Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 93

Ang Dios ang ating Hari

93 Kayo ay hari, Panginoon;
    nadadamitan ng karangalan at kapangyarihan.
    Matatag ninyong itinayo ang mundo kaya hindi ito mauuga.
Ang inyong trono ay naitatag na simula pa noong una,
    naroon na kayo noon pa man.
Panginoon, umuugong ang dagat at nagngangalit ang mga alon.
Ngunit Panginoong nasa langit, higit kayong makapangyarihan kaysa sa mga nagngangalit na alon.
Mapagkakatiwalaan ang inyong mga utos Panginoon,
    at ang inyong temploʼy nararapat lamang na ituring na banal magpakailanman.

Daniel 7:1-8

Ang Panaginip ni Daniel tungkol sa Apat na Hayop

Noong unang taon ng paghahari ni Belshazar sa Babilonia, nagkaroon ng mga pangitain si Daniel sa kanyang panaginip. Ito ang panaginip na kanyang isinulat:

“Isang gabi, may nakita akong pangitain ng isang malawak na dagat na hinahampas ng malakas na hangin mula sa apat na direksyon. Mula sa dagat ay biglang lumitaw ang apat na magkakaibang hayop.

“Ang unang hayop ay parang leon, pero may pakpak ng agila. Kitang-kita kong pinutol ang kanyang pakpak. Pinatayo siya na parang tao at binigyan ng kaisipang tulad ng sa tao.

“Ang pangalawang hayop ay parang oso. Nakatayo siya sa dalawang hulihang paa[a] at may kagat siyang tatlong tadyang. May tinig na nagsabi sa kanya, ‘Sige, magpakasawa ka sa karne.’

“Ang pangatlong hayop ay parang leopardo. Mayroon itong apat na pakpak sa likod at may apat na ulo. Binigyan siya ng kapangyarihan upang mamahala.

“Nang gabi ring iyon, nakita ko sa aking pangitain ang ikaapat na hayop. Nakakatakot itong tingnan at napakalakas. Sa pamamagitan ng kanyang malalaking ngiping bakal sinasakmal niyaʼt niluluray ang kanyang mga biktima, at kapag may natitira pa ay tinatapak-tapakan niya. Kakaiba ito sa tatlong hayop, at sampu ang kanyang sungay.

“Habang tinitingnan ko ang mga sungay, nakita kong tumubo ang munting sungay at nabunot ang tatlong sungay. Ang sungay na ito ay may mata na tulad ng tao at may bibig na nagsasalita ng kayabangan.

Daniel 7:15-18

Ang Kahulugan ng Panaginip

15 “Nabagabag ako sa aking nakita. 16 Kaya lumapit ako sa isang nakatayo roon at nagtanong kung ano ang ibig sabihin ng nakita kong iyon. 17 Sinabi niya, ‘Ang apat na hayop ay nangangahulugan ng apat na haring maghahari sa mundo. 18 Pero ang mga banal[a] ng Kataas-taasang Dios ang siyang bibigyan ng kapangyarihang maghari magpakailanman.’

Juan 3:31-36

Ang Nagmula sa Langit

31 Sinabi pa ni Juan, “Si Cristoʼy nagmula sa langit, kaya dakila siya sa lahat. Tayo naman ay taga-lupa at nagsasalita tungkol lang sa mga bagay dito sa lupa. Ngunit si Cristo na nagmula sa langit ay dakila sa lahat. 32 Ipinapahayag niya ang nakita at narinig niya sa langit, ngunit ilan lang ang naniniwala sa kanyang pahayag. 33 Ngunit ang naniniwala sa pahayag niya ay nagpapatunay na totoo ang mga sinasabi ng Dios. 34 Sapagkat si Cristo na sinugo ng Dios ay nagpapahayag sa atin ng mga sinasabi ng Dios, dahil lubos na ipinagkaloob sa kanya ang Banal na Espiritu. 35 Mahal ng Ama ang kanyang Anak, at ipinailalim sa kapangyarihan niya ang lahat. 36 Ang sumasampalataya sa Anak ng Dios ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng buhay na walang hanggan kundi mananatili sa kanya ang galit ng Dios.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®