Revised Common Lectionary (Complementary)
Awit ng Pagtatagumpay
68 Kumilos sana ang Dios, at ikalat ang kanyang mga kaaway.
Magsitakas na sana palayo silang mga galit sa kanya.
2 Itaboy sana sila ng Dios gaya ng usok na tinatangay ng hangin.
Mamatay sana sa harapan niya ang mga masasama, gaya ng kandilang natutunaw sa apoy.
3 Ngunit ang matutuwid ay sisigaw sa galak sa kanyang harapan.
4 Awitan ninyo ang Dios,
awitan ninyo siya ng mga papuri.
Purihin nʼyo siya,[a] na siyang may hawak sa mga ulap.[b]
Ang kanyang pangalan ay Panginoon.
Magalak kayo sa kanyang harapan!
5 Ang Dios na tumatahan sa kanyang banal na templo ang nangangalaga[c] sa mga ulila at tagapagtanggol ng mga biyuda.
6 Ibinibigay niya sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.
Pinalalaya rin niya ang mga binihag nang walang kasalanan
at binibigyan sila ng masaganang buhay.
Ngunit ang mga suwail, sa mainit at tigang na lupa maninirahan.
7 O Dios, nang pangunahan nʼyo sa paglalakbay sa ilang ang inyong mga mamamayan,
8 nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan sa inyong harapan,
O Dios ng Israel na nagpahayag sa Sinai.
9 Nagpadala kayo ng masaganang ulan at ang lupang tigang na ipinamana nʼyo sa inyong mga mamamayan ay naginhawahan.
10 Doon sila nanirahan, at sa inyong kagandahang-loob ay binigyan nʼyo ang mga mahihirap ng kanilang mga pangangailangan.
19 Purihin ang Panginoon,
ang Dios na ating Tagapagligtas na tumutulong sa ating mga suliranin sa bawat araw.
20 Ang ating Dios ang siyang Dios na nagliligtas!
Siya ang Panginoong Dios na nagliligtas sa atin sa kamatayan.
14 “Pagkatapos, sasabihin nila, ‘Ano pa ang hinihintay natin? Halikayo, tumakas na tayo papunta sa mga napapaderang lungsod at doon na tayo mamatay. Sapagkat hinatulan na tayong mamatay ng Panginoon na ating Dios. Parang binigyan niya tayo ng tubig na may lason para inumin, dahil nagkasala tayo sa kanya. 15 Naghintay tayo ng kapayapaan, pero walang dumating na kapayapaan. Naghintay tayo ng kabutihan, pero takot ang dumating. 16 Ang singhal ng kabayo ng mga kaaway ay naririnig mula sa Dan. Sa mga halinghing pa lang ng mga kabayo nila, nanginginig na ang buong lupain. Dumating sila para wasakin ang lupaing ito at ang lahat ng naririto; ang mga lungsod at ang lahat ng mamamayan nito.’ ”
17 Sinabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Magpapadala ako ng mga kaaway na parang mga makamandag na ahas na hindi napapaamo ng kahit sino, at tutuklawin nila kayo.”
18 Pagkatapos, sinabi ni Jeremias: Hindi mapapawi ang kalungkutan ko. Nagdaramdam ang puso ko. 19 Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga kababayan ko na naririnig sa buong lupain. Sinabi nila, “Wala na ba ang Panginoon sa Jerusalem?[a] Wala na ba roon ang Dios na Hari ng Jerusalem?” Sumagot ang Panginoon, “Bakit nʼyo ako ginalit sa pamamagitan ng pagsamba nʼyo sa mga dios-diosang walang kabuluhan?” 20 Sumagot ang mga tao, “Tapos na ang anihan, tapos na rin ang tag-araw, pero hindi pa kami naililigtas!”
21 Nagdaramdam ako dahil sa nararanasang hirap ng mga kababayan ko. Nagluluksa ako at natitigilan. 22 Wala na bang gamot sa Gilead? Wala na bang manggagamot doon? Bakit hindi gumagaling ang sugat ng mga kababayan ko?
Ang Anak ni Jairus at ang Babaeng Dinudugo(A)
40 Pagdating ni Jesus sa kabila ng lawa, masaya siyang tinanggap ng mga tao dahil hinihintay siya ng lahat. 41 Dumating naman ang isang lalaking namumuno sa sambahan ng mga Judio, na ang pangalan ay Jairus. Lumuhod siya sa harap ni Jesus at nakiusap na kung maaari ay pumunta siya sa bahay niya, 42 dahil naghihingalo ang kaisa-isa niyang anak na babae na 12 taong gulang.
Habang papunta si Jesus sa bahay ni Jairus, nagsisiksikan sa kanya ang mga tao. 43 May isang babae roon na 12 taon nang dinudugo at hindi mapagaling ng kahit sino. [Naubos na lahat ang mga ari-arian niya sa pagpapagamot.] 44 Nang makalapit siya sa likuran ni Jesus, hinipo niya ang laylayan[a] ng damit ni Jesus, at biglang tumigil ang kanyang pagdurugo. 45 Nagtanong si Jesus, “Sino ang humipo sa akin?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Guro, alam nʼyo naman po na napapaligiran kayo ng maraming taong nagsisiksikan papalapit sa inyo.” 46 Pero sinabi ni Jesus, “May humipo sa akin, dahil naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” 47 Nang malaman ng babae na hindi pala lihim kay Jesus ang ginawa niya, lumapit siyang nanginginig sa takot at lumuhod sa harap ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa harapan ng lahat kung bakit niya hinipo si Jesus, at kung paanong gumaling siya kaagad. 48 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling[b] ka ng iyong pananampalataya. Umuwi kang mapayapa.”
49 Habang kausap pa ni Jesus ang babae, dumating ang isang lalaki galing sa bahay ni Jairus. Sinabi niya kay Jairus, “Patay na po ang anak ninyo. Huwag nʼyo nang abalahin ang guro.” 50 Nang marinig iyon ni Jesus, sinabi niya kay Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang at mabubuhay siyang muli.” 51 Pagdating nila sa bahay, wala siyang pinayagang sumama sa loob, maliban kina Pedro, Santiago at Juan, at ang mga magulang ng bata. 52 Nag-iiyakan ang mga taong naroroon, kaya sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” 53 Pinagtawanan nila si Jesus dahil alam nilang patay na ang bata. 54 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Nene, bumangon ka.” 55 At noon din ay bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya agad. At iniutos ni Jesus na pakainin ang bata. 56 Labis na namangha ang mga magulang ng bata. Pero pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®