Revised Common Lectionary (Complementary)
Sa Dios ang Tagumpay
76 Kilalang-kilala ang Dios sa Juda,
at sa Israel ay dakila siya.
2 Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem[a]
3 Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway,
ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma.
4 O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway.[b]
5 Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam.
Silang lahat ay namatay na;
wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin.
6 O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw,[c] ang mga kawal[d] at ang kanilang mga kabayo ay namatay.
7 Kaya dapat kayong katakutan.
Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit?
8 Mula sa langit ay humatol kayo.
Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik
9 nang humatol kayo, O Dios,
upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig.
10 Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao[e] ay magbibigay ng karangalan sa inyo,
ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit.
11 Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito.
Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan.
12 Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno;
kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.
Ang Mensahe Laban sa Egipto
29 Noong ika-12 araw ng ikasampung buwan, nang ikasampung taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2 “Anak ng tao, humarap ka sa Egipto, at magsalita ka laban sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga taga-roon. 3 Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: Kalaban kita, O Faraon, hari ng Egipto. Para kang malaking buwaya na nagbababad sa ilog. Sinasabi mong ikaw ang may-ari ng ilog Nilo, at ginawa mo ito para sa sarili mo. 4 Pero kakawitan ko ng kawil ang iyong panga, at hihilahin kita paahon sa tubig pati na ang mga isdang nakakapit sa mga kaliskis mo. 5 Itatapon kita sa ilang pati na ang mga isda, at hahandusay ka sa lupa at walang kukuha na maglilibing sa iyo. Ipapakain kita sa mga mababangis na hayop at sa mga ibon doon. 6 Malalaman ng lahat ng nakatira sa Egipto na ako ang Panginoon. Sapagkat para kang isang marupok na tambo na inasahan ng mga mamamayan ng Israel. 7 Nang humawak sila sa iyo, nabiyak ka at nasugatan ang mga bisig nila. Nang sumandal sila sa iyo, nabali ka kaya nabuwal sila at napilayan. 8 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo. 9 Magiging mapanglaw ang Egipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon.
“At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito, 10 kalaban kita at ang ilog mo. Wawasakin ko ang Egipto at magiging mapanglaw ito mula sa Migdol papuntang Aswan,[a] hanggang sa hangganan ng Etiopia.[b] 11 Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng 40 taon. 12 Gagawin kong pinakamapanglaw na lugar ang Egipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng 40 taon. At pangangalatin ko ang mga taga-Egipto sa ibaʼt ibang bansa.”
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Nang patunugin ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, may narinig akong malalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Maghahari na ngayon sa buong mundo ang ating Panginoon at ang Cristo na kanyang pinili. At maghahari siya magpakailanman.” 16 At ang 24 na namumuno na nakaupo sa mga trono nila ay lumuhod at sumamba sa Dios. 17 Sinabi nila,
“Panginoong Dios na makapangyarihan sa lahat,
kayo po ang Dios noon, at kayo rin ang Dios ngayon.
Nagpapasalamat kami sa inyo dahil ginamit nʼyo na ang inyong kapangyarihan,
at nagsimula na kayong maghari ngayon sa mundo.
18 Galit na galit ang mga taong hindi kumikilala sa inyo,
dahil dumating na ang panahon upang parusahan nʼyo sila.
Panahon na upang hatulan nʼyo ang mga patay
at bigyan ng gantimpala ang inyong mga lingkod, mga propeta, mga pinabanal,
at ang lahat ng may takot sa inyo, dakila man o hindi.
At panahon na rin upang lipulin ang mga namumuksa sa mundo.”
19 Pagkatapos, binuksan ang templo ng Dios doon sa langit, at naroon sa loob ang Kahon ng Kasunduan. Kumidlat, kumulog, umugong, lumindol at umulan ng yelo na parang mga bato.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®