Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 94

94 Oh Panginoon, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, ikaw na Dios na kinauukulan ng panghihiganti, sumilang ka.

Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa: ibigay mo sa palalo ang panghihiganti sa kanila.

Panginoon, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magtatagumpay ang masama?

Sila'y dumadaldal, sila'y nagsasalita na may kapalaluan: lahat na manggagawa ng kasamaan ay nangagmamalaki.

Kanilang pinagwawaraywaray ang iyong bayan, Oh Panginoon, at dinadalamhati ang iyong mana.

Kanilang pinapatay ang bao at ang taga ibang lupa, at pinapatay ang ulila.

At kanilang sinasabi, ang Panginoo'y hindi makakakita, ni pakukundanganan man ng Dios ni Jacob ito.

Gunitain ninyo, ninyong mga hangal sa gitna ng bayan: at ninyong mga mangmang, kailan tayo magiging pantas?

Siyang lumikha ng pakinig, hindi ba siya makakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita?

10 Siyang nagpaparusa sa mga bansa, hindi ba siya sasaway, sa makatuwid baga'y siyang nagtuturo sa tao ng kaalaman?

11 Nalalaman ng Panginoon ang mga pagiisip ng tao, na sila'y pawang walang kabuluhan.

12 Mapalad ang tao na iyong pinarurusahan, Oh Panginoon, at tinuturuan mo sa iyong kautusan.

13 Upang iyong mabigyan ng kapahingahan sa mga kaarawan ng kasakunaan, hanggang sa mahukay ang hukay na ukol sa masama.

14 Sapagka't hindi itatakuwil ng Panginoon ang kaniyang bayan, ni pababayaan man niya ang kaniyang mana.

15 Sapagka't kahatulan ay babalik sa katuwiran: at susundan ng lahat na matuwid sa puso.

16 Sino ang babangon dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan? Sinong tatayo dahil sa akin laban sa mga manggagawa ng kasamaan?

17 Kundi ang Panginoon ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko'y tumahang madali sana sa katahimikan.

18 Nang aking sabihin, Ang aking paa ay natitisod; inalalayan ako ng iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon.

19 Sa karamihan ng aking mga pagiisip sa loob ko ang iyong mga pagaliw ay nagbibigay lugod sa aking kaluluwa.

20 Makikisama ba sa iyo ang luklukan ng kasamaan, na nagaanyo ng pagapi sa pamamagitan ng palatuntunan?

21 Sila'y nagpipisan laban sa kaluluwa ng matuwid, at pinarusahan nila ang walang salang dugo.

22 Nguni't ang Panginoon ay naging aking matayog na moog; at ang Dios ko'y malaking bato na aking kanlungan.

23 At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at ihihiwalay niya sila sa kanilang sariling kasamaan; ihihiwalay sila ng Panginoon naming Dios.

Ruth 1

At nangyari nang mga kaarawan nang humatol ang mga hukom, na nagkagutom sa lupain. At isang lalaking taga Bethlehem-juda ay yumaong nakipamayan sa lupain ng Moab, siya, at ang kaniyang asawa, at ang kaniyang dalawang anak na lalake.

At ang pangalan ng lalake ay Elimelech, at ang pangalan ng kaniyang asawa ay Noemi, at ang pangalan ng kaniyang dalawang anak ay Mahalon at Chelion, mga Ephrateo na taga Bethlehem-juda. At sila'y naparoon sa lupain ng Moab, at nanirahan doon.

At si Elimelech na asawa ni Noemi ay namatay: at siya'y naiwan at ang kaniyang dalawang anak.

At sila'y nagsipagasawa sa mga babae sa Moab; ang pangalan ng isa'y Orpha, at ang pangalan ng isa'y Ruth: at sila'y tumahan doon na may sangpung taon.

At namatay kapuwa si Mahalon at si Chelion; at ang babae ay naiwan ng kaniyang dalawang anak at ng kaniyang asawa.

Nang magkagayo'y bumangon siya na kasama ng kaniyang dalawang manugang upang siya'y bumalik mula sa lupain ng Moab: sapagka't kaniyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng Panginoon ang kaniyang bayan sa pagbibigay sa kanila ng tinapay.

At siya'y umalis sa dakong kaniyang kinaroroonan, at ang kaniyang dalawang manugang na kasama niya: at sila'y yumaon upang bumalik sa lupain ng Juda.

At sinabi ni Noemi sa kaniyang dalawang manugang, Kayo'y yumaon, na bumalik ang bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang ina: gawan nawa kayo ng magaling ng Panginoon, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.

Ipagkaloob nawa ng Panginoon na kayo'y makasumpong ng kapahingahan, bawa't isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa. Nang magkagayo'y kaniyang hinagkan sila; at inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak.

10 At sinabi nila sa kaniya, Hindi, kundi kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.

11 At sinabi ni Noemi, Kayo'y magsibalik, mga anak ko: bakit kayo'y yayaong kasama ko? may mga anak pa ba ako sa aking tiyan, na magiging inyong mga asawa?

12 Kayo'y magsibalik, mga anak ko, magpatuloy kayo ng inyong lakad; sapagka't ako'y totoong matanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, Ako'y may pagasa, kung ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkakaanak man;

13 Maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? magbabawa kaya kayo na magkaasawa? huwag, mga anak ko: sapagka't daramdamin kong mainam dahil sa inyo, sapagka't ang kamay ng Panginoon ay nanaw laban sa akin.

14 At inilakas nila ang kanilang tinig at nagsiiyak uli; at hinagkan ni Orpha ang kaniyang biyanan; nguni't si Ruth ay yumakap sa kaniya.

15 At sinabi niya, Narito, ang iyong hipag ay bumalik na sa kaniyang bayan, at sa kaniyang dios; bumalik kang sumunod sa iyong hipag.

16 At sinabi ni Ruth, Huwag mong ipamanhik na kita'y iwan, at bumalik na humiwalay sa iyo; sapagka't kung saan ka pumaroon, ay paroroon ako: at kung saan ka tumigil, ay titigil ako: ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Dios ay aking Dios:

17 Kung saan ka mamatay, ay mamamatay ako, at doon ako ililibing; hatulan ako ng Panginoon at lalo na, maliban ang kamatayan ang maghiwalay sa iyo at sa akin.

18 At nang makita ni Noemi na mapilit ng pagsama sa kaniya, ay tumigil ng pagsasalita sa kaniya.

19 Sa gayo'y yumaon silang dalawa hanggang sa sila'y dumating sa Bethlehem. At nangyari, nang sila'y dumating sa Bethlehem, na ang buong bayan ay napataka sa kanila; at sinabi ng mga babae, Ito ba'y si Noemi?

20 At sinabi niya sa kanila, Huwag na ninyo akong tawaging Noemi, tawagin ninyo akong Mara: sapagka't ginawan ako ng kapaitpaitan ng Makapangyarihan sa lahat.

21 Ako'y umalis na puno, at ako'y iniuwi ng Panginoon na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Noemi, yamang ang Panginoon ay nagpatotoo laban sa akin, at dinalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?

22 Sa gayo'y nagsibalik si Noemi at si Ruth na Moabita, na kaniyang manugang na kasama niya, na nagsibalik mula sa lupain ng Moab: at sila'y nagsidating sa Bethlehem sa pasimula ng pagaani ng sebada.

1 Timoteo 5:1-8

Huwag mong pagwikaan ang matanda, kundi pangaralan mo siyang tulad sa ama; ang mga kabataang lalake na tulad sa mga kapatid:

Ang mga babaing matatanda na tulad sa mga ina; at ang mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae sa buong kalinisan.

Papurihan mo ang mga babaing bao na tunay na bao.

Nguni't kung ang sinomang babaing bao ay may mga anak o mga apo, magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan, at magsiganti sa kanilang mga magulang: sapagka't ito'y nakalulugod sa paningin ng Dios.

Kaya't ang tunay na babaing bao at walang nagaampon, ay may pagasa sa Dios, at nananatili sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw.

Datapuwa't ang nangagpapakabuyo sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay.

Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman, upang sila'y mawalan ng kapintasan.

Datapuwa't kung ang sinoman ay hindi nagkakandili sa mga sariling kaniya, lalong lalo na sa kaniyang sariling sangbahayan, ay tumanggi siya sa pananampalataya at lalong masama kay sa hindi sumasampalataya.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain