Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 146

Papuri sa Dios na Tagapagligtas

146 Purihin ang Panginoon!
    Karapat-dapat na purihin ang Panginoon.
Buong buhay akong magpupuri sa Panginoon.
    Aawitan ko ang aking Dios ng mga papuri habang akoʼy nabubuhay.

Huwag kayong magtiwala sa mga makapangyarihang tao o kaninuman,
    dahil silaʼy hindi makapagliligtas.
Kapag silaʼy namatay, babalik sila sa lupa,
    at ang kanilang mga binabalak ay mawawalang lahat.
Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob,
    na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios,
na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito.
    Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Binibigyan niya ng katarungan ang mga inaapi,
    at binibigyan ng pagkain ang mga nagugutom.
    Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo.
Pinagagaling niya ang mga bulag para makakita,
    pinalalakas ang mga nanghihina,
    at ang mga matuwid ay minamahal niya.
Iniingatan niya ang mga dayuhan,
    tinutulungan ang mga ulila at mga biyuda,
    ngunit hinahadlangan niya ang mga kagustuhan ng masasama.

10 Mga taga-Zion, ang Panginoon na inyong Dios ay maghahari magpakailanman.

    Purihin ang Panginoon!

Bilang 36

Ang mga Babaeng Anak ni Zelofehad na Nakatanggap ng Lupain

36 Pumunta kay Moises at sa mga pinuno ng Israel ang pamilya ni Gilead na anak ni Makir at apo ni Manase, na anak ni Jose, at sinabi, “Ginoo, nang nag-utos sa inyo ang Panginoon na hatiin ang lupa bilang mana ng mga Israelita sa pamamagitan ng palabunutan; nag-utos din siya na ibigay ang bahagi ng aming kapatid na si Zelofehad sa mga anak niyang babae. Pero halimbawang nag-asawa po sila galing sa ibang lahi at dahil ditoʼy napunta ang kanilang lupain sa lahi ng kanilang napangasawa, hindi baʼt mapupunta na ang bahagi ng aming lahi sa iba? Pagsapit ng Taon ng Pagpapalaya at Pagsasauli, ang kanilang lupa ay mapupunta sa lahi kung saan sila nakapag-asawa, at mawawala na ito sa lahi ng aming mga ninuno.”

Kaya ayon sa utos ng Panginoon, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng angkan ng mga salinlahi ni Jose. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad: Malaya silang makakapag-asawa sa kung sinong kanilang magugustuhan basta manggagaling lang sa lahi nila. Ang lupang mamanahin ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana sa kanilang mga ninuno. Ang lahat ng babaeng nakamana ng lupa sa kahit saang lahi ay kailangang mag-asawa ng mula sa kanilang lahi para hindi mawala sa bawat Israelita ang lupang namana niya sa kanyang mga ninuno. Ang lupang namana ng bawat lahi ay hindi maaaring mapunta sa ibang lahi, dahil kailangang manatili sa bawat lahi ang lupa na kanilang namana.”

10 Kaya sinunod ng mga anak na babae ni Zelofehad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 11 Ang mga anak na babae ni Zelofehad ay sina Mahlah, Tirza, Hogla, Milca, at Noe. At ang kanilang napangasawa ay ang kanilang mga pinsan sa ama, 12 na mga lahi ni Manase na anak ni Jose. Kaya ang lupain na kanilang namana ay nanatili sa sambahayan at angkan ng kanilang ama.

13 Ganito ang mga utos at tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita sa pamamagitan ni Moises habang naroon sila sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan malapit sa Jerico.

Roma 5:6-11

Nang wala tayong kakayahang makaligtas sa kaparusahan, namatay si Cristo para sa ating mga kasalanan sa panahong itinakda ng Dios. Bihira ang taong mag-aalay ng kanyang buhay para sa isang taong matuwid, bagamaʼt maaaring mayroong maglakas-loob na ibigay ang kanyang buhay para sa isang mabuting tao. Pero ipinakita ng Dios sa atin ang kanyang pag-ibig sa ganitong paraan: Kahit noong tayoʼy makasalanan pa, namatay si Cristo para sa atin. At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng dugo ni Cristo, tiyak na maliligtas tayo sa parusa[a] ng Dios dahil kay Cristo. 10 Datiʼy kaaway tayo ng Dios, pero ngayon, tinanggap na niya tayong mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At ngayong mayroon na tayong magandang relasyon sa Dios, tiyak na ililigtas niya tayo sa kaparusahan sa pamamagitan ng buhay ni Cristo. 11 Hindi lang iyan, nagagalak tayo sa relasyon natin sa Dios ngayon dahil sa ginawa ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Naibalik na ang magandang relasyon natin sa Dios dahil sa kanya.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®