Revised Common Lectionary (Complementary)
26 At nang marinig ng asawa ni Uria na si Uria na kaniyang asawa ay namatay, kaniyang tinangisan ang kaniyang asawa.
27 At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, at siya'y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.
12 At sinugo ng Panginoon si Nathan kay David. At siya'y naparoon sa kaniya, at nagsabi sa kaniya, May dalawang lalake sa isang bayan; ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.
2 Ang mayaman ay mayroon totoong maraming kawan at bakahan:
3 Nguni't ang mahirap ay walang anomang bagay, liban sa isang munting korderong babae, na kaniyang binili at inalagaan: at lumaki sa kaniya, at sa kaniyang mga anak; kumakain ng kaniyang sariling pagkain at umiinom ng kaniyang sariling inumin, at humihiga sa kaniyang sinapupunan, at sa kaniya'y parang isang anak.
4 At naparoon ang isang maglalakbay sa mayaman, at ipinagkait niya ang kaniyang sariling kawan at ang kaniyang sariling bakahan, na ihanda sa naglalakbay na dumating sa kaniya, kundi kinuha ang kordero ng mahirap na lalake, at inihanda sa lalake na dumating sa kaniya.
5 At ang galit ni David ay nagalab na mainam laban sa lalake; at kaniyang sinabi kay Nathan, Buhay ang Panginoon, ang lalake na gumawa nito ay karapatdapat na mamatay:
6 At isinauli ang kordero na may dagdag na apat, sapagka't kaniyang ginawa ang bagay na ito, at sapagka't siya'y hindi naawa.
7 At sinabi ni Nathan kay David, Ikaw ang lalaking yaon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Pinahiran kita ng langis na maging hari sa Israel, at aking iniligtas ka sa kamay ni Saul;
8 At ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, at ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong sinapupunan, at ibinigay ko sa iyo ang sangbahayan ng Israel at ng Juda; at kung totoong kakaunti pa ito, ay dadagdagan pa kita ng gayong bagay.
9 Bakit nga iyong niwalang kabuluhan ang salita ng Panginoon, na iyong ginawa ang masama sa kaniyang paningin? iyong sinugatan ng tabak si Uria na Hetheo, at iyong kinuha ang kaniyang asawa upang maging iyong asawa, at iyong pinatay siya ng tabak ng mga anak ni Ammon.
10 Ngayon nga'y ang tabak ay hindi hihiwalay kailan man sa iyong sangbahayan; sapagka't iyong niwalan ng kabuluhan ako, at iyong kinuha ang asawa ni Uria na Hetheo upang maging iyong asawa.
13 At sinabi ni David kay Nathan, Ako'y nagkasala laban sa Panginoon. At sinabi ni Nathan kay David, Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.
14 Gayon ma'y sapagka't sa gawang ito'y iyong binigyan ng malaking pagkakataon ang mga kaaway ng Panginoon upang magsipanungayaw, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay walang pagsalang mamamatay.
15 At si Nathan ay umuwi sa kaniyang bahay. At sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Uria kay David, at totoong malubha.
32 Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan.
2 Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya.
3 Nang ako'y tumahimik, ay nanglumo ang aking mga buto dahil sa aking pagangal buong araw.
4 Sapagka't araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay: ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)
5 Aking kinilala ang aking kasalanan sa iyo, at ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli: aking sinabi, aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon; at iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.
6 Dahil dito'y dalanginan ka nawa ng bawa't isa na banal sa panahong masusumpungan ka: tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.
7 Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan; iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran: papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa: na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila, na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo.
10 Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama: nguni't siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.
11 Kayo'y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid: at magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.
15 Tayo'y mga Judio sa katutubo, at hindi mga makasalanang Gentil,
16 Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagka't sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing-ganap ang sinomang laman.
17 Nguni't kung, samantalang ating pinagsisikapan na tayo'y ariing-ganap kay Cristo, ay tayo rin naman ay nangasusumpungang mga makasalanan, si Cristo baga ay ministro ng kasalanan? Huwag nawang mangyari.
18 Kung akin ngang muling itayo ang mga bagay na aking sinira, sa aking sarili ay pinatutunayan ko na ako'y suwail.
19 Sapagka't ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay, sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Dios.
20 Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin.
21 Hindi ko niwawalan ng halaga ang biyaya ng Dios: sapagka't kung sa pamamagitan ng kautusan ay ang katuwiran, kung gayo'y si Cristo ay namatay ng walang kabuluhan.
36 At ipinamanhik sa kaniya ng isa sa mga Fariseo na kumaing kasalo niya. At siya'y pumasok sa bahay ng Fariseo at naupo sa dulang.
37 At narito, ang isang babaing makasalanan na nasa bayan; at nang maalaman niyang siya'y nasa dulang ng pagkain sa bahay ng Fariseo ay nagdala siya ng isang sisidlang alabastro na puno ng unguento,
38 At nakatayo sa likuran sa kaniyang mga paanan na tumatangis, ay pinasimulan niyang dinilig ng mga luha ang kaniyang mga paa, at ang mga ito'y kinukuskos ng buhok ng kaniyang ulo, at hinahagkan ang kaniyang mga paa, at pinapahiran ng unguento.
39 Nang makita nga ito ng Fariseo na sa kaniya'y naganyaya, ay nagsalita sa kaniyang sarili, na sinasabi, Ang taong ito, kung siya'y isang propeta ay nakikilala niya kung sino at kung ano ang babaing ito na sa kaniya'y humihipo, na siya'y makasalanan.
40 At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Simon, ako'y may isang bagay na sasabihin sa iyo. At sinabi niya, Guro, sabihin mo.
41 Isang may pautang ay may dalawang may utang sa kaniya: at ang isa'y may utang na limang daang denario, at ang isa'y limangpu.
42 Nang sila'y walang maibayad, ay kapuwa pinatawad niya. Alin nga sa kanila ang lalong iibig sa kaniya?
43 Sumagot si Simon at sinabi, Inaakala ko na yaong pinatawad niya ng lalong malaki. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang pagkahatol mo.
44 At paglingon sa babae, ay sinabi niya kay Simon, Nakikita mo baga ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig na ukol sa aking mga paa: datapuwa't dinilig niya ang aking mga ng kaniyang mga luha, at kinuskos ng kaniyang buhok.
45 Hindi mo ako binigyan ng halik: datapuwa't siya, buhat nang ako'y pumasok ay hindi humihinto ng paghalik sa aking mga paa.
46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo: datapuwa't pinahiran niya ng unguento ang aking mga paa.
47 Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Ipinatatawad ang kaniyang maraming kasalanan; sapagka't siya ay umibig ng malaki: datapuwa't sa pinatatawad ng kaunti, ay kakaunti ang pagibig.
48 At sinabi niya sa babae, Ipinatatawad ang iyong mga kasalanan.
49 At ang mga kasalo niyang nangakaupo sa dulang ng pagkain ay nagpasimulang nangagsabi sa kanilang sarili, Sino ito, na nagpapatawad pati ng mga kasalanan?
50 At sinabi niya sa babae, Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.
8 At nangyari pagkatapos ng kaunting panahon, na siya'y naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,
2 At ang ilang babae na pinagaling sa masasamang espiritu at sa mga sakit, si Maria, na tinatawag na Magdalena, na sa kaniya'y pitong demonio ang nagsilabas,
3 At si Juana na asawa ni Chuza, katiwala ni Herodes, at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa kanila ang kanilang tinatangkilik.
Public Domain