Revised Common Lectionary (Complementary)
Ang Masunuring Lingkod ng Dios
4 Tinuruan ako ng Panginoong Dios kung ano ang sasabihin ko para mapalakas ang mga nanlulupaypay. Ginigising niya ako tuwing umaga para pakinggan ang mga itinuturo niya sa akin. 5 Nagsalita sa akin ang Panginoong Dios at akoʼy nakinig. Hindi ako sumuway o tumakas man sa kanya. 6 Iniumang ko ang aking likod sa mga bumugbog sa akin, at ang aking mukha sa mga bumunot ng aking balbas. Pinabayaan ko silang hiyain ako at duraan ang aking mukha. 7 Pero hindi ako nakadama ng hiya, dahil tinulungan ako ng Panginoong Dios. Kaya nagmatigas ako na parang batong buhay dahil alam kong hindi ako mapapahiya. 8 Malapit sa akin ang Dios na nagsasabing wala akong kasalanan. Sino ang maghahabla sa akin? Lumabas siya at harapin ako! 9 Makinig kayo! Ang Panginoong Dios ang tutulong sa akin. Sino ang makapagsasabing nagkasala ako? Matutulad sila sa damit na mabubulok at ngangatngatin ng mga kulisap.
Ang Dios ang Nagliligtas ng Tao sa Kamatayan
116 Mahal ko ang Panginoon,
dahil dinidinig niya ang paghingi ko ng tulong sa kanya.
2 Dahil pinakikinggan niya ako,
patuloy akong tatawag sa kanya habang akoʼy nabubuhay.
3 Natakot ako dahil nararamdaman kong malapit na akong mamatay.
Ang kamatayan ay parang tali na pumupulupot sa akin.
Nag-aalala ako at naguguluhan,
4 kaya tumawag ako sa Panginoon,
“Panginoon, iligtas nʼyo po ako.”
5 Ang Panginoon nating Dios ay mabuti, matuwid at mahabagin.
6 Iniingatan ng Panginoon ang mga walang sapat na kaalaman.
Nang wala na akong magawa, akoʼy kanyang iniligtas.
7 Magpapakatatag ako,
dahil ang Panginoon ay mabuti sa akin,
8 sapagkat iniligtas niya ako sa kamatayan, sa kalungkutan at kapahamakan.
9 Kaya mamumuhay ako na malapit sa Panginoon dito sa mundo ng mga buhay.
Ang Dila
3 Mga kapatid, huwag basta-bastang maghangad na maging tagapagturo ang marami sa inyo, dahil alam ninyong mas mabigat ang paghatol sa aming mga nagtuturo. 2 Lahat tayo ay madalas magkamali. Kung mayroon mang hindi nagkakamali sa pananalita niya, isa siyang taong ganap at may kakayahang pigilin ang kanyang sarili. 3 Nirerendahan natin ang mga kabayo para sumunod saan man natin gustong papuntahin. 4 Isipin nʼyo rin ang mga barko na kahit napakalaki at itinutulak ng malakas na hangin ay napapabaling ng maliit na timon at napapapunta ng kapitan saan man niya gustuhin. 5 Ganoon din naman ang dila natin; kahit na maliit na bahagi ng katawan, nakakagawa ng malaking kayabangan. Isipin nʼyo kung gaano kalawak na gubat ang masusunog na galing lang sa maliit na apoy. 6 Ang dila ay tulad ng apoy. Napakaraming kasamaan ang nagmumula sa ating dila at ito ay nagpaparumi sa buong pagkatao natin. Katulad ito ng apoy na nanggagaling sa impyerno, at sumisira sa buong buhay natin. 7 Lahat ng uri ng hayop na lumalakad, lumilipad, gumagapang o nakatira sa tubig ay napapaamo ng tao. 8 Pero walang taong nakakagawa nito sa dila. Wala itong tigil sa kasamaan at puno ng lasong nakamamatay. 9 Sa pamamagitan ng dila, pinupuri natin ang ating Panginoon at Ama, pero sa pamamagitan din nito ay isinusumpa natin ang ating kapwa na nilikhang kalarawan ng Dios. 10 Mula sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at pagsumpa. Mga kapatid, hindi dapat ganyan. 11 Maaari bang lumabas sa iisang bukal ang matabang na tubig at ang maalat na tubig? Hindi! 12 Mga kapatid, hindi rin maaaring mamunga ng olibo ang puno ng igos o ng igos ang ubas. Hindi rin maaaring makakuha ng tubig-tabang sa tubig-alat.
Ang Pahayag ni Pedro tungkol kay Jesus(A)
27 Pagkatapos, pumunta si Jesus at ang mga tagasunod niya sa mga nayon na sakop ng Cesarea Filipos. Habang naglalakad sila, tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” 28 Sumagot sila, “May mga nagsasabing kayo po si Juan na tagapagbautismo. May nagsasabi ring kayo si Elias. At ang iba namaʼy nagsasabing isa po kayo sa mga propeta.” 29 Tinanong sila ni Jesus, “Pero para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo!”[a] 30 Sinabihan sila ni Jesus na huwag nilang ipaalam kahit kanino na siya ang Cristo.
Ang Unang Pagpapahayag ni Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan(B)
31 Nagsimulang mangaral si Jesus sa mga tagasunod niya na siya na Anak ng Tao ay kailangang dumanas ng maraming paghihirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng mga Judio, ng mga namamahalang pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Ipapapatay nila siya, pero sa ikatlong araw ay muling mabubuhay. 32 Ipinaliwanag niya ang lahat ng ito sa kanila. Nang marinig iyon ni Pedro, dinala niya si Jesus sa isang tabi at sinabihan. 33 Pero humarap si Jesus sa mga tagasunod niya at saka sinabi kay Pedro, “Lumayo ka sa akin Satanas! Ang iniisip moʼy hindi ayon sa kalooban ng Dios kundi ayon sa kalooban ng tao!”
34 Pagkatapos, tinawag niya ang mga tao pati na ang mga tagasunod niya at pinalapit sa kanya. Sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang gustong sumunod sa akin ay hindi dapat unahin ang sarili. Dapat ay handa niyang harapin kahit ang kamatayan[b] alang-alang sa pagsunod niya sa akin. 35 Sapagkat ang taong naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito. Ngunit ang taong nagnanais mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. 36 Ano ba ang mapapala ng isang tao kung mapasakanya man ang lahat ng bagay sa mundo, pero mapapahamak naman ang kaluluwa niya? 37 May maibabayad ba siya para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kung ako at ang mga aral ko ay ikakahiya ninuman sa panahong ito, na ang mga taoʼy makasalanan at hindi tapat sa Dios, ikakahiya ko rin siya kapag ako na Anak ng Tao ay pumarito na taglay ang kapangyarihan ng aking Ama, at kasama ang mga banal na anghel.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®