Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
2 Samuel 11:26-12:10

26 Nang malaman ni Batsheba na napatay ang asawa niyang si Uria, nagluksa siya. 27 Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. Pero ang ginawa ni David ay masama sa paningin ng Panginoon.

Sinaway ni Natan si David

12 Ngayon, isinugo ng Panginoon si Propeta Natan kay David. Pagdating niya kay David, sinabi niya, “May dalawang taong nakatira sa isang bayan. Ang isaʼy mayaman at ang isaʼy mahirap. Ang mayaman ay maraming tupa at baka, pero ang mahirap ay isa lang ang tupa na binili pa niya. Inalagaan niya ito at lumaking kasabay ng mga anak niya. Pinapakain niya ito ng pagkain niya, at pinapainom sa baso niya, at kinakarga-karga pa niya ito. Itinuturing niya itong parang anak niyang babae. Minsan, may dumating na bisita sa bahay ng mayaman, pero ayaw niyang katayin ang baka o tupa niya para ipakain sa bisita niya. Kaya kinuha niya ang tupa ng mahirap at ito ang inihanda niya para sa bisita niya.”

Labis na nagalit si David sa mayaman at sinabi niya kay Natan, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na dapat patayin ang taong gumawa niyan. Dapat niyang bayaran ng hanggang apat na beses ang halaga ng isang tupang kanyang kinuha dahil wala siyang awa.”

Pagkatapos, sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang taong iyon! Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Pinili kitang hari ng Israel at iniligtas kita kay Saul. Ibinigay ko sa iyo ang kaharian at mga asawa niya. Ginawa kitang hari ng buong Israel at Juda. At kung kulang pa ito, bibigyan pa sana kita nang mas marami pa riyan. Pero bakit hindi mo sinunod ang mga utos ko, at ginawa mo ang masamang bagay na ito sa paningin ko? Ipinapatay mo pa si Uria na Heteo sa labanan; ipinapatay mo siya sa mga Ammonita, at kinuha mo ang asawa niya. 10 Kaya dahil sa ginawa mo, mula ngayon, palagi nang magkakaroon ng labanan at patayan sa pamilya mo, dahil sinuway mo ako at kinuha ang asawa ni Uria upang maging iyong asawa.’

2 Samuel 12:13-15

13 Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako sa Panginoon.” Sumagot si Natan, “Pinatawad ka na ng Panginoon at hindi ka mamamatay sa kasalanang ginawa mo. 14 Pero dahil sa ginawa mo, binigyan mo ng dahilan ang mga kalaban ng Panginoon na lapastanganin siya kaya siguradong mamamatay ang anak mo.” 15 Nang makauwi na si Natan, ipinahintulot ng Panginoon na magkasakit ng malubha ang anak ni David kay Batsheba.

Salmo 32

Ang Paghahayag ng Kasalanan at Paghingi ng Kapatawaran sa Dios

32 Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon.
Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon,
    at walang pandaraya sa kanyang puso.

Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan,
    buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan.
Araw-gabi, hirap na hirap ako
    dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin.[a]
    Nawalan na ako ng lakas,
    tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw.
Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo;
    hindi ko na ito itinago pa.
    Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.”
    At pinatawad nʼyo ako.

Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo,
    habang may panahon pa.
    Kung dumating man ang kapighatian na parang baha,
    hindi sila mapapahamak.
Kayo ang aking kublihan;
    iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan,
    at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan.

Sinabi ng Panginoon sa akin,
    “Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita habang binabantayan.
Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa,
    na kailangan pang rendahan upang mapasunod.”
10 Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama,
    ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala.
11 Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon.
    Kayong mga namumuhay ng tama,
    sumigaw kayo sa galak!

Galacia 2:15-21

Ang Kaligtasan ay para sa Lahat

15 Kaming mga ipinanganak na Judio ay iba sa mga hindi Judio na itinuturing ng mga kapwa naming Judio na makasalanan. 16 Ngunit alam namin na ang tao ay itinuturing na matuwid ng Dios sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo at hindi sa pagsunod sa Kautusan. Kaya nga kaming mga Judio ay sumampalataya rin kay Cristo Jesus para maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Sapagkat walang sinumang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. 17 Ngayon, kung lumalabas na makasalanan pa rin kami sa kagustuhan naming maituring na matuwid sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, masasabi bang si Cristo ang dahilan ng pagiging makasalanan namin? Hindi! 18 Ngunit kung babalikan ko naman ang pagsunod sa Kautusang iniwan ko na, ako na rin ang nagpapatunay na makasalanan ako. 19 Sa katunayan, sa pamamagitan mismo ng Kautusan, nalaman ko na wala nang kapangyarihan ang Kautusan sa akin. Kaya malaya na akong mamuhay para sa Dios. 20 Namatay akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay sa aking sarili, kundi si Cristo na. Ipinapamuhay ko ang buhay kong ito sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Dios na nagmahal sa akin at nag-alay ng buhay niya para sa akin. 21 Hindi ko binabalewala ang biyaya ng Dios, dahil kung maituturing na matuwid ang tao sa pamamagitan ng Kautusan, walang saysay ang pagkamatay ni Cristo!

Lucas 7:36-8:3

Binuhusan ng Pabango si Jesus

36 Inanyayahan si Jesus ng isang Pariseo na kumain sa bahay niya. Pumunta naman si Jesus at kumain doon. 37 Sa bayang iyon ay may isang babaeng kilala sa pagiging makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya pumunta siya roon at nagdala ng pabango na nasa isang sisidlang yari sa batong alabastro. 38 Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa bandang paanan. Doon ay umiyak ang babae at tumulo ang luha niya sa paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok, hinalikan at binuhusan ng pabango.

39 Nang makita iyon ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, inisip niya, “Kung talagang propeta ang taong ito, alam sana niyang masama ang babaeng ito na humihipo sa kanya.” 40 Pero alam ni Jesus ang nasa isip niya, kaya sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot si Simon, “Ano po iyon, Guro?” 41 Sinabi ni Jesus, “May isang lalaking inutangan ng dalawang tao. Ang isaʼy umutang sa kanya ng 500, at ang isa namaʼy 50. 42 Nang kapwa sila hindi makabayad, pareho silang pinatawad. Ngayon, sa palagay mo, sino sa dalawa ang lalong magmamahal sa nagpautang?” 43 Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po, ang may mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” sabi ni Jesus. 44 Pagkatapos ay nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Tingnan mo ang babaeng ito. Nang pumasok ako sa bahay mo, hindi mo ako binigyan ng tubig na ipanghuhugas sa paa ko. Pero ang babaeng itoʼy sariling luha ang ipinanghugas sa paa ko at ang buhok pa niya ang ipinunas dito. 45 Hindi mo ako hinalikan bilang pagtanggap, pero siyaʼy walang tigil sa paghalik sa mga paa ko mula nang dumating ako. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang ulo ko, pero pinahiran niya ng mamahaling pabango ang mga paa ko. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo na ang malaking pagmamahal na ipinakita niya sa akin ay nagpapatunay na pinatawad na ang marami niyang kasalanan. Pero ang taong kaunti lang ang kasalanang pinatawad ay kaunti rin ang ipinapakitang pagmamahal.” 48 Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa babae, “Pinatawad na ang mga kasalanan mo.” 49 Ang mga kasama niya sa pagkain ay nagtanong sa kanilang sarili, “Sino kaya ito na pati kasalanan ay pinapatawad?” 50 Sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”

Mga Babaeng Tumutulong kay Jesus

Pagkatapos, nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon ng Galilea. Nangaral siya ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Dios. Kasama niya ang 12 apostol at ilang babaeng pinagaling niya sa sakit o pinalaya sa masasamang espiritu. Kabilang dito si Maria na taga-Magdala[a] na pinalaya niya mula sa pitong masasamang espiritu, si Juana na asawa ni Cuza na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Ang mga babaeng ito ay tumutulong sa mga pangangailangan nina Jesus mula sa mga ari-arian nila.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®