng pinaghirapan ko rito sa mundo. 21 Dahil kahit magsikap ka gamit ang buo mong talino, isip at kakayahan, iiwan mo rin ang lahat ng pinaghirapan mo sa taong hindi naghirap para sa mga bagay na ito. Ito man ay wala ring kabuluhan at hindi makatarungan. 22 Kaya ano ang makukuha ng tao sa lahat ng pagsusumikap niya rito sa mundo? 23 Lahat ng pinagsumikapan niya sa buong buhay niyaʼy makapagpapasama lang ng kanyang kalooban. Kaya kahit sa gabi ay hindi siya makatulog. Wala rin itong kabuluhan!

Salmo 49:1-12

Kamangmangan ang Pagtitiwala sa Kayamanan

49 Makinig kayo, lahat ng bansa,
    kayong lahat na nananahan dito sa mundo!
Dakila ka man o aba,
    mayaman ka man o dukha, makinig ka,
dahil magsasalita ako na puno ng karunungan,
    at puno rin ng pang-unawa ang aking kaisipan.
Itutuon ko ang aking pansin sa mga kawikaan,
    at ipapaliwanag ko ang kahulugan nito, habang tinutugtog ko ang alpa.

Bakit ako matatakot kung may darating na panganib,
    o kung akoʼy mapaligiran ng aking mga kaaway?
Sila ay nagtitiwala sa kanilang kayamanan
    at dahil dito ay nagmamayabang.
Pero walang may kakayahang tubusin ang kanyang sarili mula sa kamatayan,
    kahit magbayad pa siya sa Dios.
Dahil napakamahal ang pagtubos sa isang buhay;
    hindi sapat ang anumang pambayad
upang ang taoʼy mabuhay magpakailanman,
    at hindi na mamatay.
10 Nakikita nga ng lahat, na kahit ang marurunong ay namamatay,
    ganoon din ang mga matitigas ang ulo at mga hangal.
    At maiiwan nila sa iba ang kanilang kayamanan.
11 Ang kanilang libingan ay magiging bahay nila magpakailanman.
    Doon sila mananahan,
    kahit may mga lupaing nakapangalan sa kanila.
12 Kahit tanyag ang tao, hindi siya magtatagal;
    mamamatay din siya katulad ng hayop.

Colosas 3:1-11

Binuhay kayong muli kasama ni Cristo, kaya sikapin ninyong makamtan ang mga bagay na nasa langit kung saan naroon si Cristo na nakaupo sa kanan ng Dios. Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay. Sapagkat namatay na kayo sa dati nʼyong buhay, at ang buhay ninyo ngayon ay nakatago sa Dios kasama ni Cristo. Si Cristo ang buhay ninyo, at kapag dumating na ang panahon na nahayag na siya, mahahayag din kayo at makikibahagi sa kapangyarihan niya at karangalan.

Ang Dati at ang Bagong Buhay

Kaya patayin nʼyo na ang anumang kamunduhang nasa inyo: ang sekswal na imoralidad, kalaswaan, pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga dios-diosan. Parurusahan ng Dios ang mga taong gumagawa ng mga bagay na iyon. Ganoon din ang pamumuhay ninyo noon. Pero ngayon, dapat na ninyong itakwil ang lahat ng ito: galit, poot, sama ng loob, paninira sa kapwa, at mga bastos na pananalita. Huwag kayong magsinungaling sa isaʼt isa, dahil hinubad nʼyo na ang dati ninyong pagkatao at masasamang gawain, 10 at isinuot na ninyo ang bagong pagkatao. Ang pagkataong itoʼy patuloy na binabago ng Dios na lumikha nito, para maging katulad niya tayo at para makilala natin siya nang lubusan. 11 Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang naturuan sa hindi naturuan, at ang alipin sa malaya dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siyaʼy nasa ating lahat.

Lucas 12:13-21

Ang Mayamang Hangal

13 Sinabi kay Jesus ng isa sa karamihan, “Guro, sabihin nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa mana namin.” 14 Sumagot si Jesus, “Kaibigan, tagahatol ba ako o tagahati ng pag-aari ninyo?” 15 Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” 16 At ikinuwento niya ang talinghaga na ito: “May isang mayamang may bukirin na umani nang sagana. 17 Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ko? Wala na akong mapaglagyan ng ani ko. 18 Alam ko na! Gigibain ko ang mga bodega ko at magpapagawa ako ng mas malaki, at doon ko ilalagay ang ani at mga ari-arian ko. 19 At dahil marami na akong naipon para sa maraming taon, magpapahinga na lang ako, kakain, iinom at magpapakaligaya!’ 20 Ngunit sinabi sa kanya ng Dios, ‘Hangal! Ngayong gabi ay babawiin ko sa iyo ang buhay mo. Kanino ngayon mapupunta ang lahat ng inipon mo para sa iyong sarili?’ 21 Ganyan ang mangyayari sa taong nagpapayaman sa sarili ngunit mahirap sa paningin ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®