Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 90:12-17

12 Ipaunawa nʼyo sa amin na ang buhay namin ay maiksi lang,
    upang matuto kaming mamuhay nang may karunungan.
13 Panginoon, hanggang kailan kayo magagalit sa amin?
    Dinggin nʼyo kami at kahabagan, kami na inyong mga lingkod.
14 Tuwing umagaʼy ipadama nʼyo sa amin ang inyong tapat na pag-ibig,
    upang umawit kami nang may kagalakan at maging masaya habang nabubuhay.
15 Bigyan nʼyo kami ng kagalakan
    na kasintagal ng panahon na kami ay inyong pinarusahan at pinahirapan.
16 Ipakita nʼyo sa amin na inyong mga lingkod, at sa aming mga salinlahi, ang inyong kapangyarihan at mga dakilang gawa.
17 Panginoon naming Dios, pagpalain nʼyo sana kami at pagtagumpayin ang aming mga gawain.

Deuteronomio 5:1-21

Ang Sampung Utos(A)

Tinipon ni Moises ang lahat ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “O mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga utos at tuntunin na ibibigay ko sa inyo sa araw na ito. Pag-aralan ninyo ito at sundin. Gumawa sa atin ng kasunduan ang Panginoon na ating Dios sa Bundok ng Sinai.[a] Hindi niya ito ginawa sa ating mga ninuno kundi sa ating lahat na nabubuhay ngayon. At doon sa bundok nagsalita ang Panginoon sa inyo mula sa apoy na parang magkaharap lang kayo. Nakatayo ako sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang oras na iyon para sabihin sa inyo ang mensahe ng Panginoon, dahil natatakot kayo sa apoy at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi ng Panginoon,

“ ‘Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

“ ‘Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.

“ ‘Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 10 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.

11 “ ‘Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.

12 “ ‘Sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios, ayon sa iniutos ko sa inyo. 13 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 14 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay ilaan ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na ito pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga baka, mga asno at iba pang mga hayop, o ang mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Sa ganitong paraan ay makakapagpahinga ring katulad ninyo ang inyong mga alipin. 15 Alalahanin ninyo na mga alipin din kayo noon sa Egipto, at ako ang Panginoon na inyong Dios ang naglabas sa inyo roon sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan. Kaya ako, ang Panginoon na inyong Dios ay nag-uutos sa inyo na sundin ninyo ang Araw ng Pamamahinga.

16 “ ‘Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina, ayon sa iniutos ko sa inyo para mabuhay kayo nang matagal at maging mabuti ang inyong kalagayan sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.

17 “ ‘Huwag kayong papatay.

18 “ ‘Huwag kayong mangangalunya.

19 “ ‘Huwag kayong magnanakaw.

20 “ ‘Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo laban sa inyong kapwa.

21 “ ‘Huwag ninyong pagnanasahan ang asawa ng inyong kapwa o ang kanyang bahay, lupa, mga alipin, mga baka o mga asno, o alin mang pag-aari niya.’

Hebreo 3:7-19

Kaya gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu:

    “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios,
huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo,
    tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo.
    Naghimagsik sila laban sa Dios at siyaʼy sinubok nila roon sa ilang.
Sinabi ng Dios, ‘Sinubok nila ako sa kasamaan nila,
    kahit na nakita nila ang ginawa ko sa loob ng 40 taon.
10 Kaya galit na galit ako sa henerasyong ito at sinabi ko,
    “Laging lumalayo ang puso nila sa akin,
    at ayaw nilang sumunod sa mga itinuturo ko sa kanila.”
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.’ ”[a]

12 Kaya mga kapatid, mag-ingat kayo at baka maging masama ang puso nʼyo na siyang magpapahina ng pananampalataya nʼyo hanggang sa lumayo kayo sa Dios na buhay. 13 Magpaalalahanan kayo araw-araw habang may panahon pa, para walang sinuman sa inyo ang madaya ng kasalanan na nagpapatigas sa puso nʼyo. 14 Sapagkat kasama tayo ni Cristo kung mananatiling matatag ang pananampalataya natin sa kanya hanggang sa wakas. 15 Gaya nga ng nabanggit sa Kasulatan: “Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso nʼyo tulad ng ginawa noon ng mga ninuno nʼyo nang naghimagsik sila laban sa Dios.”[b] 16 Sino ba ang mga taong nakarinig sa tinig ng Dios at naghimagsik pa rin sa kabila nito? Hindi baʼt ang mga inilabas ni Moises sa Egipto? 17 At kanino ba nagalit ang Dios sa loob ng 40 taon? Hindi baʼt sa mga nagkasala at namatay sa ilang? 18 At sino ba ang isinumpa ng Dios na hindi makakamtan ang kapahingahan? Hindi baʼt ang mga ayaw sumunod sa kanya? 19 Kaya malinaw na hindi nila nakamtan ang kapahingahan dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®