Revised Common Lectionary (Complementary)
Dalangin ng Pagpapasalamat
30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
dahil iniligtas nʼyo ako.
Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
2 Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinagaling nʼyo ako.
3 Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.
4 Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
kayong mga tapat sa kanya.
Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
5 Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
Maaaring sa gabi ay may pagluha,
pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.
6 Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
“Wala akong pangangambahan.”
7 Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.
8 Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
9 “Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”
11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.
12 Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.” 13 Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Dios ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak. 14 Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Dios ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.
15 “Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko, 16 na mailigtas nʼyo kami ng aking anak sa mga taong nagtatangkang kunin ang lupaing ibinigay sa amin ng Dios. 17 Ang desisyon nʼyo ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan dahil tulad kayo ng isang anghel ng Dios, na nakakaalam kung ano ang masama at mabuti. Lagi sana kayong samahan ng Panginoon na inyong Dios.” 18 Sinabi ng hari sa babae, “May itatanong ako sa iyo at gusto kong sagutin mo ako nang totoo.” Sumagot ang babae, “Sige po, Mahal na Hari.” 19 Nagtanong ang hari, “Si Joab ba ang nagturo nito sa iyo?” Sumagot ang babae, “Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo, Mahal na Hari. Si Joab nga po ang nag-utos sa aking gawin ito at siya rin ang nagturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sabihin. 20 Ginawa po niya ito para magkaayos na po kayo ni Absalom. Pero matalino kayo, Mahal na Hari, gaya ng isang anghel ng Dios, nalalaman nʼyo ang lahat ng nangyayari sa bansa natin.”
21 Kaya ipinatawag ng hari si Joab at sinabi, “Sige, lumakad ka at dalhin mo pabalik dito ang binatang si Absalom.” 22 Nagpatirapa siya sa hari at sinabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon, Mahal na Hari. Ngayon, nalalaman kong nalulugod kayo sa akin dahil tinupad nʼyo ang kahilingan ko.” 23 Pagkatapos, pumunta si Joab sa Geshur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem. 24 Pero iniutos ng hari, “Doon siya pauwiin sa bahay niya. Ayaw ko siyang makita rito sa palasyo.” Kaya umuwi si Absalom sa sarili niyang bahay at hindi na siya nagpakita sa hari.
Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Sarili sa Harapan ni Agripa
26 Pagkatapos, sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sige, pinapahintulutan kang magsalita para maipagtanggol mo ang iyong sarili.” Kaya sumenyas si Pablo na magsasalita na siya. Sinabi niya,
2 “Haring Agripa, mapalad po ako dahil binigyan ninyo ako ng pagkakataong tumayo sa inyong harapan para maipagtanggol ang aking sarili sa lahat ng akusasyon ng mga Judio laban sa akin. 3 Lalo naʼt alam na alam ninyo ang lahat ng kaugalian at mga pinagtatalunan ng mga Judio. Kaya hinihiling ko na kung maaari ay pakinggan nʼyo ang sasabihin ko.
4 “Alam ng mga Judio kung ano ang aking pamumuhay sa bayan ko at sa Jerusalem, mula nang bata pa ako. 5 Kung magsasabi lamang sila ng totoo, sila na rin ang makapagpapatunay na miyembro ako ng mga Pariseo mula pa noong una. Ang mga Pariseo ang siyang pinakamahigpit na sekta sa relihiyon ng mga Judio. 6 At narito ako ngayon sa korte na nililitis dahil umaasa akong tutuparin ng Dios ang kanyang pangako sa aming mga ninuno. 7 Ang aming 12 lahi ay umaasa na matutupad ang pangakong ito. Kaya araw at gabi naming sinasamba ang Dios. At dahil sa aking pananampalataya sa mga bagay na ito, Haring Agripa, inaakusahan po ako ng mga Judio. 8 At kayong mga Judio, bakit hindi kayo makapaniwala na kaya ng Dios na bumuhay ng mga patay?
9 “Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin si Jesus na taga-Nazaret. 10 Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming pinabanal[a] ng Dios ang ipinabilanggo ko. At nang hatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako. 11 Maraming beses na inikot ko ang mga sambahan ng mga Judio para hanapin sila at parusahan, para piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®