Revised Common Lectionary (Complementary)
Paghingi ng Kapatawaran sa Dios
51 O Dios, kaawaan nʼyo po ako
ayon sa inyong tapat na pagmamahal.
At ayon sa inyong labis na pagmamalasakit sa akin,
ang lahat ng pagsuway ko ay inyong pawiin at akoʼy patawarin.
2 Hugasan nʼyo ako, at linisin nʼyo nang lubos sa aking kasamaan,
3 dahil inaamin ko ang aking mga pagsuway,
at lagi kong iniisip ang aking mga kasalanan.
4 Tanging sa inyo lamang ako nagkasala.
Gumawa ako ng masama sa inyong paningin.
Kaya makatarungan kayo sa inyong pagbibintang sa akin.
Karapat-dapat lang na hatulan nʼyo ako.
5 Akoʼy makasalanan at masama mula pa noong akoʼy isinilang,
kahit noong ipinaglilihi pa lang ako.
6 Ang nais nʼyo ay isang pusong tapat,
kung kayaʼt ipagkaloob nʼyo sa aking kaloob-looban ang karunungan.
7 Linisin at hugasan nʼyo ako sa aking mga kasalanan
upang lubusang luminis ang pusoʼt kaluluwa ko.[a]
8 Ipadama nʼyo sa akin ang kasiyahan at kaligayahan
upang sa aba kong kalagayan, muling mapasaakin ang kagalakan.
9 Kalimutan nʼyo ang aking mga kasalanan,
at pawiin ang lahat kong kasamaan.
10 Ilikha nʼyo ako ng busilak na puso, O Dios,
at bigyan ako ng bagong espiritu na matapat.
11 Huwag po akong itaboy palayo sa inyong piling,
at ang inyong Banal na Espiritu sa akin ay huwag nʼyo po sanang bawiin.
12 Sanaʼy ibalik sa akin ang kagalakang naramdaman ko noong iniligtas nʼyo ako,
at bigyan nawa ako ng masunuring espiritu.
13 At tuturuan ko ang mga makasalanan ng inyong mga pamamaraan upang manumbalik sila sa inyo.
14 Patawarin nʼyo ako sa kasalanan kong pagpatay,
O Dios na aking Tagapagligtas.
At sisigaw ako sa kagalakan dahil sa inyong pagliligtas.
15 Panginoon, buksan nʼyo po ang aking labi,
nang ang mga itoʼy magpuri sa inyo.
16 Hindi naman mga handog ang nais nʼyo;
mag-alay man ako ng mga handog na sinusunog, hindi rin kayo malulugod.
17 Ang handog na nakalulugod sa inyo ay pusong nagpapakumbaba at nagsisisi sa kanyang kasalanan.
Ito ang handog na hindi nʼyo tatanggihan.
18 Dahil sa kagustuhan nʼyo,
pagpalain nʼyo ang Jerusalem.[b]
Muli nʼyong itayo ang mga pader nito.
19 Nang sa gayon malugod kayo sa mga nararapat na handog,
pati sa mga handog na sinusunog ng buo.
At maghahandog din sila ng mga baka sa inyong altar.
58 “Kung hindi ninyo susunding mabuti ang lahat ng mga utos na nakasulat sa aklat na ito, at hindi igagalang ang kahanga-hanga at kamangha-manghang pangalan ng Panginoon na inyong Dios, 59 padadalhan niya kayo at ang inyong mga lahi ng malulubhang karamdaman na sobrang sakit at wala nang lunas para rito. 60 Ipapalasap niya sa inyo ang nakakatakot na mga karamdaman na ipinadala niya sa Egipto, at mananatili ito sa inyo. 61 Ipapalasap din sa inyo ng Panginoon ang lahat ng uri ng karamdaman na hindi naisulat sa aklat ng kasunduan, hanggang sa mamatay kayo. 62 Kahit na kasindami kayo ng bituin sa langit, kakaunti lang ang matitira sa inyo dahil hindi kayo sumunod sa Panginoon na inyong Dios. 63 Gaya ng kasiyahan ng Panginoon sa pagpapaunlad at pagpaparami sa inyo, ikasisiya rin niya ang pagwasak at pagpatay sa inyo, hanggang sa mawala kayo sa lupaing titirhan at aangkinin ninyo.
64 “Pangangalatin kayo ng Panginoon sa lahat ng bansa sa bawat sulok ng mundo. At dooʼy sasamba kayo sa ibang mga dios na gawa sa kahoy at bato, na hindi ninyo nakikilala o ng inyong mga ninuno. 65 Wala kayong kapayapaan doon at wala rin kayong lugar na mapagpapahingahan. Hindi kayo bibigyan ng Panginoon ng kapanatagan at mawawalan kayo ng pag-asa, at palaging mamumuhay sa kabiguan. 66 Laging manganganib ang inyong buhay; araw at gabi kayoʼy matatakot, at walang katiyakan ang inyong buhay. 67 Dahil sa takot ninyo sa mga bagay na nakikita ninyo sa paligid, sasabihin ninyo kapag umaga, ‘Sana, gabi na.’ At kapag gabi naman, sasabihin ninyong, ‘Sana, umaga na.’ 68 Pababalikin kayo ng Panginoon sa Egipto sakay ng barko, kahit na sinabi ko sa inyo na hindi na kayo dapat bumalik doon. Ipagbibili ninyo roon ang inyong mga sarili sa inyong mga kaaway bilang mga alipin, pero walang bibili sa inyo.”
Ang Pagbago ng Kasunduan
29 Ito ang mga tuntunin ng pagsunod sa kasunduang ipinagawa ng Panginoon kay Moises sa mga Israelita sa Moab, maliban pa sa kasunduan na ginawa niya sa kanila sa Horeb.
17 “Nang malapit nang matupad ang pangako ng Dios kay Abraham, lalo pang dumami ang ating mga ninuno na naroon sa Egipto. 18 Dumating din ang araw na nagkaroon ng bagong hari ang Egipto na hindi kilala si Jose. 19 Dinaya ng haring ito ang ating mga ninuno at pinagmalupitan. Pinilit niya silang itapon ang kanilang sanggol para mamatay. 20 Iyon din ang panahon nang isilang si Moises, isang bata na kinalugdan ng Dios. Inalagaan siya ng kanyang mga magulang sa kanilang bahay sa loob ng tatlong buwan. 21 At nang napilitan na silang iwan siya, kinuha siya ng anak na babae ng Faraon at inalagaan na parang tunay niyang anak. 22 Tinuruan si Moises ng lahat ng karunungan ng Egipto, at naging dakila sa salita at sa gawa.
23 “Nang si Moises ay 40 taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita. 24 Nakita niya na pinagmamalupitan ng isang Egipcio ang isa niyang kababayan. Ipinagtanggol niya ito, at bilang paghihiganti, pinatay niya ang Egipcio. 25 Sa ginawa niyang iyon inakala niya na mauunawaan ng mga Israelita na siya ang gagamitin ng Dios sa pagpapalaya sa kanila. Pero hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, bumalik si Moises at nakita niya ang dalawang Israelitang nag-aaway. Gusto niyang pagkasunduin ang dalawa, kaya sinabi niya sa kanila, ‘Pareho kayong mga Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ 27 Pero itinulak siya ng lalaking nang-aapi at sinabi, ‘Sino ang nagtalaga sa iyo para maging pinuno at hukom namin? 28 Ano, papatayin mo rin ba ako tulad ng ginawa mo roon sa Egipcio kahapon?’ 29 Nang marinig ito ni Moises, tumakas siya at pumunta sa Midian. Doon siya nanirahan at nag-asawa, at doon din isinilang ang dalawa niyang anak na lalaki.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®