Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 119:73-80

73 Akoʼy nilikha at hinubog nʼyo;
    kaya bigyan nʼyo ako ng pang-unawa upang matutunan ko ang inyong mga utos.
74 Matutuwa ang mga may takot sa inyo kapag akoʼy kanilang nakita,
    dahil akoʼy nagtitiwala sa inyong salita.
75 Panginoon alam kong matuwid ang inyong mga utos.
    At dahil kayo ay matapat, akoʼy inyong dinisiplina.
76 Sanaʼy aliwin nʼyo ako ng inyong pagmamahal ayon sa pangako nʼyo sa akin na inyong lingkod.
77 Kahabagan nʼyo ako upang patuloy akong mabuhay,
    dahil nagagalak akong sumunod sa inyong kautusan.
78 Mapahiya sana ang mga mapagmataas dahil sa kanilang paninira sa akin.
    Subalit ako ay magbubulay-bulay ng inyong mga tuntunin.
79 Magsilapit sana sa akin ang mga may takot sa inyo at nakakaalam ng inyong mga turo.
80 Sanaʼy masunod ko nang buong puso ang inyong mga tuntunin upang hindi ako mapahiya.

Jeremias 6:10-19

10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11 Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”

Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda. 12 Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13 “Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14 Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’ 17 Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18 “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila. 19 Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko.

Gawa 19:21-27

Ang Kaguluhan sa Efeso

21 Pagkatapos ng mga pangyayaring iyon, nagpasya si Pablo na dumaan muna sa Macedonia at sa Acaya bago pumunta sa Jerusalem. At ayon sa kanya, kailangan din niyang puntahan ang Roma pagkagaling sa Jerusalem. 22 Pinauna niya sa Macedonia ang dalawang tumutulong sa kanya sa gawain ng Dios na sina Timoteo at Erastus, at siyaʼy nagpaiwan muna sa lalawigan ng Asia. 23 Nang panahon ding iyon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa Efeso dahil ayaw pumayag ng iba na magturo ang mga mananampalataya tungkol sa pamamaraan ni Jesus.

24 May isang platero roon[a] na nagngangalang Demetrius. Gumagawa siya at ang kanyang mga tauhan ng maliliit na templong yari sa pilak na iginaya sa templo ni Artemis na kanilang diosa, at itoʼy pinagkakakitaan nila nang malaki. 25 Kaya ipinatawag niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga platero. At sinabi niya sa kanila, “Mga kaibigan, alam ninyong umaasenso tayo sa ganitong klaseng hanapbuhay. 26 Nakita ninyo at narinig ang ginagawa ng taong si Pablo. Sinasabi niya na ang mga dios na ginagawa ng tao ay hindi totoong mga dios. Marami ang naniwala sa kanya rito sa Efeso at sa buong lalawigan ng Asia. 27 Kaya nanganganib ang ating hanapbuhay, dahil baka masamain ito ng mga tao. At hindi lang iyan, nanganganib din ang templo ng ating dakilang diosang si Artemis, dahil baka mawalan na ito ng saysay, at hindi na kikilalanin ng mga tao ang diosa na sinasamba hindi lang dito sa Asia kundi maging sa buong mundo.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®