Revised Common Lectionary (Complementary)
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios,
at inililigtas niya ako.
17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya.
18 Ililigtas niya ako at iingatan sa aking pakikipaglaban,
kahit napakarami ng aking mga kalaban.
19 Pakikinggan ako ng Dios na naghahari magpakailanman,
at ibabagsak niya ang aking mga kaaway.
Dahil ang aking mga kaaway ay hindi nagbabago at walang takot sa Dios.
20 Kinalaban ng dati kong kaibigan ang kanyang mga kaibigan;
at hindi niya tinupad ang kanyang mga pangako.
21 Malumanay at mahusay nga siyang magsalita,
ngunit puno naman ng poot ang kanyang puso,
at ang kanyang pananalita ay nakakasugat tulad ng matalim na espada.
22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya.
Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
23 Ngunit itatapon niya ang mga mamamatay-tao at ang mga mandaraya
sa napakalalim na hukay bago mangalahati ang kanilang buhay.
Ngunit ako, akoʼy magtitiwala sa kanya.
Pinarangalan si Mordecai
6 Kinagabihan, hindi makatulog si Haring Ahasuerus, kaya ipinakuha niya ang aklat tungkol sa kasaysayan ng kaharian niya at ipinabasa habang nakikinig siya. 2 Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkakatuklas ni Mordecai sa plano nina Bigtan at Teres na patayin si Haring Ahasuerus. Sina Bigtana at Teres ay mga lingkod ng hari. Sila ang guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari.
3 Sa nabasang iyon, nagtanong ang hari, “Anong gantimpala o parangal ang ginawa o ibinigay kay Mordecai dahil sa mabuting ginawa niya sa akin?” Sinabi ng lingkod ng hari, “Wala po, Mahal na Hari.”
4 Tamang-tama naman na nang oras ding iyon, papasok si Haman sa bulwagan ng palasyo para hilingin sa hari na ituhog si Mordecai sa matulis na kahoy na ipinagawa niya para dito. Nagtanong ang hari, “Sino ang nasa bulwagan?” 5 Sumagot ang mga lingkod ng hari, “Si Haman po.” Kaya sinabi ng hari, “Papasukin ninyo siya rito.”
6 Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?” Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan. 7 Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari: 8 Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito. 9 Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”
11 Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”
12 Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob. 13 Pagdating niya sa bahay, isinalaysay niya sa asawa niyang si Zeres at sa mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari. Sinabi sa kanya ng asawa niya at mga kaibigan na mga tagapayo niya, “Unti-unti ka nang nadadaig ni Mordecai. Hindi mo siya madadaig dahil isa siyang Judio. Tiyak na ikaw ang matatalo.” 14 Habang nag-uusap pa sila, dumating ang ilang lingkod ng hari at dali-daling isinama si Haman sa inihandang hapunan ni Ester.
Binitay si Haman
7 Dumalo sina Haring Ahasuerus at Haman sa inihandang hapunan ni Reyna Ester. 2 At habang nag-iinuman sila, tinanong muli ng hari si Reyna Ester, “Ano ba talaga ang kahilingan mo? Sabihin mo na at ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng kaharian ko.” 3 “Mahal na Hari, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, iligtas po ninyo ako at ang mga kalahi kong Judio. Iyan ang kahilingan ko sa inyo. 4 Dahil may gantimpalang ipinangako sa mga taong papatay sa amin. Kung ipinagbili po kami para maging alipin lang, magsasawalang-kibo na lang ako, dahil hindi iyon gaanong mahalaga para gambalain ko pa kayo.”
5 Sinabi ni Haring Ahasuerus, “Sino ang nangahas na gumawa ng bagay na iyon at nasaan siya ngayon?” 6 Sumagot si Ester, “Ang kumakalaban po sa amin at ang kaaway namin ay ang masamang si Haman.”
Takot na takot si Haman habang nasa harap ng hari at ng reyna.
Ang Israel at ang Magandang Balita
30 Ano ngayon ang masasabi natin tungkol dito? Ang mga hindi Judio na hindi nagsikap na maging matuwid ay itinuring ng Dios na matuwid nang dahil sa kanilang pananampalataya. 31 Pero ang mga Judio na nagsikap na maituring na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod nila sa Kautusan ay nabigo. 32 Bakit sila nabigo? Sapagkat nagtiwala sila sa kanilang mga gawa at hindi sila sumampalataya kay Jesu-Cristo. Natisod sila sa “batong nakakatisod.” 33 Gaya nga ng sinabi ng Dios sa Kasulatan,
“Maglalagay ako sa Zion ng batong naging katitisuran sa mga tao, at nakakapagpadapa sa kanila.
Pero hindi mapapahiya ang mga sumasampalataya sa kanya.”[a]
10 Mga kapatid, ang nais ng aking puso at dalangin sa Dios ay ang kaligtasan ng aking mga kalahing Judio. 2 Ako na rin ang makakapagpatunay na masigasig sila sa kanilang paglilingkod sa Dios, kaya nga lang ay hindi ayon sa katotohanan. 3 Itoʼy sa dahilang hindi nila alam kung paano itinuturing ng Dios na matuwid ang isang tao. Nagsikap silang gumawa ng sariling pamamaraan sa halip na sundin nila ang pamamaraan ng Dios. 4 Sapagkat hindi nila alam na si Cristo ang hangganan ng Kautusan. Dahil sa kanyang ginawa, ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay itinuturing ng Dios na matuwid.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®