Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 13

Panalangin para Tulungan

13 Panginoon, hanggang kailan nʼyo ako kalilimutan?
    Kalilimutan nʼyo ba ako habang buhay?
    Hanggang kailan ba kayo magtatago sa akin?
Hanggang kailan ko dadalhin itong mga pangamba ko?
    Ang aking mga araw ay punong-puno ng kalungkutan.
    Hanggang kailan ba ako matatalo ng aking mga kaaway?

Panginoon kong Dios, bigyan nʼyo ako ng pansin;
    sagutin nʼyo ang aking dalangin.
    Ibalik nʼyo ang ningning sa aking mga mata,
    upang hindi ako mamatay
at upang hindi masabi ng aking mga kaaway na natalo nila ako, dahil tiyak na magagalak sila kung mapahamak ako.
Panginoon, naniniwala po ako na mahal nʼyo ako.
    At ako ay nagagalak dahil iniligtas nʼyo ako.
Panginoon, aawitan kita dahil napakabuti nʼyo sa akin mula pa noon.

Daniel 8:1-14

Ang Pangitain ni Daniel Tungkol sa Tupa at Kambing

Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belshazar, muli akong nagkaroon ng pangitain. Sa pangitain ko, nakita kong nakatayo ako sa pampang ng Ilog ng Ulai, sa napapaderang lungsod ng Susa sa lalawigan ng Elam. May nakita akong barakong tupa na nakatayo sa tabi ng ilog. Mayroon itong dalawang mahahabang sungay, pero mas mahaba ang isang sungay nito kaysa sa isa kahit na huli itong tumubo. Nakita kong nanunuwag ito kahit saan mang lugar. Walang ibang hayop na makapigil sa kanya at wala ring makatakas sa kanya. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging makapangyarihan siya.

Habang itoʼy tinitingnan ko, biglang dumating ang isang kambing mula sa kanluran. Umikot ito sa buong mundo na hindi sumasayad ang paa sa lupa sa sobrang bilis. Mayroon siyang kakaibang sungay sa gitna ng kanyang mga mata. Sinugod niya nang buong lakas ang tupang may dalawang sungay na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Sa matinding galit, hindi niya tinigilan ng pagsuwag ang tupa hanggang sa naputol ang dalawang sungay nito. Hindi na makalaban ang tupa, kaya nabuwal ito at tinapak-tapakan ng kambing. Walang sumaklolo sa kanya. Naging makapangyarihan pa ang kambing. Pero nang nasa sukdulan na ang kapangyarihan niya, nabali ang kanyang sungay. Kapalit nito ay may tumubong apat na pambihirang sungay na nakatutok sa apat na direksyon ng mundo.

Ang isa sa kanila ay tinubuan ng isang maliit na sungay. Naging makapangyarihan itong sungay sa timog at sa silangan hanggang sa magandang lupain ng Israel. 10 Lalo pa siyang naging makapangyarihan hanggang sa kalangitan, at pinabagsak niya sa lupa ang ilang mga nilalang sa langit at mga bituin, at tinapak-tapakan niya ang mga iyon. 11 Itinuring niya ang kanyang sarili na higit na makapangyarihan kaysa sa Pinuno ng mga nilalang sa langit. Pinatigil niya ang araw-araw na paghahandog sa templo ng Dios, at nilapastangan niya ang templo. 12 Sa ginawa niyang iyon, ipinasakop sa kanya ang mga nilalang sa langit at ang araw-araw na paghahandog. Binalewala niya ang katotohanan, at nagtagumpay siya sa kanyang mga ginawa.

13 Narinig kong nag-uusap ang dalawang anghel. Ang isang anghel ay nagtatanong sa isa, “Hanggang kailan kaya tatagal ang mga pangyayaring ito na nasa pangitain? Ang pagpapatigil sa araw-araw na paghahandog, ang paglapastangan sa templo na magiging dahilan para pabayaan ito, at ang pagyurak sa mga nilalang sa langit?” 14 Sumagot ang isa, “Itoʼy mangyayari sa loob ng 2,300 umaga at hapon,[a] at pagkatapos ay lilinisin ang templo.”

Hebreo 10:26-31

26 Sapagkat kung sasadyain pa nating magpatuloy sa paggawa ng kasalanan pagkatapos nating malaman ang katotohanan, wala nang handog na maiaalay pa para mapatawad ang mga kasalanan natin. 27 Tanging ang nakakatakot na paghuhukom at nagliliyab na apoy ang naghihintay sa mga taong kumakalaban sa Dios. 28 Ipinapapatay noon nang walang awa ang lumalabag sa Kautusan ni Moises, kapag napatunayan ng dalawa o tatlong saksi ang paglabag niya. 29 Gaano pa kaya kabigat ang parusang tatanggapin ng taong lumapastangan sa Anak ng Dios at nagpawalang-halaga sa dugo na nagpatibay sa kasunduan ng Dios at naglinis sa mga kasalanan niya? Talagang mas mabigat ang parusa sa mga taong ito na humamak sa maawaing Banal na Espiritu. 30 Sapagkat kilala natin ang Dios na nagsabi, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[a] At mayroon ding nakasulat na ganito: “Hahatulan ng Panginoon ang mga taong sakop niya.”[b] 31 Kakila-kilabot ang kahihinatnan ng mga hahatulan ng Dios na buhay.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®