Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Balak Laban kay Jeremias
18 Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin. 19 Tulad ako ng isang tupang dinadala sa katayan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam na may balak pala silang patayin ako. Sinabi nila, “Patayin natin siya katulad ng pagputol sa isang puno na may mga bunga, para mawala siya sa mundo at hindi na maalala.”
20 Pero nanalangin ako, “O Panginoong Makapangyarihan, matuwid po ang paghatol ninyo. Nalalaman po ninyo ang isip at puso ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila, dahil ipinaubaya ko sa inyo ang usaping ito!”
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
Ang Karunungang Mula sa Dios
13 Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya na talagang marunong siya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay na may pagpapakumbaba. 14 Kung pagkainggit at pagkamakasarili naman ang umiiral sa inyong puso, huwag ninyong ipagyabang na may karunungan kayo, dahil pinasisinungalingan nʼyo ang katotohanan. 15 Ang ganitong karunungan ay hindi nagmumula sa Dios kundi sa mundo. Mula ito sa diyablo at hindi sa Banal na Espiritu. 16 Sapagkat kung saan umiiral ang pagkainggit at pagkamakasarili, naroon din ang kaguluhan at lahat ng uri ng kasamaan. 17 Ngunit ang taong may karunungang mula sa Dios, una sa lahat ay may malinis na pamumuhay. Maibigin siya sa kapayapaan, mahinahon, masunurin, puno ng awa at kabutihan, walang pinapaboran, at hindi nagkukunwari. 18 Ang taong maibigin sa kapayapaan at nagpapalaganap nito ay nagdudulot ng maayos na relasyon sa iba.
Huwag Ibigin ang Mundo
4 Ano ba ang pinagmumulan ng mga pag-aaway at alitan ninyo? Hindi baʼt ang masasamang kagustuhan na naglalaban-laban sa puso nʼyo? 2 May mga ninanais kayo pero hindi nʼyo makamtan, kaya handa kayong pumatay dahil dito. May mga gusto kayong makuha at kapag hindi ito nangyari, nag-aaway-away kayo. Hindi nʼyo nakakamtan ang mga ninanais nʼyo dahil hindi kayo humihingi sa Dios. 3 At kung humihingi naman kayo, wala kayong natatanggap dahil humihingi kayo nang may masamang motibo para mapagbigyan ang sarili nʼyong kasiyahan.
7 Kaya magpasakop kayo sa Dios. Labanan nʼyo ang diyablo at lalayo ito sa inyo. 8 Lumapit kayo sa Dios at lalapit din siya sa inyo. Kayong mga makasalanan, mamuhay kayo nang malinis. At kayong mga nagdadalawang-isip, linisin nʼyo ang inyong puso.
Ang Ikalawang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(A)
30 Umalis sila sa lugar na iyon at dumaan sa Galilea. Ayaw ni Jesus na malaman ng mga tao na naroon siya, 31 dahil tinuturuan niya ang mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila, “Ako na Anak ng Tao ay ibibigay sa kamay ng mga tao na kumokontra sa akin. Papatayin nila ako, ngunit muli akong mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw.” 32 Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niya, at natakot naman silang magtanong sa kanya.
Sino ang Pinakadakila?(B)
33 Dumating sila sa Capernaum. At nang nasa bahay na sila, tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinagtatalunan ninyo kanina sa daan?” 34 Hindi sila sumagot, dahil ang pinagtatalunan nila ay kung sino sa kanila ang pinakadakila. 35 Kaya umupo si Jesus at tinawag ang 12 apostol, at sinabi sa kanila, “Ang sinuman sa inyo na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat.” 36 Kumuha si Jesus ng isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanila, 37 “Ang sinumang tumatanggap sa batang tulad nito dahil sa akin ay tumatanggap din sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa aking Amang nagsugo sa akin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®