Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Isaias 38:10-20

10 Akala koʼy mamamatay na ako sa panahon ng aking kabataan, at mananatili sa lugar ng mga patay. 11 Akala koʼy hindi ko na makikita ang Panginoon dito sa mundo ng mga buhay o hindi ko na makikita ang mga tao rito sa mundo. 12 Muntik nang nawala ang buhay ko na parang tolda ng mga pastol ng mga tupa na iniligpit. Ang akala koʼy mapuputol na ang buhay ko na parang telang puputulin na sa habihan. Mula sa umaga hanggang gabi ay inaakala kong wawakasan mo na ang buhay ko. 13 Buong pagpapakumbaba akong naghintay hanggang umaga sa pag-aakalang mamamatay na ako. Parang nilalansag ng leon ang aking mga buto kaya akala koʼy wawakasan mo na ang buhay ko. 14 Humingi ako ng tulong hanggang sa ang tinig koʼy para nang huni ng langay-langayan o ng tagak. Dumaing ako na parang tinig na ng kalapati. Ang mga mata koʼy pagod na rin ng katititig sa itaas. Panginoon, tulungan nʼyo po ako sa kahirapang ito.

15 Pero ano pa ang masasabi ko? Sapagkat sinagot niya ako at pinagaling. Mamumuhay ako nang may kapakumbabaan dahil sa mapait kong karanasan.

16 Panginoon, sa ginawa nʼyo pong ito, mapapalakas nʼyo ang loob ng tao, at ako mismo napalakas ninyo. Pinagaling nʼyo ako at pinayagan pang mabuhay. 17 Totoong ang mga kahirapang aking tiniis ay para rin sa aking kabutihan. Dahil sa pag-ibig nʼyo, iniligtas nʼyo ako sa kapahamakan at pinatawad nʼyo ang aking mga kasalanan. 18 Sapagkat papaano pa akong makakapagpuri sa inyo kung patay na ako? Ang mga patay ay hindi makakapagpuri sa inyo o makakaasa man sa inyong katapatan. 19 Ang mga buhay lamang ang makakapagpuri sa inyo katulad ng ginagawa ko ngayon. Ang bawat henerasyon ay magpapahayag sa susunod na henerasyon tungkol sa inyong katapatan. 20 Panginoon, iniligtas nʼyo po ako, kaya sa saliw ng tugtog, aawit kami sa inyong templo habang kami ay nabubuhay.

Josue 6:1-21

Ang Pagbagsak ng Jerico

Samantala, isinarang mabuti ng mga nakatira roon ang Jerico dahil sa mga Israelita. Walang makapasok o kayaʼy makalabas na mga tao sa lungsod. Sinabi ng Panginoon kay Josue, “Ipapasakop ko sa inyo ang Jerico pati ang hari at mga sundalo nito. Ikaw at ang mga sundalo mo ay iikot sa lungsod ng isang beses sa bawat araw, sa loob ng anim na araw. Pauunahin mo sa Kahon ng Kasunduan ang pitong pari na ang bawat isa sa kanila ay may dalang trumpeta. Sa ikapitong araw, iikutan nʼyo ang lungsod ng pitong beses, kasama ng mga paring nagpapatunog ng mga trumpeta nila. Kapag narinig nʼyo na ang mahabang tunog ng trumpeta nila, sisigaw kayong lahat nang malakas. Pagkatapos, guguho ang pader ng lungsod at makakapasok kayong lahat nang walang hadlang.”

Kaya tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa mga ito, “Dalhin nʼyo ang Kahon ng Kasunduan. Mauuna ang pito sa inyo na may dalang trumpeta ang bawat isa.” At sinabi rin niya sa mga tao, “Lumakad na kayo! Paikutan nʼyo ang lungsod. Ang ibang mga sundalo ay mauuna sa pitong pari na may dalang trumpeta.”

Ayon sa sinabi ni Josue, nauna ang pitong pari sa Kahon ng Kasunduan at pinatunog nila ang mga trumpeta nila. Ang ibang mga sundalo ay nauuna sa mga pari, at may iba pang sumusunod sa Kahon ng Kasunduan. Walang hinto ang pagtunog ng mga trumpeta. 10 Pero sinabi ni Josue sa mga tao na huwag sumigaw o kayaʼy mag-ingay hanggaʼt hindi pa niya inuutos na sumigaw. 11 Ayon sa iniutos ni Josue, inikot nila sa lungsod ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng isang beses. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila at doon natulog kinagabihan.

12 Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue. Muling dinala ng mga pari ang Kahon ng Kasunduan, 13 at ang pito sa kanila ay nauna pa rin sa Kahon ng Kasunduan na nagpapatunog ng kanilang mga trumpeta. At ganoon din ang ginawa ng mga sundalo – ang iba sa kanila ay nasa unahan ng Kahon ng Kasunduan at ang ibaʼy nasa hulihan, habang patuloy na pinapatunog ang mga trumpeta. 14 Nang ikalawang araw, inikot nila ulit ang lungsod ng isang beses, at pagkatapos, bumalik sila sa kampo nila. Ganoon ang ginawa nila sa loob ng anim na araw.

15 Nang ikapitong araw, madaling-araw pa lang ay bumangon na sila at inikutan ang lungsod ng pitong beses, sa ganoon ding paraan. Iyon lang ang araw na umikot sila sa lungsod ng pitong beses. 16 Sa ikapitong beses nilang pag-ikot, pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at inutusan ni Josue ang mga tao na sumigaw. At sinabi ni Josue, “Ibinigay na sa atin ng Panginoon ang lungsod na ito! 17 Ang buong lungsod at ang lahat ng makukuha rito ay wawasakin nang lubusan bilang handog na buo sa Panginoon. Si Rahab lang na babaeng bayaran at ang buo niyang sambahayan niya ang ililigtas dahil itinago niya ang mga espiya natin. 18 At huwag kayong kukuha ng kahit anumang bagay na inihandog na nang buo sa Panginoon. Kapag kumuha kayo ng kahit ano, malilipol kayo at kayo ang magiging dahilan ng pagkawasak na darating sa Israel. 19 Ang lahat ng bagay na gawa sa pilak, ginto, tanso, o kayaʼy bakal ay ihihiwalay para sa Panginoon, at dapat itong ilagay sa taguan ng kayamanan ng Panginoon.” 20 Pinatunog ng mga pari ang mga trumpeta nila at nagsigawan ang mga Israelita nang marinig nila ito. Nawasak ang mga pader ng lungsod at lumusob sila. Nakapasok sila ng walang hadlang at nasakop nila ang lungsod. 21 Inihandog nila nang buo sa Panginoon ang lungsod sa pamamagitan ng pagpatay sa mga lalakiʼt babae, matanda at bata, at pati mga baka, tupa at mga asno.

Hebreo 11:29-12:2

29 Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang dumadaan sa tuyong lupa. Pero nang sinubukang tumawid ng mga humahabol na Egipcio, nalunod sila.

30 Dahil sa pananampalataya, gumuho ang mga pader ng Jerico matapos itong ikutan ng mga Israelita sa loob ng pitong araw.

31 Dahil sa pananampalataya, tinulungan ni Rahab na babaeng bayaran ang mga espiya at hindi siya pinatay kasama ng mga kababayan niyang suwail sa Dios.

32 Kailangan ko pa bang magbigay ng maraming halimbawa? Kakapusin ako ng panahon kung iisa-isahin ko pa ang mga ginawa nina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at ng iba pang mga propeta. 33 Dahil sa pananampalataya nila, nilupig nila ang mga kaharian, namahala sila nang may katarungan, at tinanggap nila ang mga ipinangako ng Dios. Dahil sa pananampalataya nila, hindi sila ginalaw ng mga leon, 34 hindi sila napaso sa nagliliyab na apoy, at nakaligtas sila sa kamatayan sa pamamagitan ng espada. Ang iba sa kanilaʼy mahihina, pero pinalakas sila ng Dios. At naging makapangyarihan sila sa digmaan at nilupig ang mga dayuhang hukbo. 35 May mga babae naman na dahil sa pananampalataya nila sa Dios ay muling nabuhay ang kanilang mga anak na namatay. Ang iba namang sumasampalataya sa Dios ay pinahirapan hanggang sa mamatay. Tinanggihan nila ang alok na kalayaan kapalit ng pagtalikod nila sa kanilang pananampalataya dahil nalalaman nilang darating ang araw na bubuhayin sila ng Dios at matatanggap nila ang mas mabuting gantimpala. 36 Ang iba naman ay dumanas ng mga panlalait at panghahagupit dahil sa pananampalataya nila, at ang iba ay ikinadena at ibinilanggo. 37 Pinagbabato ang iba hanggang sa mamatay, ang iba naman ay nilagari hanggang mahati ang katawan nila, at mayroon ding pinatay sa espada. Ang ilan sa kanila ay nagdamit na lang ng balat ng tupa at kambing. Naranasan nilang maghikahos, usigin at apihin. 38 Nagtago sila sa mga ilang, mga kabundukan, mga kweba at mga lungga sa lupa. Hindi karapat-dapat ang mundong ito para sa kanila.

39 Kinalugdan silang lahat ng Dios dahil sa pananampalataya nila. Ngunit hindi nila natanggap sa panahon nila ang ipinangako ng Dios sa kanila. 40 Itoʼy dahil may mas mabuting plano ang Dios para sa atin, dahil nais niyang makasama nila tayo kapag tinupad na niya ang ipinangako niya sa kanila.

Ang Dios na Ama Natin

12 Napapaligiran tayo ng maraming tao na nagpapatotoo tungkol sa pananampalataya nila sa Dios. Kaya talikuran na natin ang kasalanang pumipigil sa atin at alisin ang anumang hadlang sa pagtakbo natin. Buong tiyaga tayong magpatuloy sa takbuhing itinakda ng Dios para sa atin. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang sandigan ng pananampalataya natin mula sa simula hanggang sa katapusan. Tiniis niya ang paghihirap sa krus at hindi niya ito ikinahiya, dahil inisip niya ang kaligayahang naghihintay sa kanya. At ngayon nga ay nakaupo na siya sa kanan ng trono ng Dios.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®