Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Dios ang Sumasaklolo
54 O Dios, iligtas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at patunayan nʼyong wala akong kasalanan.
2 Dinggin nʼyo ang aking mga panalangin,
3 dahil sinasalakay ako ng mga dayuhan upang patayin. Malulupit sila at hindi kumikilala sa inyo.
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin.
Kayo, Panginoon ang aking maaasahan.
5 Ibalik nʼyo sana sa aking mga kaaway ang ginagawa nilang masama.
O Dios, sa inyong pagkamatapat, lipulin nʼyo sila.
6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon.
Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
7 Iniligtas nʼyo ako sa lahat ng kahirapan,
at nakita kong natalo ang aking mga kaaway.
5 Pagkatapos, nilusob ng hari ng Asiria ang buong Israel. Sa loob ng tatlong taon, pinaligiran niya ang Samaria. 6 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Hoshea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinala ang mga taga-Israel sa Asiria bilang mga bihag. Pinatira niya sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.
7 Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan 8 at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila. 9 Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Panginoon na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar[a] sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod. 10 Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. 11 Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa Panginoon. 12 Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.” 13 Paulit-ulit na nagpapadala ang Panginoon ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.” 14 Pero hindi sila nakinig. Matitigas ang ulo nila katulad ng mga ninuno nilang walang tiwala sa Panginoon na kanilang Dios. 15 Itinakwil nila ang tuntunin ng Panginoon, ang kasunduang ginawa niya sa mga ninuno nila, at hindi rin sila nakinig sa mga babala niya. Sinunod nila ang mga walang kwentang dios-diosan at silaʼy naging walang kwenta na rin. Ginawa nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon na ginagawa ng mga bansang nakapalibot sa kanila. 16 Itinakwil nila ang lahat ng utos ng Panginoon na kanilang Dios. Gumawa sila ng larawan ng dalawang guya at posteng simbolo ng diosang si Ashera. Sumamba sila sa lahat ng bagay na nasa langit, at kay Baal. 17 Inihandog nila ang mga anak nila sa apoy. Sumangguni sila sa mga manghuhula, gumamit ng pangkukulam at ipinagbili ang sarili nila sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at ito ang nakapagpagalit sa kanya.
18 Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain.
Sinabi ni Jesus ang Kanilang Kaparusahan(A)
29 “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Ipinapaayos ninyo ang mga libingan ng mga propeta at ng mga taong matuwid, at pinagaganda ninyo ang mga ito. 30 At sinasabi ninyo na kung buhay sana kayo sa panahon ng inyong mga ninuno, hindi ninyo papatayin ang mga propeta tulad ng ginawa nila. 31 Kung ganoon, inaamin nga ninyo na lahi kayo ng mga taong pumatay sa mga propeta! 32 Sige, tapusin nʼyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! 33 Mga ahas! Lahi kayo ng mga ulupong! Hindi nʼyo matatakasan ang kaparusahan sa impyerno! 34 Kaya makinig kayo! Magpapadala ako sa inyo ng mga propeta, marurunong na tao at mga guro. Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang ibaʼy ipapako sa krus. Ang ibaʼy hahagupitin ninyo sa inyong sambahan, at uusigin ninyo sila saang lugar man sila pumunta. 35 Dahil dito, mananagot kayo sa pagpatay sa lahat ng taong matuwid mula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Berekia, na pinatay ninyo sa pagitan ng templo at ng altar. 36 Talagang kayong mga nabubuhay sa panahong ito ang mananagot sa lahat ng mga kasalanang ito.”
37 “Kayong mga taga-Jerusalem, binabato ninyo at pinapatay ang mga propeta na sinugo ng Dios sa inyo. Maraming beses ko na kayong gustong tipunin at alagaan gaya ng isang inahing manok na nagtitipon at nagkakanlong ng kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, pero ayaw ninyo. 38 Kaya bahala na kayo sa sarili ninyo. 39 Sapagkat hindi nʼyo na ako makikita hanggang sa dumating ang panahon na sabihin ninyo, ‘Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”[a]
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®