Revised Common Lectionary (Complementary)
Panalangin para Tulungan
13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
2 Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?
3 Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
sagutin nʼyo ang aking dalangin.
Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
upang hindi ako mamatay
4 at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
5 Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
6 Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.
Ipinaliwanag ni Gabriel ang Kahulugan ng Pangitain
15 Habang nakatingin ako sa pangitaing iyon at nag-iisip kung ano ang kahulugan noon, biglang tumayo sa harap ko ang parang tao. 16 Pagkatapos, may narinig akong tinig ng tao mula sa Ilog ng Ulai na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa kanya ang kahulugan ng pangitain.”
17 Nang lumapit si Gabriel sa akin, nagpatirapa ako sa takot. Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, dapat mong maintindihan na ang iyong pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.” 18 Habang nakikipag-usap siya sa akin, nawalan ako ng malay at napadapa sa lupa. Pero hinawakan niya ako at ibinangon. 19 Sinabi niya, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa hinaharap kapag ibinuhos na ng Dios ang kanyang galit, dahil naitakda na ang katapusan ng panahon. 20 Ang tupang may dalawang sungay ay ang kaharian ng Media at Persia. 21 Ang kambing naman ay ang kaharian ng Grecia, at ang malaking sungay sa gitna ng kanyang mga mata ay ang unang hari. 22 Ang apat na sungay na tumubo pagkatapos maputol ang unang sungay ay ang apat na kaharian ng Grecia nang magkahati-hati ito. Pero ang kanilang mga hari ay hindi magiging makapangyarihan na tulad noong una.
23 “Sa mga huling araw ng kanilang paghahari, sa panahong sukdulan na ang kanilang kasamaan, maghahari ang isang malupit at tusong hari. 24 Siyaʼy magiging makapangyarihan, pero hindi tulad ng haring nauna sa kanya.[a] Magtataka ang mga tao sa gagawin niyang panlilipol, at magtatagumpay siya sa anumang gagawin niya. Lilipulin niya ang mga makapangyarihang tao at ang mga hinirang na mga mamamayan ng Dios. 25 Dahil sa kanyang kakayahan, magtatagumpay siya sa kanyang pandaraya. Ipagmamalaki niya ang kanyang sarili, at maraming tao ang kanyang papatayin ng walang anumang babala. Lalabanan niya pati ang Pinuno ng mga pinuno. Pero lilipulin siya hindi sa kapangyarihan ng tao kundi sa kapangyarihan ng Dios.
26 “Ang pangitaing nakita mo tungkol sa pagpapatigil ng pang-umaga at panghapon[b] na paghahandog ay totoo. Pero huwag mo munang ihayag ito dahil matatagalan pa bago ito maganap.”
27 Pagkatapos noon, akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Nang gumaling ako, bumalik ako sa trabaho na ibinigay sa akin ng hari. Pero patuloy ko pa ring iniisip ang pangitaing iyon na hindi ko lubos na maunawaan.
32 Alalahanin nʼyo ang nakaraang panahon, noong una kayong naliwanagan. Dumaan kayo sa matinding hirap, pero tiniis nʼyo ito at hindi kayo nadaig. 33 Kung minsan, inaalipusta kayo at pinag-uusig sa harapan ng mga tao. At kung minsan namaʼy dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na dumaranas ng ganitong pagsubok. 34 Dinadamayan nʼyo ang mga kapatid na nakabilanggo. At kahit inagawan kayo ng mga ari-arian, tiniis nʼyo ito nang may kagalakan dahil alam ninyong mayroon kayong mas mabuting kayamanan na hindi mawawala kailanman. 35 Kaya huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Dios, dahil may malaking gantimpalang nakalaan para sa inyo. 36 Kailangan ninyong magtiis para masunod nʼyo ang kalooban ng Dios, at matanggap nʼyo ang ipinangako niya. 37 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Sandaling panahon na lang at darating na siya. Hindi na siya magtatagal.
38 At mabubuhay ang taong itinuring kong matuwid dahil sa pananampalataya niya. Ngunit kung tumalikod siya sa akin, hindi ko na siya kalulugdan.”[a]
39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod sa Dios at napapahamak, kundi kabilang tayo sa mga sumasampalataya at naliligtas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®