Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Karunungan at Kalinga ng Dios
139 Panginoon, siniyasat nʼyo ako at kilalang-kilala.
2 Nalalaman nʼyo kung ako ay nakaupo o nakatayo.
Kahit na kayo ay nasa malayo, nalalaman nʼyo ang lahat ng aking iniisip.
3 Nakikita nʼyo ako habang akoʼy nagpapahinga o nagtatrabaho.
Ang lahat ng ginagawa ko ay nalalaman ninyo.
4 Panginoon, hindi pa man ako nagsasalita ay alam nʼyo na ang aking sasabihin.
5 Lagi ko kayong kasama,
at kinakalinga nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
6 Ang pagkakilala nʼyo sa akin ay tunay na kahanga-hanga;
hindi ko kayang unawain.
7 Paano ba ako makakaiwas sa inyong Espiritu?[a] Saan ba ako makakapunta na wala kayo?
8 Kung pupunta ako sa langit, nandoon kayo;
kung pupunta ako sa lugar ng mga patay, nandoon din kayo.
9 At kung pumunta man ako sa silangan o tumira sa pinakamalayong lugar sa kanluran,
10 kayo ay naroon din upang akoʼy inyong patnubayan at tulungan.
11 Maaaring mapakiusapan ko ang dilim na itago ako, o ang liwanag sa paligid ko na maging gabi;
12 kaya lang, kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa inyo, Panginoon,
at ang gabi ay parang araw.
Dahil para sa inyo, pareho lang ang dilim at ang liwanag.
13 Kilala nʼyo ako, dahil kayo ang lumikha sa akin.
Kayo ang humugis sa akin sa sinapupunan ng aking ina.
14 Pinupuri ko kayo dahil kahanga-hanga ang pagkakalikha nʼyo sa akin.
Nalalaman ko na ang inyong mga gawa ay tunay na kahanga-hanga.
15 Nakita nʼyo ang aking mga buto nang akoʼy lihim na hugisin sa loob ng sinapupunan ng aking ina.
16 Nakita nʼyo na ako, hindi pa man ako isinisilang.
Ang itinakdang mga araw na akoʼy mabubuhay ay nakasulat na sa aklat nʼyo bago pa man mangyari.
17 O Dios, hindi ko lubos maintindihan ang mga iniisip nʼyo;
itoʼy tunay na napakarami.
18 Kung bibilangin ko ito, mas marami pa kaysa sa buhangin.
Sa aking paggising, akoʼy nasa inyo pa rin.
Ang Pagtawag kay Jeremias
4 Sinabi sa akin ng Panginoon, 5 “Jeremias, bago kita nilalang sa tiyan ng iyong ina, pinili[a] na kita. At bago ka isinilang, hinirang na kita para maging propeta sa mga bansa.”
6 Sumagot ako, “Panginoong Dios, hindi po ako magaling magsalita, dahil bata pa ako.” 7 Pero sinabi ng Panginoon sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Kinakailangang pumunta ka saan man kita suguin, at sabihin ang anumang ipasasabi ko sa iyo. 8 Huwag kang matakot sa mga tao sapagkat akoʼy kasama mo at tutulungan kita. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
9 Pagkatapos, hinipo ng Panginoon ang mga labi ko at sinabi, “Ibinibigay ko sa iyo ngayon ang aking mga salitang sasabihin mo. 10 Sa araw na ito binibigyan kita ng kapangyarihang magsalita sa mga bansa at mga kaharian. Sabihin mo na babagsak ang iba sa kanila at mawawasak, at ang iba naman ay muling babangon at magiging matatag.”
Si Jesus ay Hindi Taga-mundo
21 Muling nagsalita si Jesus sa mga pinuno ng mga Judio, “Aalis ako at hahanapin nʼyo ako, ngunit mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. At hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” 22 Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya? Ano ang ibig niyang sabihin na hindi tayo makakapunta sa pupuntahan niya?” 23 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayoʼy makamundo at akoʼy makalangit. 24 Kaya sinasabi kong mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo. Sapagkat kung hindi kayo maniniwala na ako ang Cristo, tiyak na mamamatay kayo na hindi pa napapatawad ang mga kasalanan ninyo.” 25 “Bakit, sino ka ba talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt noong una pa ay sinabi ko na sa inyo kung sino ako? 26 Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, wala akong ipinapahayag sa mga tao sa mundo maliban sa mga ipinapasabi ng nagsugo sa akin. At mapagkakatiwalaan ang mga sinasabi niya.”
27 Hindi nila naintindihan na nagsasalita si Jesus tungkol sa Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas na ninyo[a] ako na Anak ng Tao, malalaman ninyo na ako nga ang Cristo. At malalaman din ninyo na ang lahat ng bagay na ginagawa at sinasabi ko ay ayon sa itinuro sa akin ng aking Ama. 29 Lagi kong kasama ang nagsugo sa akin, at hindi niya ako pababayaang mag-isa, dahil lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugod-lugod sa kanya.” 30 Nang marinig ng mga tao ang mga sinabi ni Jesus, marami sa kanila ang sumampalataya sa kanya.
Ang Katotohanang Nagpapalaya sa Tao
31 Sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumampalataya sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aral ko, totoo ngang mga tagasunod ko kayo. 32 Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” 33 Sumagot sila kay Jesus, “Nagmula kami sa lahi ni Abraham, at kailanmaʼy hindi kami naging alipin ng kahit sino. Bakit sinabi mong palalayain kami?” 34 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang nagkakasala ay alipin ng kasalanan. 35 Ang alipin ay hindi namamalagi sa isang pamilya sa habang panahon, ngunit ang anak ay namamalagi magpakailanman. 36 Kaya kung ang Anak ng Dios ang magpapalaya sa inyo, talagang magiging malaya kayo. 37 Alam kong galing kayo sa lahi ni Abraham, pero tinatangka ninyo akong patayin dahil ayaw ninyong tanggapin ang mga itinuturo ko. 38 Sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na nakita ko sa aking Ama, ngunit ginagawa naman ninyo ang narinig ninyo sa inyong ama.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®