Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Tulungan
13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
2 Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?
3 Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
sagutin nʼyo ang aking dalangin.
Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
upang hindi ako mamatay
4 at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
5 Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
6 Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.
Lilipulin ang mga Kalaban ng Jerusalem
12 Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Ako ang Panginoon na gumawa ng langit at ng lupa. At ako ang nagbibigay ng buhay sa tao. 2 Ang Jerusalem ay gagawin kong parang alak na magpapalasing sa mga bansang nakapalibot dito. At kapag sinalakay nila ang Jerusalem, sasalakayin din nila ang ibang lungsod ng Juda. 3 Sa araw na iyon, gagawin kong parang mabigat na bato ang Jerusalem, at ang alinmang bansa na gagalaw dito ay masasaktan. Ang lahat ng bansa sa buong mundo ay magtitipon para salakayin ang Jerusalem. 4 Ngunit tatakutin ko ang lahat ng kanilang mga kabayo at lilituhin ang mga sakay nito. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing babantayan ko ang mga mamamayan ng Juda, ngunit bubulagin ko ang mga kabayo ng mga bansa. 5 At sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, ‘Matatag ang mga mamamayan ng Jerusalem dahil ang Panginoong Makapangyarihan ang kanilang Dios.’
6 “Sa araw na iyon, ang mga pinuno ng Juda ay gagawin kong tulad ng naglalagablab na baga sa nakabuntong mga kahoy o tulad ng naglalagablab na sulo sa nakabigkis na mga uhay. Lilipulin nila ang mga bansa sa palibot nila. Pero ang mga taga-Jerusalem ay hindi mapapahamak. 7 Una kong pagtatagumpayin ang ibang mga lungsod ng Juda upang ang karangalan ng mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi hihigit sa ibang mga lungsod ng Juda. 8 Sa araw na iyon, iingatan ng Panginoon ang mga nakatira sa Jerusalem upang kahit na ang pinakamahina sa kanila ay magiging kasinlakas ni David. Ang mga angkan ni David ay magiging parang Dios,[a] parang anghel ng Panginoon na nangunguna sa kanila. 9 Sa araw na iyon, lilipulin ko ang lahat ng bansang sasalakay sa Jerusalem.
10 “Bibigyan ko ang mga angkan ni David at ang mga taga-Jerusalem ng espiritung maawain at mapanalanginin. Pagmamasdan nila ako[b] na kanilang sinibat, at iiyak sila katulad ng magulang na umiiyak sa pagkamatay ng kanilang kaisa-isang anak o anak na panganay. 11 Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay magiging kasintindi ng iyakan para kay Hadad Rimon sa kapatagan ng Megido. 12-14 Iiyak ang bawat pamilya sa lupain ng Israel: ang mga pamilya ng angkan nina David, Natan, Levi, Shimei, at ang iba pang mga pamilya. Magkahiwalay na mag-iiyakan ang mga lalaki at mga babae.”
Lilinisin ang mga Taga-Israel sa Kanilang mga Kasalanan
13 1-2 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sa araw na iyon, bubuksan ang bukal para sa mga angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem, upang linisin sila sa kanilang mga kasalanan at karumihan. Aalisin ko ang mga dios-diosan sa lupain ng Israel at hindi na sila maaalala. Aalisin ko sa Israel ang mga huwad na propeta at ang masasamang espiritung nasa kanila.
9 “Mag-ingat kayo dahil dadakpin kayo at dadalhin sa hukuman, at hahagupitin kayo sa sambahan ng mga Judio. Iimbestigahan kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Magiging pagkakataon nʼyo ito upang magpatotoo sa kanila tungkol sa akin. 10 Dapat munang maipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng bansa, bago dumating ang katapusan. 11 Kapag dinakip kayo at iniharap sa hukuman, huwag kayong mag-alala kung ano ang sasabihin ninyo. Bastaʼt sabihin ninyo ang ipinapasabi ng Banal na Espiritu sa oras na iyon. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ninyo. 12 Sa panahong iyon, may mga taong ipagkakanulo ang kanilang kapatid para patayin. Ganoon din ang mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga anak sa kanilang mga magulang. 13 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod ninyo sa akin. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ay maliligtas.”
Ang Kasuklam-suklam na Darating(A)
14 “Makikita ninyo ang kasuklam-suklam na darating na magiging dahilan ng pag-iwan sa templo, at nakatayo ito sa lugar na hindi dapat kalagyan nito.” (Kayong mga bumabasa, unawain ninyo itong mabuti!) “Kapag nangyari na ito, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan. 15 Ang nasa labas ng bahay[a] ay huwag nang pumasok para kumuha ng anuman. 16 Ang nasa bukid ay huwag nang umuwi para kumuha ng damit. 17 Kawawa ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil mahihirapan silang tumakas. 18 Idalangin ninyong huwag itong mangyari sa panahon ng taglamig. 19 Sapagkat sa panahong iyon, makakaranas ang mga tao ng mga paghihirap na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Dios ang mundo hanggang ngayon, at wala nang mangyayari pang ganoon kahit kailan. 20 Kung hindi paiikliin[b] ng Panginoon ang panahong iyon, walang matitirang buhay. Ngunit alang-alang sa kanyang mga pinili, paiikliin niya ang panahong iyon.
21 “Kapag may nagsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. 22 Sapagkat lilitaw ang mga di tunay na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at kababalaghan upang malinlang, kung maaari, pati ang mga pinili ng Dios. 23 Kaya mag-ingat kayo! Binabalaan ko na kayo habang hindi pa nangyayari ang mga ito.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®