Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 22:19-28

19 Ngunit kayo, Panginoon, huwag nʼyo akong lalayuan.
    Kayo ang aking kalakasan;
    magmadali kayo at akoʼy tulungan.
20 Iligtas nʼyo ang buhay ko sa espada ng aking mga kaaway na tulad ng mga pangil ng aso,
21 o mga kuko ng leon, o sungay ng toro. Sagutin nʼyo po ang aking dalangin.
22 Ikukuwento ko sa aking mga kababayan ang lahat ng tungkol sa inyo.
    At sa gitna ng kanilang pagtitipon, kayo ay aking papupurihan.

23 Kayong may takot sa Panginoon,
    purihin ninyo siya!
    Kayong mga lahi ni Jacob na siyang bayan ng Israel,
    parangalan ninyo siya
    at matakot kayo sa kanya!
24 Hindi niya binabalewala ang mga mahihirap.
    Hindi niya sila tinatalikuran,
    sa halip ay pinakikinggan pa niya ang kanilang mga pagtawag.

25 Panginoon, bigyan nʼyo ako ng kasiglahan na magpuri sa inyo sa gitna ng buong sambayanan.
    Sa gitna ng mga taong may takot sa inyo,
    tutuparin ko ang aking mga pangako sa inyo.
26 Kakain ang mga dukha hanggang sa mabusog.
    Pupurihin kayo ng mga lumalapit sa inyo.
    Sanaʼy sumakanila ang mabuti at mahabang buhay magpakailanman.
27 Panginoon, maaalala kayo ng tao sa buong mundo,
    at sila ay manunumbalik at sasamba sa inyo,
28 sapagkat kayo ang naghahari,
    at namumuno sa lahat ng bansa.

Isaias 56:9-12

Lumapit kayo, kayong lahat ng bansa na parang mababangis na hayop, at lipulin ninyo ang mga mamamayan ng Israel. 10 Sapagkat ang mga pinuno ng Israel na dapat sanaʼy mga tagapagbantay ng bansang ito ay parang mga bulag at mga walang nalalaman. Para silang mga asong tagapagbantay na hindi tumatahol. Ang gusto nilaʼy mahiga, matulog, at managinip. 11 Para silang mga asong matatakaw na walang kabusugan. Ang mga tagapag-alaga ng Israel ay walang pang-unawa. Ang bawat isa sa kanilaʼy gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin, at ang pansariling kapakanan lang ang kanilang pinagkakaabalahan. 12 Sinabi pa nila, “Halikayo, kumuha tayo ng inumin at maglasing! At mas marami pa bukas kaysa ngayon.”

Roma 2:17-29

Ang mga Judio at ang Kautusan

17 Sinasabi ninyo na mga Judio kayo, nagtitiwala kayo sa Kautusan at ipinagmamalaki ang inyong kaugnayan sa Dios. 18 Alam ninyo kung ano ang kalooban ng Dios at alam din ninyo kung ano ang dapat gawin, dahil itinuro ito sa inyo sa Kautusan. 19 Ipinapalagay ninyong tagaakay kayo ng mga bulag sa katotohanan, ilaw sa mga taong nasa kadiliman, 20 at tagapagturo sa mga kulang ng pang-unawa at mga bata pa sa mga bagay tungkol sa Dios. Ganito nga ang palagay ninyo sa inyong sarili, dahil naniniwala kayo na sa pamamagitan ng Kautusan ay nakamit na ninyo ang lahat ng kaalaman at katotohanan. 21 Tinuturuan ninyo ang iba, pero bakit hindi ninyo maturuan ang inyong sarili? Nangangaral kayong huwag magnakaw, pero kayo mismoʼy nagnanakaw. 22 Sinasabi ninyong huwag mangalunya, pero kayo mismo ay nangangalunya. Kinasusuklaman ninyo ang mga dios-diosang sinasamba ng mga hindi Judio, pero ninanakawan naman ninyo ang kanilang mga templo. 23 Nagmamalaki kayo na nasa inyo ang Kautusan ng Dios, pero ginagawa ninyong kahiya-hiya ang Dios dahil sa paglabag ninyo sa Kautusan. 24 Sinasabi sa Kasulatan, “Dahil sa inyo, nilalapastangan ng mga hindi Judio ang pangalan ng Dios.”[a]

25 Nagtitiwala kayo na kayo ang mga taong pinili ng Dios dahil kayoʼy tuli. May halaga lang ang pagiging tuli kung sinusunod ninyo ang Kautusan. Pero kung nilalabag naman ninyo ang Kautusan, para na rin kayong mga hindi tuli. 26 At kung sinusunod naman ng isang hindi tuli ang Kautusan, ituturing siya ng Dios na para na ring tuli. 27 Kahit na kayo ay mga Judio at tuli, papatunayan ng mga hindi Judio na dapat kayong parusahan. Sapagkat kahit na hindi sila tuli at wala sa kanila ang Kautusan, sinusunod naman nila ito, samantalang kayong mga may hawak ng Kautusan ay lumalabag dito. 28 Ang pagka-Judio ng isang tao ay hindi dahil sa Judio ang kanyang mga magulang at tuli siya sa laman. 29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago[b] ang puso sa pamamagitan ng Espiritu, at hindi dahil tuli siya ayon sa Kautusan. Ang ganyang tao ay pinupuri ng Dios kahit hindi pinupuri ng tao.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®